18

177 14 8
                                    

"Bakas."

Derrick

Hindi paraan ang pumasok sa mundo na hindi naman sa'yo ipinagkaloob ng Diyos.

Sinilip ko ang labas ng bintana, tumila na ang ulan. Bakas sa dulo ng bubong ang mga tulo ng hinanakit at poot ng kalangitan. Sa tao, iyak ang paraan ng paglalabas ng sakit sa damdamin. Sa paraang ito, malalaman natin kung hanggang saan ang sukat ng tapang natin. Minsan may konklusyon na hindi na tayo kahit kailan masasaktan. Minsan nama'y tinatapon natin ang mga bagay na makapagpapaalala sa atin ng sakit. Pero kahit ganun pa man, tumitila rin ang ulan.

Hindi ko maintindihan kung bakit ito ang tagpuan namin ni Lyka. Ang mundo ko kung saan masalimuot ang nakaraan ay ipinagtagpo sa mundo niya na may napakasakit na kasalukuyan. Hindi ako naniniwalang kagagawan ito ng tadhana. Madali nga lang isipin na karaniwan ang mga pangyayaring ganito dahil sa kumpas at galaw ng kapalaran na lohikal na nagrerehistro sa mapaglarong utak ng tao.

Sandaling nahugot ako mula sa ilalim ng pagiisip. Nabulabog ang diwa ko ng mga yabag sa kwarto. Naalala ko si Lyka.

Binuksan ko ang ilaw sa hagdan at dahan-dahang umakyat. Maliit lamang ang bahay kaya't madali akong nakatungtong sa ikalawang palapag. Minabuti ko nang sa kwarto ko patulugin si Lyka at sa sala na ako matutulog.

Binuksan ko ang pinto. Alam kong hindi tama pero gusto ko lang makasiguro na malayo siya sa kapahamakan dahil nasa poder at pangangalaga ko siya ngayong gabi.

Mula sa kinatatayuan ko, ilang hakbang lang ang layo ng higaan ko na kung saan mahimbing na natutulog si Lyka.

Ngunit parang may mali sa posisyon niya.

Hindi naman ganun ang hugis ng katawan niya. Mukhang nakatalikod siya kaya't hindi ko malaman kung gising pa siya. At hindi naman siya ganun kaliit.

Posible naman na dahil 'yun sa posisyon ng pagtulog niya. At sinamahan pa ito ng napakadilim na paligid. Tanging ang ilaw lang ng buwan ang nagsisilbing gabay ng mga mata ko.

Akmang isasara ko na ang pinto nang biglang pumalo sa isip ko ang realisasyon na hindi basta guni-guni lamang ang narinig kong mga yabag.

Bumilis ang tibok ng puso ko at inihagis ko ang pinto sa paraang magbubukas ito nang malawakan.

Sa sandaling sinindi ko ang ilaw, nanlamig ang buong katawan ko.

Hindi katawan, kundi unan ang inakala kong mahimbing na natutulog na si Lyka.

Nasaan siya?

Nagmadali akong umikot para hanapin siya. At inisip ang mga posibleng paraan kung paano bigla na lamang naglaho ang kanyang katawan. Wala naman siyentipikong explenasyon na pumapasok sa isip ko.

Sa abot ng aking makakaya, mabilis akong kumilos. Habang papalapit ako sa higaan, may napansin akong kakaiba. Bumagal ang pagkilos ko ng mga sandaling iyon. Pinilit kong hindi bumagsak mula sa pagkakatindig.

Mga bahid ng dugo na pumipinta sa napakaputing sapin.

At may kakaiba pa sa ayos ng higaan. Ang sapin ay naistorbo na tila ba parang may humihila sa kabilang dulo. At ang mga bahid ng dugo, may tinuturong direksyon.

Tinahak ko ang kabilang dulo ng higaan at tila kumonekta ang lahat ng mga bagay.

Ang mga yabag. Ang mga bahid ng dugo. Ang walang buhay na katawan ni...

"Lyka!"

TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon