"Bangungot."
Minulat ko ang aking mga mata.
Mga puno ng acacia at ang bahagyang pagtulo ng ulan sa aking mukha ang unang bumati sa akin.
Nasaan nga ba ako? Langit na nga ba ito?
Sa puntong iaangat ko ang aking katawan, naramdaman kong lumulutang ako. Parang lantang gulay na nasa ere. Gumagalaw ang aking katawan na parang normal na naglalakad, ngunit hindi sa akin ang mga paang iyon.
Tinignan ko ulit ang mga puno ng acacia, nakita ko ang mukha ng isang lalaki. Nakatingin siya sa dinaraanan. Sumagi na lang sa isip ko na hindi nga pala ako lumulutang. Kundi nasa kanlungan ako ng mga malalakas na braso ng lalaking ito na tila buhat niya ako.
Hindi ko lubos maisip kung ano nga ba ang nangyari sa akin. Wala akong maalala.
Sa mga oras na iyon, ang tanging alam ko lang ay ayoko nang kumawala sa kanyang mga braso na nagsilbing kanlungan.
Basang basa kami ng ulan. Hindi ko maigalaw ang aking labi't dila para magsalita. Gusto ko sanang tanungin yung pangalan niya.
Ngunit bago pa man mangyari yun, tila nabasa niya ang nilalaman ng utak ko at saka siya nagsalita.
"Ako po si Mike."
Bakit pakiramdam ko may mali?
Huminto siya sa paglalakad. Naririnig ko ang ingay ng katahimikan.
Tumingin siya sa akin. Hindi ko maaninag ang kanyang mukha sa ilalim ng liwanag. Ngunit, nakita ko ang kanyang ngiti. Sa likod ng mga ngiting iyon, hindi ko naramdaman ang saya.
Takot. Takot ang naramdaman ko.
Ibinababa niya ako sa sahig. Malambot ngunit napakalamig. Doon ko lang napansin na sa isang lilim niya ako dinala. Wala akong makita bukod sa mga puno.
Matapos niya akong binaba, tinignan niya muna ako. Malalim ang tingin niyang iyon. Inangat niya ang kanyang hintuturo at dinala ito sa kanyang labi. "Shhh."
Naliwanagan na ako sa mga nangyayari. Alam kong iba na ang binabalak ng lalaki sa akin. Gusto ko mang gumalaw ngunit paralisado pa ang aking katawan. Gusto ko mang sumigaw, ngunit sarado ang aking lalamunan.
Naramdaman ko na ang aking mga kamay at parang lumuluwag na ang aking lalamunan. Hinawakan niya ang mga braso ko. Pilit akong nagpumiglas. At nang makakuha ng hangin, sumigaw ako ng pagkalakas-lakas.
Nagpasiklab nanaman ng isang ngiti ang lalaki. Ang ngiting 'yon. Hinding hindi ko mapapatawad.
Patuloy ang pagpumiglas at paghataw ko ng sigaw.
Inilabas niya ang isang patalim. Isang napakatalas na kutsilyo. Nanalaki ang aking mga mata. At nilakasan ko pa ang pagsigaw at pagpupumiglas.
Sinaksak niya ang patalim sa mga braso ko. Ramdam ko ang pagtusok ng unti unti.
Marahil dahil sa paralisado ako, hindi masyadong masakit. Ngunit nang susubukan kong kunin ang patalim, nagsalita ang lalaki...
"Wag pong magulo mam."
Pinikit ko ang aking mga mata. Nararamdaman ko na ang sakit.
"Mam Lyka, wag po tayo masyadong magulo. Baka po maputol ang karayom."
Sa tawag ng pangalan ko, minulat kong muli ang aking mga mata. Lumiwanag ang paligid. Ramdam ko ang paghihingal ko at ang sakit sa braso ko.
Yung braso ko.
Napalingon ako sa gilid at nakita ang isang injection na tumutusok sa kaliwang braso ko.
Tumingin ako kung kaninong mga kamay iyon. Kamay ng isang lalaking nakaputi.
Isang nars? Nasaan nga ba ko?
Lumingon sa akin yung lalaki, ngumiti. Ngiti ng tuwa.
"Good morning po, mam Lyka."