0

381 39 3
                                    

"Simula"

. . .

"Aalis ka?"

Hindi ko naitago ang lungkot sa boses. Pinaglaruan ko ang mga dahon sa paahan gamit ang isang maliit na sanga ng puno. Lumingon ako sa kaibigan, napansin ko ang isang maliit na sugat sa gilid ng labi niya. Bumuntong hininga na lang ako at muling nagsalita.

"Saan kayo papunta?"

"Sa Maynila na kami," hindi siya makatingin sa akin at katulad ko ay nilalaro laro rin niya ang mga tuyong dahon na nagkalat sa paahan namin. "Doon na raw kami sabi ni Tita."

Uminit kaagad ang ulo ko ng marinig ang sinabi niya. Hindi ko gusto ang ugali ng Tita niya. Lalo na't palagi siyang sinasaktan at pinagbubuhatan ng kamay.

"Bakit biglaan?"

"Nawalan ng trabaho si Papa. Mas Malaki raw ang kikitain ni Tita kung doon kami sa Maynila," paliwag niya.

Tumango na lang ako bago tumingin sa malayo. Natatanaw at naririnig ang isang tagong ilog kung saan kami nakaupo. Kakaunti ang naliligaw sa lugar na ito, halos kaming dalawa lang ni Ria.

Magkapitbahay kami at schoolmate rin. Hindi kami madalas magkita sa loob ng school dahil magkaiba ang baitang namin. Mas bata siya sa akin ng isang tao kaya naman grade 7 siya at grade 8 na ako.

"Magiging maayos ba kayo ro'n?" hindi ko maiwasang magtanong.

"Oo naman! T'saka mas malapit ang Mama ko kung sakali. . ." saglit siyang tumigil. "Mabilis akong makakatakbo kapag napag-initan na naman ni Tita."

Tumawa siya pero nanatili lang akong seryoso habang nakatingin pa rin sa direksyon ng ilog. Hindi ko maisip kung bakit nagagawa pa niyang tumawa?

Manhid na 'ata siya sa mga sapak at sampal ng Tita niya kaya ganiyan. Parang walang masakit sa kaniya kahit na halos kitang kita naman sa braso niya ang bakas ng kuko at sa pisngi niya ang isang sampal.

"Mag-iingat ka roon. I-chat o i-text mo na lang ako kapag kailangan."

Ano na kayang gagawin ko kapag wala na siya? Wala naman akong kaibigan sa school, kaya paano ako makakauwi ng walang kasabay? Madalas kaming dalawa dito sa gubat at sa tabing ilog, kaya kapag umalis siya siguradong mag-isa na ako. Siya nga lang ang nakakaintindi sa hilig at ugali ko tapos maiiwan pa ako.

"Paano kita i-chachat? Wala ka namang facebook!" tumawa siya kaya ngumuso ako at umirap.

"Gagawa ako."

"Hindi ka naman mahilig sa ganoon," narinig kong bulong niya bago tumayo. Napalingon ako sa kaniya at tumingala. "Gumawa ka nga para makita mo iyo'ng mga pictures natin."

Tumango ako ng paulit ulit. Naalala ko pa ang nangyari noong isang lingo. Ilang beses niya akong pinilit na kumuha ng litrato. Ayaw ko sana pero ng sinabi niya sa akin na baka iyo'n na daw ang huling pictures naming dalawa ay pumayag na ako.

"Sige na! Ang dami dami mo ring medal, wala kang remembrance!"

Ngumiwi ako bago napipilitang tumabi sa kaniya. Itinaas niya ang touchscreen na cellphone bago kami sabay na ngumiti.

"Madaming likes iyo'n! Tignan mo para makita mo," rinig ko pang sabi niya bago ako tumayo at nagpapagpag ng sarili.

"Oo nga, tara na."

Sabay kaming naglakad palapit sa ilog. Mas madalang ang tao rito lalo na't takot sa may-ari. Wala naman kaming gagawin na masama. Maliligo lang kaming dalawa ni Ria.

"Shet! Mamimiss ko 'to!" sigaw niya bago tumalon sa malalim na parte ng ilog. Hindi ako marunong lumangoy kaya madalas kapag nagpupunta kami rito ay nanonood lang ako sa kaniya.

No One Left (No One Series #I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon