Pumasok si lola sa aking kwarto dala ang isang maliit na lampara sa kanyang kaliwang kamay at isang baso ng tubig naman sa kanyang kanang kamay. Inilapag niya ang kanyang mga hawak sa isang maliit na lamesa sa gilid ng banig kung saan ako nakahiga. Nginitian ko siya at medyo nawala ang takot ko dahil sa matagal na panahon ay ngayon niya lamang ulit ako sinamahan bago matulog.
Kitang kita ko sa mukha ni lola ang napakalaking pagbabago. Ngayong nasa gitna ng digmaan ang aming bansa ay hindi ko na siya nakikitang naka-ngiti. Mas dumami rin ang kulubot sa kanyang mukha pero kahit ganoon pa man. Hinding hindi nagbabago ang pagmamahal niya para sa akin.
Tinanong sa akin ni lola kung bakit hindi pa ako natutulog pero sinabi ko rin naman sa kanya ang totoo. Na natatakot ako sa mga putok ng baril sa di kalayuan maging ang pagdaan ng mga eroplano sa ibabaw mismo ng aming bahay. Kaagad na hinawakan ni lola ang balikat ko at sinabi na wag akong matakot dahil kasama ko na siya at tatabihan niya rin akong matulog. Sinabi niya rin sa akin na sa tuwing matatakot ako. Ipikit ko lamang ang mga mata ko upang wala akong makita. Upang mabawasan ang takot ko.
Kinuha ni lola ang isang baso ng tubig na kanina ay inilapag niya sa lamesa at iniabot niya ito sa akin. Sinabi niya na inumin ko ito upang makatulog ako ng mahimbing at hindi na ako muling bangungutin. Habang iniimon ko ang napakasarap na tubig ay biglang nanginig ang lapag at saka dumaan ang isang eroplano. Nakakatakot ang tunog nito kaya kaagad akong napapikit at napayakap kay lola. "Shh... Shh... Wag kang mag-alala apo ko. Hindi kita pababayaan." Ramdam na ramdam ko ang higpit ng pagkakayakap ni lola sa akin.
Humiga na siya sa aking tabi at saka niya ako niyakap habang ako naman ay nakaramdam ng proteksyon. Siguradong hindi na ako babangungutin dahil nasa tabi ko na ang lola ko. Pinatay na ni lola ang lampara at saka na kami natulog.
Ipinikit ko ang aking mga mata at sa mahabang panahon ay ngayon lamang ulit ako nakatulog ng mahimbing.Idinilat ko ang aking mga mata at nasilaw ako sa liwanag ng araw. Teka... Bakit parang wala na ako sa kubo? Nasaan na ang lola ko? Bumangon ako at lumingon sa buong paligid hanggang sa isang babae na hindi ko kilala ang lumapit sa akin. Sinabi niya sa akin na mabuti na lamang at nakaligtas ako. Nakaligtas saan? Hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari.
At saka niya ipinaliwanag sa akin ang lahat. Sinabi niya sa akin na tuluyan na kaming nasakop at natalo sa digmaan. Mabuti na lamang daw at naitakas ako ng lola ko. "Alam mo ba. Pilit ka naming ginigising pero sinabi samin ng lola mo na nilagyan niya ng pampatulog ang tubig na ininom mo para kapag tumakas na kayo. Hindi ka makaramdam ng anumang kaba at takot. Mabuti na lamang at nailayo ka niya ay naidala dito sa amin bago pa mahuli ang lahat."
Pero matapos sabihin ng babaeng iyon sa akin ay mas lalo akong nagtaka. at saka ko itinanong sa kanya kung nasaan na si lola?
Tumingin siya sa mga mata ko at itinuro niya kung nasaan na si lola. Napangiti naman ako at saka ako nagtungo sa direksyon kung nasaan na ang lola ko.
Pagkarating ko sa lugar na iyon ay nakita ko ang hile-hilerang mga katawan na wala nang buhay. Napatigil ako at hindi ako makapaniwala sa mga nakikita ko. Ngayon lamang ako nakakita ng ganito sa buong buhay ko. Mga mga bata, matanda at kung sinu-sino pa ang nakahilera sa napaka maputik na lapag. Hanggang sa nakita ko si lola na isa mga wala nang buhay.
Napahinto ako at natulala. Tila parang sumabog ang puso nang makita kong wala nang buhay ang lola ko. Tumakbo ako patungo sa kanya hanggang sa niyakap ko siya ng napaka higpit. Hinawakan ko ang malamig niyang kamay at hindi ko mapigilan ang humagulgol. Nakita ko na may tama siya ng bala sa kanyang balikat. Muli namang lumapit sa akin ang babae at sinabi niya na sobra na siyang nanghihina dahil sa tama ng bala pero nabuhat niya pa rin ako patungo dito. Nang dahil sa lola ko ay nakaligtas ako.Lumipas man ang napakahabang panahon ay dala-dala ko pa rin sa pagtanda ko ang pangyayaring iyon. Maayos na ang lahat at sa wakas ay natapos na rin ang walang saysay na digmaan. Sa tuwing matutulog ang dalawa kong anak ay dinadalaw ko muna sila. Paulit ulit ko na ikinukwento ang mga pangyayaring ito. Sinasabi ko rin sa kanila na kapag sila ay natatakot. Ipikit lamang nila ang kanilang mga mata dahil sa kanilang pag-dilat. Magiging ayos din ang lahat tulad ng itinuro sa akin ni lola.
Kaya lola... kung nasaan ka man. Palagi mo sanang tatandaan na hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang proteksyon mo tulad noong gabing niyakap mo ako bago ako matulog. Kung saan ay hindi na ako binangungot hanggang sa mga panahong ito. Hinalikan ko sa noo ang mga anak ko at lumabas na ako ng kanilang kwarto pero bago ko pa sila iwan ay tinitigan ko muna ang napaka inosente nilang mukha. Napangiti ako at saka naluha... at naisip ko na kung sakaling muling mangyari ang digmaang iyon. Handa rin akong buhatin sila at dalhin sa isang ligtas na lugar kahit puno na ng mga bala ang katawan ko. At saka ko isinarado ang pintuan ng kanilang kwarto.
BINABASA MO ANG
SHORT STORY COLLECTION BY LEE RAFAEL
Short StorySa Wattpad Story na 'to. Mababasa niyo ang iba't ibang klase ng Short Story na gawa ko. Including Horror, Romance, Science Fiction, Fanfiction, at iba pa. I hope na magustuhan niyo to. At every-time na meron akong bagong naisip na SHORT STORY. Dito...