Ala-ala

30 0 0
                                    

Ilang buwan na ang nakalipas ngunit hindi pa rin ako makalimot. Sariwang-sariwa pa rin kasi sa puso't isip ko ang mga ala-alang binuo namin noon. Ginawa ko na ang lahat ng paraan upang siya ay mawala na sa isip ko. Nagbakasyon na ko ng mag-isa, nagpunta na ko sa iba't-ibang mga simbahan, inunfriend ko na rin siya sa lahat ng aking social media accounts, at higit sa lahat, binura ko na rin ang lahat ng aming mga larawan sa aking cellphone.
Sa bawat umagang gumagising ako, palagi nalang nababalot ng luha ang mga mata ko dahil hanggang sa panaginip ko ay dinadalaw pa rin niya ako. Sa mga panaginip na iyon, parang nagkakatotoo ang mga pangarap ko para sa aming dalawa. Pero imbes na ako ay matuwa, nalulungkot lamang ako dahil alam kong hindi na mangyayari ang lahat ng 'yon.
Hanggang sa isang gabi, kung saan ang pagbuhos ng ulan ay walang tigil at ang pag-kidlat ay wala nang mas ilalakas pa, kaya ako ay nag-dasal sa sobrang inis ko sa kanya. Nag-dasal na sana malimutan ko na ang lahat ng mga ala-alang iniwan niya sa akin. Ayoko nang maalala ang pangalan niya, ayoko nang maalala ang itsura niya, at mas lalong ayoko nang maalala ang pagmamahal ko sa kanya maging ang mga ala-alang iniwan niya. 

At noong kinaumagahan din na yon, ako ay nagising na may ngiti sa aking labi. Tila parang may kakaibang nangyari sa akin. Tumingala ako sa kisame ng aking kwarto at parang ang saya-saya ko. Pinipilit kong alalahanin ang napaginipan ko kagabi ngunit ako ay walang maalala. Ako ay kaagad na bumangon at nag-handa nang pumasok sa trabaho.
Paglabas ng aking bahay, nakakita ako ng isang matandang lalaking nagwawalis sa gilid ng daan, at naalala ko na may naiwan pala akong basura ng chichirya sa aking bag. Kinuha ko ito at saka itinapon sa gilid ng daan. Alam ko namang wawalisin niya rin 'yon.
Pagdating ko naman sa overpass, nakakita ako ng isang palaboy. Isang palaboy na mukhang mabaho! Ako ay nagtakip ng ilong at nagmadali akong naglakad papalayo sa kanya. Pagkarating ko naman sa opisina, ako ay tila nawawalan ng gana. Tumayo ako at lumabas upang magsigarilyo.
Matapos ng mahabang araw, naalala ko ang aking ama't-ina na hindi ko pa pala nadadalaw sa simenteryo. Hindi ko na maalala kung kailan ko sila huling nadalaw. Marami pa namang ibang araw para madalaw sila. At pagkarating ko sa bahay, hindi na ako kumain pa dahil ito ay nakasanayan ko na.
Lumipas ang mga araw, ang mga gawing 'yon ay tila paulit-ulit lamang nangyayari. Hindi ko na rin namamalayan na ako pala ay pumapayat na dahil sa hindi pag-kain tuwing gabi.
Hanggang sa isang kakaibang gabi ang aking naranasan. Dahil ang ulan ay biglang bumuhos at sobrang lakas nito! Ang mga kidlat din naman ay halos nakakabingi na kaya napilitan akong magtakip ng aking tainga. Ako ay sumisigaw na sana ay tumigil na ang ulan at ang kidlat. Sana bumalik na sa dati ang lahat! Yung mga panahong walang kulog at kidlat.

Alas-sais ng umaga nang ako ay magising. Nakakapagtaka dahil ang mga mata ko ay may luha. At bigla kong naalala ang taong dati kong minahal. Tila matagal na rin noong huling beses ko siyang napaginipan.
Ako ay agad na bumangon at naghanda na upang pumasok sa aking trabaho. Paglabas ko ng aking bahay, nakita ko ang isang matandang naglilinis ng kalsada, at naalala ko ang dati kong minamahal at sinabi niya sa akin noon na ang kanyang ama ay isang street sweeper kaya palagi niya akong pinapa-alalahanan na ang mga kalat ko ay hindi ko dapat tinatapon kung saan-saan. Siya rin ang dahilan kung bakit tumaas ang tingin ko sa mga taong sobrang hirap ng trabaho.
Pagkarating ko naman sa overpass, naalala ko ang mga umagang sabay kaming dumadaan sa lugar na 'to. Hinding-hindi ko malilimutan yung mga sandaling dadaan kami sa isang convenient store para bilhan ng almusal yung palaboy na nakatambay dito. Kaya iyon ang ginawa ko.
Sa opisina naman, habang nasa kalagitnaan ako ng aking trabaho, naalala ko yung mga panahong pinapalakas niya ang loob ko sa tuwing ako ay pinanghihinaan ng loob. Sa tuwing akala ko ay wala nang pag-asa, doon ay binibigyan niya ng liwanag ang puso't isip ko. Ang hilig ko sa paninigarilyo ay natigil ko rin dahil sa pangungullit niya sa sakin araw-araw.
Matapos naman ng aking trabaho, muling sumagi sa isip ko ang araw-araw naming nakasanayang gawin. Na sa tuwing kami ay uuwi, hindi maaaring makalimutan naming dalawin ang ama't ina ko sa simenteryo. May mga panahon pa na bumibili siya ng bulaklak at inilalapag sa lapida ni mama sabay sabing iingatan niya ako habangbuhay.
Pag-uwi ko naman, ako ay kumain ng marami. Iyon kasi ang bilin niya sa akin. Na huwag akong magpapagutom.
Lahat ng 'yon ay tumatak sa isip ko. Kahit matapos niya akong hiwalayan, palagi ko pa ring ginagawa yung mga bagay na nakasanayan na naming gawin na dalawa. Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi ko siya makalimutan. Dahil napakaraming aral ang iniwan niya sa akin.
Ngayon, sa tuwing aalalahanin ko ang mga sandaling nasa piling ko pa siya, ako ay nagpapasalamat sa Diyos dahil kahit hindi naging kami sa huli, napakaraming mga magagandang ala-ala naman ang iniwan niya sa akin. Natutunan ko rin na kahit ilang beses tayong lisanin ng mga taong minamahal natin, ang hinding-hindi mawawala ay ang mga ala-alang itinanim nila sa puso na'tin na sa pagdating ng panahon, alam kong aanihin at magagamit natin.
Kahit napakaraming dahilan upang kamuhian ko siya, mas pinipili ko pa ring alalahanin yung mga masasayang sandali kahit kakaunti lamang sila. Siguro, iyon ang ibig-sabihin ng tunay na pagmamahal?

SHORT STORY COLLECTION BY LEE RAFAELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon