CHAPTER 10

3.7K 88 1
                                    

CHAPTER 10

RHINE RIVER, Germany

HALOS hindi makita ang paligid sa makapal na fog na iyon sa kahabaan ng major river na iyon sa Europa na nag-uugnay sa Germany hanggang Switzerland. Magtatapos na ang buwan ng Oktubre at sa itinakdang gabing ito, sa kabilugan ng buwan ang pagpupulong o summit ng mga bampira.

Puno ng misteryo ang Rhine River. Malinis at malayang umaagos ang tubig nito. Makikita rin ang iba’t-ibang tanawin sa bundok na nasa gilid ng ilog. Sa mga bundok ay matatagpuan ang napakagandang tanawin—may mga vineyards at iba’t-ibang pananim na makikita. Luntian ang paligid. Pero ang higit na kapansin-pansin ay ang mga kastilyong matatagpuan sa mga bundok sa gilid ng Rhine—mistula silang nakadikit sa mga bundok na nakahilera sa kahabaan ng ilog. Ito ay mga antigo at ruins na silang maituturing na  lalong nakapaparagdag sa misteryo ng lugar na ito na parang sa mga fantasy film at fairy tale books lamang makikita.

Sa kahabaan ng Rhine River ay makikita ang sampung luxury boats na sakay ang lahat ng mga bampira sa buong mundo. Isa sa mga luxury boats na ito ay sakay sina Hans at Don Patricio. Mag-iisang oras na silang naglalakbay mula sa daungan ng Frankfurt. Makailang beses na ring nag-travel sa Europe si Hans pero ngayon lamang siya nakarating sa Rhine River.

Paiba-iba ang lugar ng taunang summit o pagpupulong ng mga bampira sa buong mundo at sa Europa nila ito laging idinaraos. Sa Prague, Geneva, Budapest, Prague, Vienna, Canne, Venice, at kung saan-saan pang tagong lugar sa mga siyudad ng Europa nila ito idinaraos.

 Lahat ng mga bampirang sakay ng luxury boats ay pormal ang mga kausotan. Ang mga babae ay naka-gown at pusturang-pustura. Ang mga lalaki ay naka-tuxido—para silang dadalo sa Oscars. Kapansin-pansin na mas marami ang Caucasian na mga bampira kaysa ibang mga lahi. Iilan lamang ang galing sa Asia gaya nina Hans at Don Patricio. May mangilan-ngilan din na itim ang kulay ng balat gaya ng mga galing Amerika at Africa. Pero isang bagay ang kapansin-pansin sa kanila—lahat sila ay magaganda at naguguwapuhan. Mangilan-ngilan lamang ang mukhang may edad na kagaya ni Don Patricio.

Halos lahat ng mga bampira ay magkakakilala—isang bagay na hindi ipagtataka dahil karamihan sa kanila ay libo-libong taon o daan-daang taon na silang nabubuhay sa mundo.

Ang mga lahi ng mga bampira ay nananatiling buhay sa mundo at nananatiling bata hangga’t sila ay nakakainom ng dugo ng tao. Pero kung ititigil nila ang pag-inom ng dugo ng tao sila ay tatanda at maaaring mamatay hindi sa sakit kundi dahil hindi sila umiinom ng dugo. Isa si Don Patricio ang napagod na sa pagiging bampira—wala nang ganang mabuhay na hindi kagaya ng karamihan sa kanila. Minsan nang ipinagtapat nito ang dahilan kung bakit ayaw na niyang mabuhay—palaging binabanggit at ikinukuwento ito kay Hans.

Huminga ng malalim si Don Patricio—ninamnan ang masarap na lamig ng hangin sa deck habang umaandar ang luxury boat na iyon. Bahagyang bumaling sa kanyang anak.“Hans… Ipagpatuloy mo ang Peak Industries. Ipagpatuloy mo ang mga negosyong pinagpaguran ko.”

Tumango si Hans.

“Ayoko nang mabuhay. Sapat na sa akin ang mahigit limang daang taon ko nang pamamalagi sa mundong ito. Gera, paghihirap, mga sari-saring sakit na nasasaksihan ko sa mga tao. Ayoko na.” May pait ang tinig ng don.

“Pa, what are you saying,” napangiti, iginalaw ang leeg ni Hans upang luwagan ang kuwelyo at sabay na inayos ang bow tie. “You are always looking at the negative side of life. As far as I know, maraming magagandang nangyari  sa buhay ninyo.”

“Si Elvira lamang, ang iyong ina. Kung hindi siya pinatay ay buhay pa sana siya at pareho kaming mukhang bata. Mananatili akong bata para sa kanya. Pero noong mawala na siya ay nawalan na ako nang gana.”

Mahalaga sa mga bampira ang pag-ibig. Kaya kapag natatagpuan nila ang kanilang napupusuan ay hindi sila bumibitiw—

hindi pinakakawalan ang taong minamahal. Ang kanilang mga puso ang pinakamalakas na parte ng kanilang katawan kaya kapag ito ang itinarak ay sa ganoon lamang sila namamatay. Nasa puso nila ang kanilang buhay kaya ang taong iniibig lamang nila ang nabubuhay kapag kinagat nila at pinainom ng kanilang dugo. Kagaya nila, sila ay magiging bampira at magiging imortal din. Kung wala silang pag-ibig dito, sila ay mamamatay.

Naalalang bigla ni Hans si April. May nararamdaman siya rito sa una pa lamang niya itong nasilayan. Pero isang bagay din ang tinatanong niya sa kanyang sarili—nais ba ni April na maging bampira? At isa pa’ng bumabagabag sa kanya ay ang personalidad ni April—na sa tingin niya’y ibang-iba sa mga babaeng nakilalala niya—si April ay parang babasaging kristal na hindi niya kayang ‘saktan’—nag-aalangan siya dahil hindi niya matanggap at hindi makakayanang kagatin at sipsipin ang dugo nito.

BUKOD sa taunang get-together sa summit ng mga bampira ay nagkukumustahan din sila sa kung ano’ng nangyayari sa kani-kanilang buhay. Since karamihan sa kanila ay mga negosyante, nagpapalitan pa sila ng kuro-kuro at humihingi ng tulong ang ibang nangangailangan upang mapalago pa ang kani-kanilang mga negosyo. Pero naging patakaran na ng lahat na ang pag-inom ng dugo sa tao ay hindi rin basta-basta. Hindi pinapatay ang mga taong may mabubuting kalooban at may malaking pakinabang sa lipunan.

Huminto sa isang daungan ang laxury boats sa pinakamalaking kastilyo ng Rhine River.  Bumaba roon ang mga bampira at sila ay nagtungo sa pinakamalaking kastilyong nakahilera sa tagiliran ng bundok.

          Bago makarating sa kastilyo—na sa histura nito ay daan-daang taon na itong nakatrik sa isang burol ay makikita ang nakahilerang torches na nagsisilbing ilaw patungo sa main entrance nito. May password na ibinibigay ang bawat isa na siyang nagsisilbing tanda na ang dumalo ay kauri nila—na ang dumalo ay dapat na isang bampira.

          Isang magarbong party ang pinagsaluhan ng lahat ng mga bampirang nabubuhay sa mundo ang pumasok sa kastilyo. May kantahan at sayawan. Ang iba na naghahanap ng tahimik na lugar upang makipagkuwentuhan lamang ay nagtutungo sa balcony na tanaw ang Rhine.

         

BAGO sumikat ang araw—nang matapos na ang pagsasalong iyon ng mga bampira wala ni isang bakas na iniwan na nagkaroon ng selebrasyon sa kastilyong iyon.

SHARED  (Published under PHR Gothic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon