"Berde."
Hanggang saan ka ililigaw ng tadhana?
Derrick
"Umuulan nanaman." bulong ko sa sarili habang pinagmamasadan ang itim na kalangitan at kumikinang na kapaligiran.
Bahala na.
Sa puntong ito, nakatayo ako sa harap ng pintuan ng paaralan, nilalamig at bahagyang nababasa ng talsik. Ang tanging paraan na lamang para hindi ako tuluyang manigas sa lamig ay itago ang aking mga kamay sa bulsa ng pantalon ko. Suot ang berdeng jacket at pakupas na sem-fit na pantalon, mga matang nakatago sa likod ng makapal na salamin at matatalas na hibla ng magulong buhok, yan kung ilarawan ako.
Minsan, mas masarap pa sa paghiga sa kama ang yakapin ka ng lamig ng ulan. Unti-unti kang binabalot at inaangkin. Siguro, ito na yung matagal ko nang hinahanap na pagaaruga na nawala sa akin mula nung...
"May extra akong payong dito, gusto mo bang hiramin?" huni ng boses ng isang maliit na babae.
Biningi ko ang aking mga tenga at ibinaling ang pansin sa mga mapaglarong patak ng ulan.
"Magkaklase nga pala tayo sa Physics," basag niya sa ingay ng ulan, "ano nga pala course mo ulit?"
Physics. Pare-pareho nga pala ng asignatura ang mga Engineering. Sa kadahilanang kaunti lang ang kumuha ng kursong ito sa paaralan, minabuti nalang na pagsama-samahin ang mga sangay ng Engineering sa mga blocks. At sa kasamaang palad, isa ako at ang babaeng ito sa mga napabilang.
"Chemical." matipid na sinagot sakanya habang patuloy ang tingin sa mga patak.
"Ah. Ang bigat ng kursong napili mo. Buti hindi ka naman nahirapan."
Patuloy na umagos ang mga salita sa bibig niya habang ako naman ay nawala sa mga kislap ng mga dyamanteng nababasag sa semento.
"Oh sige, kailangang ko nang umalis. Bukas nalang ulit kung makita kita. Bye." di ko man nakita ngunit alam kong nakangiti siya habang nagpapaalam.
Kapansin-pansing nabawasan na ang bilang ng mga magaaral na naghihintay sa tapat ng paaralan at pansin din ang paghupa ng ingay. Doon ko lang nalaman na humina na pala ang ulan at lumiwanag na ang kapaligiran.
Ang opotunidad na iyon ang nagsasabing kailangan ko nang lisanin ang lugar at maggagabi na. Kaya't ihinagis ko ang hood paharap at naglakad ng walang pagaalinlangan na mabasa o may mga nakamasid na mata.
Θ
Lyka
"Eto na yung kinakatakot ko, Beau. Wala akong dalang panangga." tinabig ko ang siko ng kaibigan ko.
"Ikaw naman kasi. Alam mong nagforecast na kanina sa radyo at t.v. na uulanin tayo." ang sermon ni Beau.
"Eh, nailapag ko kasi kung saan kanina sa bahay, di ko pala nadala."
At tuluyan na ngang bumugso ang napakalakas na ulan. Wala namang hanging sumipol ngunit dinig ang pagpatak ng malalaking tipak ng ulan sa bubong ng shed at paaralan.
Maraming mga estudyante, na katulad namin, ang naghihintay sa labas. At sa sobrang ingay ng ulan, marami ang halos sumisisgaw pag naguusap na tila malayo sa isa't isa. Sa aking kanan, may isang grupo ng magkakaibigan na nagtatawanan na nagdadagdag lang sa ingay. May mga taong nagkakabungguan sa aking harapan. Hindi naman sila masisisi. Sa sobrang dami kasi ng taong nagpapatila ng ulan, nabara na ng tuluyan ang lagusan palabas ng paaralan. Napalingon ako sa isang maputing babae na may kausap na matangkad na lalaki. Sa itsura nito, mukhang nagkakalabuan ang magkasintahan.
"Lyka, paano yan, isang payong at isang jacket lang ang dala ko." sandaling nabaling ang tingin ko kay Beau habang inaabot ang dilaw na payong sa akin.
"Oh ano 'to? Akala ko ba isa lang ang payong mo?"
"Hahayaan ba naman kitang mabasa?" ang sabi ni Beau sabay labas ng ngipin.
"Ganun mo ko kamahal best?"
"Wag ka ngang hibang! Nasayo yung mga libro ko, baka mabasa."
Napatingin ako sa baba, nagpakita ng pagkadismaya.
"Biro lang. Tinawagan ako ni mama, dadaanan niya daw ako kasi may pupuntahan kami."
"Nako, magbobonding kayong magina ah. Sana ganyan din kami ng mama ko." tuloy tuloy na lumabas sa bibig ko.
Sa puntong iyon, humina ang ingay na dulot ng ulan. Tanaw na rin ang tila umaaliwalas na kapaligiran. Ngunit di parin lumabas ang haring araw.
Maswerte nalang ako na mayroong kaibigan na katulad ni Beau. Bagama't aminado ako na minsan, kinaiinggitan ko ang pamilya niya. Mga magulang na pantay-pantay ang tingin sa mga anak, may nakatatandang kapatid na mapagaruga kahit na magkapatid lamang sa ama-mga pinakamahalagang perlas ng buhay na wala ako.
Naputol lang ang paglutang ng aking isipan nang tumunog ang cellphone ni Beau.
"Best, andito na pala si mama. Sige mauna na ako." paalam ni Beau habang unti-unting humakbang paalis.
"Sige sige. Balik ko nalang 'to bukas ah."
Habang inaalis ang payong mula sa pagkakatupi, humakbang ako papalayo sa may pintuan at tumayo sa dulo ng silungan ng paaralan.
Malakas pa pala ang ulan. Magpapalipas muna ako ng ilang minuto.
Kahit papano pala magandang pagmasdan kung paano namamatay ang patak ng ulan sa oras na dumapo ito sa semento. Maikli lamang ang kanilang buhay. Minuto o di kaya'y segundo lamang ang kanilang binibilang. Pero para sa kanila, ang ilang segundong kalayaan ay ang kanilang natatanging kaligayahan. Kaya't minsan, mas maiging tanggapin nalang natin ang mga bagay na itinakda saatin.
Sandaling nabaling ang tingin ko sa naglakas loob na sumalo ng mga luha ng langit.
Isang lalaking nakaberde...