CHAPTER 5

4.8K 121 7
                                    

CHAPTER 5

 

Taon: 1989

ISANG limang taong gulang na bata ang naglalakad sa lansangan. Wala siyang patutunguhan. Nahiwalay siya sa ibang mga batang tumakas mula sa White Cross—ang bahay ampunan na pinagmulan niya. Sanggol pa lamang siya nang dalhin siya roon. At sa limang taon niyang pamamalagi roon ay limang  beses din siyang inampon pero wala pang isang taon ay ibinabalik siya sa bahay ampunan dahil kung hindi naghihiwalay ang mag-asawang umaampon sa kanya ay kinaiinggitan siya ng mga tunay na anak ng mag-asawa kaya ibinabalik siya sa bahay ampunan. Nang malaman ng iba pang umaampon ang nangyayari ay nawawalan ng gana ang mga ito na ampunin siya. Sinasabi ng ibang nag-i-inquire roon na baka may dala siyang kamalasan kaya siya ibinabalik. Nawalan siya ng pag-asa na may mag-ampon pa sa kanya nang marinig niyang pinag-uusapan siya isang araw ng mag-asawang gusto sanang umampon sa kanya na nagbago ang isip nang malaman na ibinabalik siya lagi ng mga umampon sa kanya—nababalitaan na labas-masok siya ng White Cross dahil isinosoli nga siya. Kaya isang gabi nang yayain siya ng ilang mga bata upang tumakas, hindi siya nagdalawang isip na sumama sa mga ito. At sa kanyang paglalakad, kung saan-saan siya dinala ng kanyang mga paa. Naikot niya ang buong Kamaynilaan.

Sa loob ng White Cross nabigyan ng pangalan si April. Iyon ang ibinigay sa kanyang pangalan dahil buwan ng Abril nang ipasok siya sa loob ng ampunan. At dahil kakaiba kasi ang panahon ng araw na iyon—malakas ang buhos ng ulan na kung tutuusin ay tag-araw, napagkaisahan ng staff ng White Cross na ‘April’ ang ipangalan sa kanya.

NAAKIT siya sa mga ilaw at tsubibong umiikot sa lugar na iyon sa Montalban. Kahit na gula-gulanit ang kanyang damit ay napapansin siya ng iba. “Kay gandang bata, ano ang pangalan mo?” tanong ng ilang nakakakita sa kanya.

“April po..,” malumanay niyang sagot sa mga ito.

Sa kanyang paglalakad nakita niya ang nakalagay na malaking karatula sa isang panoorin doon: SEBASTIAN, THE GREAT MAGICIAN. Hindi niya namalayan na pumapasok na siya sa entrance nang marinig niya ang boses na nasa loob ng kubol na nagtitinda ng ticket.

“Bata, bawal ka rito! Kailangan magbayad ka muna! Kinse pesos!” sabi ng matabang mataray na nagtitinda ng ticket habang kumakain ito ng mani.

Hindi sinagot ni April ang babae bagkus ay umurong na lamang. Dahil sa curiosity niya, naisipan niyang maglakad patungo sa likuran na kinaroroonan ng panooring iyon ng magician. Sa likuran nito ay wala naman siyang makita kundi ang pader na yari sa kahoy na nakatakip—na sa kanyang palagay ay naroroon  ang sinasabing great magician na si Sebastian. Napalunok na lamang siya nang tanggapin niyang hindi naman niya mapapanood ang magician. Umupo na lamang ito sa kapirasong hallow blocks sa lupa at tumingala sa tsubibo, pinagmamasdan habang ito ay umiikot-ikot. Inaliw niya ang sarili habang pinapanood ito sa kanyang pag-ikot. At hindi niya namalayan na dahil sa sobrang kapaguran niya ay napahiga siya sa lupa at nakatulog.

Umaga na nang magising siya sa  tilaok ng manok sa bahay na iyon. Nagulat siya nang makita niyang nakahiga siya sa malinis na papag na may banig pa. Lalo pa siyang nagulat nang makita niya sa tabi ang hapag kainan na may pagkain—tatlong pirasong fried chicken at sa tabi’y may isang platong kanin!

“Gising ka na pala. Kumain ka na,” sabi ng malumanay na boses na kanyang narinig. Si Mang Sebastian. Isang lalaki na nasa 50’s na sa unang tingin pa lamang ay may maamong mukha, mukhang mabait. Medium built ito na bagaman marami nang puting buhok ay hindi masasabing mahina at isa ng lolo dahil malakas at maliksi ang kanyang katawan. Ang kanyang ngiti’y nagdudulot ng gaan sa kalooban sa kung sino man ang makakita sa kanya. Nakita niya itong pumasok mula sa labas ng bahay na may dalang panggatong.

SHARED  (Published under PHR Gothic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon