Sa Gitna Ng Dilim

142 5 0
                                    

9:28 PM

Pagbukas ko ng napakalaking pintuan ay sumalubong sa akin ang napakaraming computer na magkakahilera maging ang napakalamig na aircon. Isang pangkaraniwang araw nanaman ito para sa akin. Sa katunayan nga ay medyo tinatamad na rin ako dito sa aking trabaho pero kailangan ko itong gawin para sa sarili ko. Simula kasi nang nakatapos ako sa pag-aaral ay nilayasan ko ang mga magulang ko dahil hindi nila ako tanggap. Para sa akin, ang mga magulang ko ang pinaka walang kwentang tao dahil hindi nila ako pinalaki ng maayos. Hindi nila tanggap kung ano ba talaga ako. Pero matagal na 'yon at tanggap ko na rin ang sarili ko.

Naglakad ako patungo sa tipikal na lugar kung saan ko ginagawa ang aking trabaho. Isa kasi akong call center agent. Hinila ko ang de-gulong na upuan at saka na ako umupo dito. Huminga ako ng malalim at saka ko binuksan ang system unit. Habang hinihintay kong magbukas ito ay lumingon ako sa aking paligid. Kakaunti pa lamang pala ang mga tao at sa tingin ko ay nasa lima pa lamang kaming narito. Napaka-aga ko kasing dumating dahil napaka-dilim ng kalangitan kanina. Mukhang uulan pa ata.

Napakalawak ng lugar na ito o ang tinatawag naming production floor at kakaunti lang ang taong kakilala ko sa ngayon. Hindi ko sila kilala at wala pa rin ang mga kaibigan ko.  Tumingin ako sa aking orasan at 30 minutes na lamang ay magsisimula na akong mag-trabaho.

Sa wakas ay bumukas na rin ang computer at sinimulan ko nang buksan ang mga tools na ginagamit ko sa aking pag t-trabaho. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko na ba itong ginawa dahil sobrang tagal ko na ring nag t-trabaho sa lugar na ito. Paglipas ng ilang saglit ay bumukas ang malaking pintuan at nakita ko na pumasok si Dennis. Pinagmasdan ko siya hanggang sa siya ay umupo na sa kanyang pwesto sa tapat mismomg ko.

Si Dennis ay hindi lamang isang ka trabaho para sa akin dahil siya rin ang taong matagal ko nang nagugustuhan. Ilang beses ko nang gustong makipag-usap sa kanya pero iniiwasan niya ako at parang naiilang siya sa akin. Alam ko na alam niya na gusto ko siya dahil ikinuwento iyon noon ni Cara na matalik kong kaibigan sa kanya. Pero si Dennis ay mukhang wala namang pakielam sa nararamdaman ko dahil hindi naman ako kagandahan.

Sinasabi sa akin ni Macy na isa ko pang kaibigan na dapat ko na raw kalimutan si Dennis dahil hindi daw siya karapat dapat sa pagmamahal na kaya kong ibigay sa kanya pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sumusuko. Sa katunayan nga ay mayroon akong isang maliit na piraso ng chocolate sa bulsa ko at ibibigay ko ito mamaya sa kanya. Siguradong magugustuhan niyo ito dahil ito ang palagi niyang kinakain tuwing lunch.

Habang tinititigan ko pa rin si Dennis ay muli ko nanamang naalala ang pinakamasakit na naranasan ko mula sa taong pinaka-gusto ko. Si Dennis kasi at si Cara ay masaya na sa isa't-isa. Inamin iyon sa akin ni Cara noong isang araw pero nakakapagtaka lamang dahil hindi ako nakaramdam ng sakit. Siguro ay ganoon na lamang talaga ang mararamdaman mo kapag ilang ulit ka nang nasaktan.

Kahit na ganito ang nangyayari sa buhay ko ay hindi ako nagagalit sa mundo. Pinipilit kong ngumiti at tanggapin nalang ang lahat dahil wala na naman akong magagawa. Kinuha ko ang chocolate sa bulsa ko at saka ako napangiti. Ipinapangako ko sa sarili ko na kapag naibigay ko na ang tsokolateng ito. Hindi ko na muling gagambalain si Dennis. Magpakailanman.

Iyon! Sa wakas ay natapos ko nang buksan ang lahat ng aking tools at naghihintay na lamang ako ng oras upang magsimulang mag-trabaho. Pero habang wala pa ang lahat ng mga kaibigan ko. Ito na rin siguro ang tamang pagkakataon na maibigay ko ang tsokolate kay Dennis. Tumayo ako mula sa kina-uupuan ko pero bago pa man ako maglakad sa kanya ay bigla akong may naramdamang kakaiba.

Ang sahig kasi na tinatapakan ko ay unti-unting nanginginig at maging ang mga monitor ay gumagalaw na rin! Ang iba pang mga tao sa production floor ay nagsipagtayuan maging si Dennis ay napatingin din sa kisame.

SHORT STORY COLLECTION BY LEE RAFAELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon