40 | Under Attack

2.4K 90 13
                                    

Malalim na ang gabi ng napagdesisyunan kong mag-impake. Konti lang naman ang gamit ko kaya mabilis lang ito. Buo na kase ang desisyon na lumayo, lalong-lalo na kay Loki. Alam kong masasaktan siya sa gagawin ko pero ito ang makakabuti sa kanya. Ayaw kong matulad siya kay Zerren. Kahit na alam ko ang magiging kinahahatnan, hindi parin ako lumayo sa kanya. Ito ang makakabuti sa kanya kung kaya pikit mata akong aalis at walang lingunan. Pinigilan kong hindi lumuha sapagkat alam kong iiyak ako ng walang tigil.

Magpakatatag ka Karmil! sabi ko sa sarili ko.

Dumaan ako sa bintana at mabilis akong nakababa dahil hindi naman gaanong kataas ang inn. Mula sa ibaba, hindi ko maiwasang mapatingin sa bintana ng kwarto ni Loki. Alam kong mahimbing ang tulog niya ngayon, walang kaalam-alam sa aking ginawang hakbang. Agad kong inilayo ang aking tingin sa gusali. Isinuot ko ang hood ng aking cloak at isinabit ang sack bag sa aking kanang balikat. Tahimik na nakasunod lang si Tora habang binabaybay namin ang tahimik na daan.

Napagdesisyunan kong dumaan sa kanlurang bahagi kung saan madadaanan ko ang Radiant Sun Castle kung saan lumalagi ang namumuno ng buong Helios. Ako'y napatigil sa aking paglalakad ng may naramdaman akong kakaiba. Tumayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan. Nabigla ako ng umalis si Tora sa aking tabi. Agad ko naman siyang sinundan dahil pareho kami ng kutob. Pumasok siya sa isang meadow na malapit sa Radiant Sun Castle. Agad naman akong nakasunod sa kanya at hindi ko inaasahan ang aking nakikita.

Mga niafol, paano nagkaroon ng mga niafol dito?!

Niafol, kung sa dati kong mundo sila ay mga demons. Nagmula sila sa pinakapurong kasamaan at kadiliman. Nabubuhay na sila simula pa noong unang panahon. Ang mga nilalang na ito ay ang pangunahing kaaway ng mga tao at ng mga Celestial. Kaso paano napunta ang mga ito dahil sa pagkakaalam ko, nagtagumpay kami ni Sion na i-seal ang portal ng mundo ng mga Niafol sa Alterum. Imposibleng nabuksan ang Tophet! Agad akong umalis sa aking kinaruroonan at agad nagtungo sa Radiant Sun Castle.

Mabuti na lang may mga sundalong nagbabantay. Hingal na hingal akong lumapit sa kanila. Nagtataka man, lumapit sila sa akin.

"Pakiusap, sabihan niyo ang hari na paparating ang mga niafol dito!" sabi ko sa gitna ng aking paghingal.

"Binibini, ayos ka lang ba? Ngayon ko lang narinig ang mystic beast na sinasabi mo," inosenteng tugon ng sundalo.

Sa sinabi ng sundalo, doon ko napagtanto na walang alam ang bagong henerasyon tungkol sa mga Niafol. Sinadya namin iyon ng mga kasamahan ko para maiwasan na muling mabuksan ang portal ng Tophet sa Alterum. Kahit ang kasalukuyang hari ay marahil wala ring alam kung ano ang mga ito. Kinalma ko ang aking sarili, hindi ako pwedeng magpadala sa galit. Lalong-lalo na hindi basta-basta ang mga niafol na paparating dito sa Helios.

"Balaan mo ang lahat na magsilikas, hindi na tayo ligtas," sabi ko pero parang gustong matawa ng sundalo sa sinabi ko na marahil hindi naniniwala sa sinasabi ko.

Maya-maya ay isang pagsabog ang dumagungdong sa border ng Helios. Ang malaking pader ng Helios na nagsisilbing proteksyon ay agad na nawasak. Isang higanteng niafol na may itim na balat, isang mata at may anim na sungay. Malaki ang katawan nito at nasa lambing-limang metro ang taas. Kasunod ng pagkawasak ng pader ay mga maliit na niafol. Sumunod ang mga sigawan at iyakan ng mga tao. Binalot lahat ng takot dahil ito ang unang beses na makakita sila ng isang nilalang na galing impyerno.

Iniwan ko ang nakatulalang sundalo. Iisa lang ang nasa isip ko, kailangan kong puntahan sina Loki at Rue. Kailangan kong mapapunta sa kanila kaagad, wala silang alam kung paano puksain ang isang niafol. Hindi ko maiwasan na makasagupa ng mga ilang niafol. Pinuntirya ko ang kanilang tagiliran dahil nandoon ang kanilang puso. Dahil mahihinang klase ang mga iyon, agad ko silang natalo. Kaso masyado silang marami, hindi ko kakayanin na matalo silang lahat. May mga mangilan-ngilang magus na nasa paligid pero nahihirapan silang patayin ang mga niafol.

Crimson: Beginning of a Legend ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon