11

245 20 14
                                    

"Yakap."

Derrick

"Sir, oras na po."

Muli kong minulat ang aking mga mata.

Panaginip. Isang masamang panaginip lamang ang lahat ng ito.

Hawak ng aking kaliwang kamay ang malambot na kamay ng aking lola habang ang kabila nama'y nasa nakausling pindutin ng respirator-ang tanging nagdududgtong sa kanyang buhay.

Hindi ko lubos maisip kung bakit, sa pangalawang pagkakataon, muli akong dinalaw ng kamalasan.

Ikatlong araw na ni nanay ngunit hindi pa rin siya kinakakitaan ng senyales na siya ay magkakamalay na. Tanging ang progresibong pagpayat at paglubog ng mga bahagi ng kanyang mukha ang senyales na unti-unti na siyang niyayakap ng kamatayan.

Inilapit ko ang labi ko sa kanyang tenga. Rinig ko ang paghinga niya mula sa tubo. Kahit pa artipisyal, pinilit kong paniwalaan na siya ay nananatiling buhay pa.

Ngunit...

"Nay, patawarin niyo ako. Hindi ko kayo nagawang iligtas."

Hindi ko na napigilan pa ang mga luha sa pagtulo. Dala nito ang matinding sakit na kahit kailanman ay hinding hindi huhupa at maghihilom.

Kailangan pa kita, nay. Ikaw na lang ang natitira kong sandigan. Saan na ko sasandal sa mga oras na ito?

Sa mga ganitong eksena, patuloy pa rin ang pagikot ng mundo. Ikot na walang kabuluhan. Ikot na walang kapaguran. Isa lamang ang hinihiling ko sa ngayon, mawalan ng lakas ang mundo at tumigil muna ito sa pagikot.

Click.

Naramdaman kong dumaloy ang kuryente sa aking mga kamay, dahilan para bumigat ito at mapatay ang respirator. Narinig ko ang tunog na naghuhudyat ng pagpapahinga nito.

Hanggang sa wala ng tunog...

Pati ang paghinga ng aking lola, wala na.

Dito na ako nanlumo at napaupo sa silya. Nadala ako sa nangyari at parang pati ako'y nawawalan ng hininga. Sandaling hinabol ko ito habang patuloy pa rin ang aking pagiyak.

Naalala ko ang mga magagandang alaala na iniwan niya, mga masasayang alaala na nagkukubli ng mapait na pangyayari.

Hanggang dito na lamang ang lahat...

"Dok! Dok gumalaw ang kamay niya!" sigaw ko nang maramdaman ko ang paghigpit ng kanyang hawak sa akin.

Agad akong pinuntahan ng mga nars at ng doktor.

Ngunit bakit hindi ganun kasaya ang kanyang mukha?

Kasabay ng pagtingin ng mga nars, bumagsak ang kamay ng aking lola mula sa mahigpit na pagkakahawak. Doon na rin nagsimulang tumunog ang nakakabinging hudyat ng kamatayan.

"I'm sorry sir. Ang kanyang reflexes na lamang ang inyong naramdaman." sambit ng doktor.

"Anong ibig niyong sabihin? Ramdam ko yun. Ramdam kong humigpit ang kamay niya!" pagbabasag ko sa nakabibinging katahimikan.

Lumingon ako kaagad sa lola ko, niyakap at tinapik ng ilang beses ang braso para gisingin ito.

"Nay! Nay gumising kayo!"

"Sir, huminahon po muna kayo." agad kong tinabig ang kamay na akmang dadapo sa aking balikat.

"Nay! Nay lumaban ka pa!"

"Tama na po-"

"Nandito lang po ako, Nay! Narito lang po ako sa tabi niyo."

Niyakap ko siya nang mahigpit. Ibinuhos ko na ang lahat ng kailangang ibuhos. Luha. Sakit. Ang yakap na napakahigpit. Gusto ko mang ibalik ang buhay niya, hindi ko na magagawa. Sa huling pagkakataon, ibinubulong ko sa kanya na naririto lang ako at hindi ko siya iiwan. Kung dati, siya ang yumayakap sa akin bago ako matulog, ako naman na ngayon. Ngunit batid ko na kahit kailan ay hindi na siya magigising pa.

Hindi na niya maibabalik pa ang init ng aking yakap...

TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon