"Bisig."
"Alam mo best, kahit napagsabihan nanaman ako ni mama kagabi, medyo magaan ang pakiramdam ko." wika ni Lyka habang pinupulupot ang necktie sa mga daliri.
Magkasamang naglalakad sina Lyka at Beau papuntang food lane. Maagang tinapos ng kanilang guro sa Ingles ang tuntunin para sa araw na iyon. Wala pang masyadong tao sa labas kaya't hindi barado ng ingay ang hangin.
"Namanhid ka na? Paano nangyari yun?" hirit ni Beau.
"Ewan ko. Parang...parang wala na aking pakielam."
"Hindi naman pwede yan, best. Magulang mo parin sila. Mama mo parin siya."
"Hindi ko naman ramdam eh."
"Alam mo kahit baliktarin mo man ang mundo-"
"Siya parin ang nanay ko? Ilang beses ko na narinig yan."
"Pasalamat ka nalang dahil may malasakit pa sa'yo si tita. Yung iba nga diyan eh iniiwan nalang kung saan saan."
"So antayin ko pang iiwanan niya ako bago ko sabihing hindi niya ako mahal?"
"Ang sinasabi ko, at least hindi siya yung tipong kailangan pang saktan para maipadama yung galit, diba?"
"Mas maigi nga yung ganun para sa sakit sa mga katawan mo nalang binubuhos ang iyak."
"Ang pagkakaalam ko, ang bestfriend ko ay matapang at hindi umiiyak. Kahit pa mamatay ako."
Isang malaking ngiti ang dumampi sa mga labi ni Lyka.
"Kahit kailan naman hindi ko hinayaang humadlang ang kahit na anong problema sa akin."
"Medyo makata, best."
Nang makarating sila sa food lane, agad nilang tinungo ang counter. Matapos bumili ng sopas at tubig, lumabas na sila at tinahak ang daan pabalik.
Θ
Lyka
Kung saan ako dadalhin ng aking mga paa, hindi ko alam.
Tapos na ang mga oras ng eskwela. Dama ko rin ang mabilis na paglipas ng oras.
Sa sobrang bilis, parang nawala ako nang bahagya sa mga pangyayari. Nung magpapalit na ng asignatura kanina, palabas na kami ng silid-aralan nang bigla kaming harangin ng tatlong lalaki at pinagtripan. Hindi naman kami pisikal na inabuso, ngunit pinagsasaksak kami ng di kaaya-ayang pananalita. Sa sobrang galit ni Beau, naihampas niya ang libro sa balikat ng isang lalaki. Inasahan namin na babawian kami ng mga lalaki. Ngunit biglang dumating ang guro at ang lahat ay natahimik.
Sa ingay ng pagyapak ng aking mga sapatos, dinadala ako nito sa mundo ng mga numero na kung saan ako ang nagtatakda ng bilang.
Labing tatlo... Labing apat... Labing lima...
Sa ganitong paraan din ako nakakapagisip ng mabuti.
Hindi ko na napansin na naglalakad na pala ako sa park-isa ito sa mga lugar na lagi kong dinaraanan pauwi. Sa tunog ng pangalan nito, batid na pasyalan ito at dinudumog ng maraming tao. Ngunit sino ba naman ang pupunta dito ng Huwebes, alas sais ng hapon at sa tantsang babagsak ang ulan?
Ako, ang sagot ko sa sarili kong tanong.
At bumuhos nanaman ang napakalakas na ulan. Nagmamadali akong hanapin ang payong ni Beau, medyo dumodoble ang aking paningin. At biglang sumagi sa isip ko na naibalik ko na pala yung dilaw na payong kanina.
Limang patak... Labing dalawa... Dalawampu't pito...
At tuluyan na akong niyakap ng ulan. Naghanap ako ng pag-asang may masisilungan. Ngunit nabigo ako. Ang tanging lilim lamang sa park na ito ay ang mga puno. Mga puno ng Acacia.
Suko na ako. Sa unang pagkakataon sa aking buhay, sumuko ako sa ganti ng tadhana. Heto na ang aking mapait na gantimpala. Ang pamilya ko. Ang katayuan ko. Ang takbo ng buhay ko.
At sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, kasama ko ang langit sa pagiyak. Ibinuhos ko na ang lahat.
Hindi na mawari ang aking luha. Sapagka't pagbagsak nito sa lupa, sumasanib ito sa patak ng ulan. Maingay ang paligid, dinig ng tenga at ng isip ko. Ayoko munang humarap sa nakasusuklam na itsura ng aking kapalaran. Kaya't minabuti kong manatili na lamang sa mahigpit na yakap ng ulan.
Nakaramdam ako ng pagkahilo. Hindi ordinaryong pagkahilo. Nasabayan pa ito ng abnormal na pagtibok ng puso at matalim na pagtusok ng sakit sa aking ulo.
Tumingin ako sa baba at napansing may kulay pula sa aking mga sapatos at maging sa konkreto. Hindi ko ito makitang masyado. Di ko masabi kung ano nga ba ito. Ngunit sa pagsilip ko sa aking pantaas, nakakapanggulat na bahid ng dugo ang tumambad sa akin.
At may pumatak na isa pa. Hinaplos ko ang butas ng aking ilong at saka nanghina sa nakita. Hindi ulan, hindi luha kundi dugo.
Nanghina ako at tuluyang bumagsak. Tumibok pa lalo ng abnormal ang aking puso. Para lang akong nasa higaan, pagod at gusto nang itulog ang lahat ng problema. Pinikit ko na ang aking mga mata...
Sa puntong pagtulog at paggising, doon ako namalagi. Naramdaman kong may bumuhat sa akin at nilabanan ang matinding hila pababa.
Ramdam ko ang init ng kanyang bisig at alab ng kanyang pagaaruga...
-----
Sulat galing kay Supermanong.
Alas tres na ng madaling araw, gising pa ang diwa ko. Kasalukuyan parin akong nasa mundo ng Tadhana.
Gusto ko lang sabihin sa'yo na maraming salamat sa patuloy na pagtangkilik at sa paniniwala sa pariralang takbo ng Tadhana.
Maaari lamang na hanapin ang bituing 'vote' at pindutin ito, kung sa tingin mo'y karapat-dapat nga bang gawin ito.
Muli, taos-puso akong nagpapasalamat at napabilang ka sa mga nakatakas sa rehas ng realidad at dito namalagi ng ilang minuto.
Matanong kita,
Naniniwala ka ba sa laro ng Tadhana?
