Twenty Four: Choices

3.7K 203 27
                                    

EZEKIEL

Mabigat akong umupo sa isang troso dito sa gitna ng kagubatan. Hinilamos ko ang mga kamay ko sa aking mukha at pagkatapos ay sinabunutan ang aking mahabang buhok. Hanggang ngayon ay hindi maalis sa aking isip ang imahe ng lalaking nakaharap ko kanina.

[Bumalik ka na sa'kin mahal ko. Nandito na si Omega Man mo.]

Tila sirang plaka na paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan ang kanyang boses. Nagsusumamo ito at puno ng pagmamahal. Huli na nang namalayan ko ang pagtulo ng luha ko.

Bakit parang kilala ko siya?

"Anong nangyari sa'yo Zeke?" Tanong ni Ivory na nakatayo sa aking harapan. Madilim man sa paligid ay nakikita ko ang pag-aalala sa mukha niya.

Nanginginig ang mga kamay ko nang pinunasan ko ang aking mga luha. Pinili ko na wag tumingin kay Ivory. Nahihiya ako sa kanya dahil sa kapalpakan ko.

"Ho Sento Ivo (Patawad Ivo). Di ko mapaliwanag ang nangyari sa'kin kanina." Sagot ko sa basag na boses. Hindi ako makatingin sa kanya ng maayos.

"Hayaan mo na bawasan ko ang agam-agam na iyong nararamdaman, Zeke." Pagkatapos na sabihin iyon ay nagsimulang maghum si Ivory at may kulay itim na alon ng awit na lumalabas sa kanyang manipis at mapupulang labi.

Kasabay ng panunuot ng mga ito sa aking katawan ay ang unti-unting pag-gaan ng aking pakiramdam. Ginamitan niya ko ng Neas o Emotion Negation Song. Isang Ada na kayang pahinain ang kasalukuyang emosyon ng isang tao.

"Maayos na ba ang iyong pakiramdam?" Tanong niya pagkatapos.

"Oo. Asante Ivo." Nakangiti kong tugon.

"Ngayon ay maaari mo nang ihayag sa akin kung ano ang nangyari sa'yo kanina. Makikinig ako." Umusog ako sa pagkakaupo ng umupo siya sa aking tabi.

Bago sumagot ay naisipan ko munang gumawa ng bonfire bilang panangga sa malamig na simoy ng hangin dito sa kagubatan. Nag-isip ako ng mga tuyong sangga at nang mabuo ito sa aking harapan ay nag-isip naman ako ng apoy. Ilang sandali pa ay nagliyab ang mga tuyong sangga na hindi lamang init ang binibigay kungdi maging liwanag na rin sa madilim na paligid.

"May nakalaban akong lalaki kanina. Isa siyang Earth Elementor..." Kumuha ako ng isang piraso ng sangga at pinaglaruan ang apoy na nasa aking harapan gamit ito.

Wala naman akong nakuhang kahit na anumang tugon kay Ivory. Seryoso lamang itong nakatitig sa akin na tila naghihintay ng karugtong sa aking pahayag. Bumuntong hininga ako bago magpatuloy sa pagk-kwento.

"Para kasing kilala niya ko Ivory..."

"Paano mo naman iyon nasabi." Malamig ang boses nito.

"Tinawag niya ako sa pangalang Summer tapos..." Hindi ko alam kung nararapat bang sabihin ko sa kanya ang buong pangyayari.

"Tapos?"

"Hinalikan niya ko sa labi ko." Pagpapatuloy ko.

Nakita ko ang pagkagulat ni Ivory ngunit mabilis din itong nawala at bumalik sa seryoso nitong itsura. Dahil sa pag-iinit ng pisngi ko ay nakakasiguro akong pinapamulahanan na ako ng mukha. Ito talaga ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng pagtangi sa kapwa ko lalaki.

"Ano naman ang iyong naging hakbang pagkatapos ka niyang halikan?" Walang buhay niyang tanong.

Natulala ako sa tila nagsasayaw na apoy sa aking harapan. Naalala ko kung gaano kainit at katamis ang mga labi nung misteryosong lalaki na iyon habang marahan niya akong hinahalikan. Para akong tatakasan ng bait ng mga sandaling iyon.

"Nasaksak ko siya bago ko siya iniwan." Sagot ko na walang halong pagsisinungaling.

"Hindi kaya bahagi ang taong iyon ng iyong nakaraan Zeke?"

Rigo's CurseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon