"Dilaw."
Lyka
Sa kabilang kanto, naroon ang aking huling destinasyon, ang aming bahay. Humupa na ang ulan at ang tanging maririnig na lamang ay ang piyesa ng mga palaka sa tabi. Basa na ang aking medyas at sapatos. Siguradong sermon ang aabutan ko sa bahay nito.
Ang subdibisyong kung saan nakaplanta ang aming tirahan ay napakalawak ngunit kakaunti pa lamang ang nakapaginvest dito. Sa mga panahong ganito kalakas ang bugso ng ulan, kahit na sa paghupa nito, walang tao o sensyales lamang na may buhay sa labas. Parang patay na baryo kung ihahalintulad.
Sa di kalayuan, tanaw ko na ang aming veranda. Dali-dali kong hinampas ang mga munting baha sa daanan.
Nako, sarado ang gate. Isa lang ang ibig sabihin nito.
Si ate Martha, ang aming kasambahay, ang nagbukas ng maliit na gate sa gilid.
"Oh Lyka ba't ngayon ka lang?" huni ni ate Martha.
"Ate napakalakas po ng ulan." dahilan ko.
"Napansin ko nga na naiwan mo yung payong mo sa mesa."
"Pinahiram na po ako ni Beau. Sina mama?"
Tinignan lamang ako ni ate. Bakas ang pagaalinlangan sa kanyang mga mata. Nginitian ko lamang siya at sinabing "Dibale ate. Lilipas din 'to."
Malakas ang pagkakabagsak ni ate Martha sa pinto. Ngunit ang unang sumalubong sa akin ay ang kapatid ko na si Dennis.
"Ate!" bakas sa boses neto ang pagbibinata.
"Ang aga mo naman ngayon, Den."
"Wala kaming gig ngayon ate eh. Tsaka ikaw kaya ang late na umuwi." sabi ni Dennis habang papaupo sa sofa, nakaposas ang mga daliri sa gitara.
Sa puntong iyon, lumabas si mama mula sa kusina. Lumapit ako para magmano.
"Ma-"
"Wag ka nang magdahilan Lyka. Bakit ba kasi hindi ka nalang sumabay sa ate mo sa paguwi? Eh di sana maaga ka nang nakarating. Yang ate mo mapaulan o ano mang kalamidad, on time yan dumarating. Kasi lagi humahanap ng paraan. Oh hindi mo naabutan sina tita Yvette mo. Wala akong maisagot nung nagtanong kung nasaan ka na." at patuloy ang pag-agos ng mga sermon mula sa bibig ni mama.
Wala na akong magawa kundi tanggapin na lamang ang pagtulak ng mga salita ng pagkukumpara sa aking mga tenga kahit pa punong-puno at umaapaw na. Kung maisusulat ko lamang ang mga ito, nakalikha na ako siguro ng isang makapal na libro na tatalunin pa ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal.
Sarado na ang puso ko sa mga sakit na ibinabato saakin. Minsan nakakalimutan ko na nga rin kung paano mahalin at magmahal. Minsan di ko lubos maisip kung bakit pa ako ipinanganak sa ganitong mundo, marangya ngunit umiikot ang lahat sa nakatatandang kapatid. Minsan, hanggang minsan nalang kung makapagisip ako. Sa minsan nalang nabubuhay ang mga pangarap ko.
"Akyat na po ako." basag ko habang nakatingin sa sahig.
"Mabuti pa nga. Maglinis ka na ng katawan at maghahapunan na tayo."
****
Lumipas ang hapunan. Wala pa si papa. Sinabi ni mama na nagoovertime daw si papa sa opisina ngayon.
Nilingon ko ang orasan sa may altar. Alas siyete y medya pa lamang. Si Dennis at si ate ay nasa kwarto na. Si mama ay sumama kay manong para magsundo kay papa.
Hindi naman ako yung tipong mapamuk-mok sa kwarto sa tuwing napapagalitan. Mas gugustuhing kong maglakad na lamang sa labas.
At tuluyan na nga akong dinala ng aking mga paa sa labas. Nakasalubong ko si ate Martha at nagpaalam ako sakanya na lalabas ako saglit, bibili ng libro sa National Bookstore. Ang ideyang iyon ay nasambit ko na lamang ng hindi iniisip. Ngunit sa kasalukuyang iyon, naisipan ko na ngang bumili ng bagong nobela at nang kahit papano'y makatakas ako sa tunay na mundo. Inabisuhan lang ako ni ate Martha na umuwi ng maaga bago ako maabutan ni mama. Kinuha ko ang payong ni Beau at dali-daling umalis.
Tinahak ko ang gate at walang ilang minuto ay nasa labas na ako ng subdibisyon. Nasa katamtaman ang bilang ng mga tao sa labas at maliwanag ang kalye. Kampante akong nagabang ng jeep.
Nang makasakay ay huminga ako ng malalim at pinapasok ang mga paraan kung paano tatakasan ang pariralang mundong ito.
Θ
Derrick
Sa maliit na baryong ito nakahimlay ang aking tahanan. Nakauwi na ako na nilalamig at sumasakit ang ulo.
Sinalubong ako ng aso kong si Rufus ng isang malakas na tahol. Sandaling hinawakan ko ito at hinaplos ang makapal na balahibo at tinungo ang kusina.
Wala si nanay, ang aking lola, ang natitira kong kapamilya bukod kay Rufus. Magiisang taon na nga pala mula nung...
Ayoko nang maalala pa. Matagal ko nang ibinaon ang lahat, kasama ang aking kaluluwa. Matagal ko narin isinara ang sarili ko sa mga oportunidad. Patay na pagasa ang sumasakop sa akin ngayon. At ang tanging buhay na lamang ay ang aking katawan.
Ngunit sa kabila ng lahat, may lugar na kung saan nakakapagisip ako ng taimtim at malalim. Ang natatanging lugar na nakakapagdala ng kahit papano'y kaunting kurot ng kasiyahan sa aking puso.
Sa sementeryo.
Malapit lamang iyon mula dito. Isang sakayan ng jeep.
At nang matapos akong maghapunan, dumiretso na ako palabas at isinara ang pinto.
****
Kumulog ng malakas. Naghahamon nanaman ang langit. Kasalukuyan akong nasa loob ng jeep. Siksikan at mukhang sa kabilang kanto pa bababa ang mga ito. Wala naman nang dadaanan ang jeep na ito maliban na lang sa...
Bumugso ang napakalakas na ulan. May ilang napatigil sa paguusap at napalingon sa labas. Ang lahat ay dali-daling sumilid paharap mula sa pagkakaupo at ibinababa ang takip ng jeep na panangga sa ulan.
Sigawan nanaman ang tangi kong naririnig. Lumakas pa lalo ang ulan at nasabayan pa ito ng kulog at sigawan.
Mukhang minamalas ako ah. Kailangan ko na yatang bumalik at magpahinga na lamang. Sa ibang araw ko na lang bibisitahin ang pamilya ko.
Papaikutin ko na lang itong jeep. Hayaan na kung saan ako itinakdang dalhin...
"Para po!"
Napalingon ako sa babaeng nagpahiwatig na iyon na ang kanyang destinasyon. Ang babaeng iyon ay naghanda na upang maglayag sa masalimuot na ilog ng luha ng kalangitan.
Isang babaeng may payong na dilaw...
