15

214 17 3
                                    

"Tiwala."

Lyka

"Ikaw?"

Isang pamilyar na boses ang gumising sa diwa ko. Sa tunog nito, inangat ko ang ulo ko para makita kung saan nanggaling ang boses na iyon.

"Ikaw?" balik ko sa kanya.

Hindi natural ang reaksyon kong iyon. Hindi ko naman din masisi ang sarili ko na nagaalala sa kapakanan ko. Kahit pa sa dulo, nakaabang na ang patron ng mga kaluluwa.

Isinilid ko ang libro sa plastik at muling nilingon ang lalaki. Nung una'y naglaro pa sa isip ko kung saan ko na nga ba siya nakilala. Di naman nagtagal, naalala ko na rin.

"Ikaw yung sa ospital, diba?" inunahan ko na siyang magsalita.

Ngumiti siya. Parang may nagsabi sa aking bihira lamang ngumiti ang lalaking ito.

"Nakikilala mo pa ako?"

"Dalawang buwan pa lang naman ang lumilipas. Tsaka hindi naman tayo talagang nagkakilala. Nagkausap lang tayo."

Ibinalik ko na rin ang kanyang mainit na ngiti. Nagsimula na kaming maglakad ng sabay, parehong nagaalala sa oras at kapahamakan.

"Derrick nga pala." di siya tumingin sa akin.

Habang pinagmamasdan ko ang mga mata niya na nakatingin sa kawalan, hindi ko mawari ang misteryong nakapaloob rito. Alam kong hindi tama ang isang katulad ko na magtiwala sa isang taong gaya niya sa ganitong oras at panahon. Pero...

"Lyka."

...pero mamamatay na ako.

"Nakapagtataka," tumawa siya ng malumanay. "madalas ang mga babaeng katulad mo, hindi basta-basta maglalakad kasama ang lalaking katulad ko."

"Marunong ka pala mambasa ng isip."

"Damdamin."

Lumingon ako sakanya nang may pagtataka.

"Huh?"

"Damdamin ang kaya kong basahin."

Sa tawa niyang iyon, kahit gaano man ito kalalim, naramdaman ko pa rin sa kanya na ako ay, kahit malalaim na ang gabi at delikado, ligtas sa kanyang tabi.

Sa unang pagpasok ng segundo, katahimikan ang bumalot sa aming dalawa. Hanggang sa muli siyang nagsalita.

"Nakita kita sa school kanina."

Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Pero paano? Dumaan siya sa tapat ng school kanina? Matatanaw lang ba mula sa bahay niya ang eskwelahan?

Gaano pa ako kilala ng taong ito?

"Dun ka din ba nagaaral?" tanong ko sakanya.

Sa pagkakataong ito, lumingon siya sa akin. Puno ng tawa ang kanyang mukha, nararamdaman ko iyon. Ngunit nasaan ang ngiti?

"Oo."

"Ah kaya pala."

"Naalala mo ba yung pinakaunang tanong mo sa akin?"

Magaling siyang magbasa ng emosyon, sa kasamaang palad, hindi ko mabasa ang kanya. Kinalkal ko ang alaala ko dun sa mga oras na magkasama kami sa lilim ng ospital.

"Ano na nga ba iyon?"

Tumingin siyang muli sa kawalan, ngunit sa pagkakataong ito, may inaaninag siyang tila napakalayo at nakatago sa dilim.

"Tinanong mo noon kung nakakaramdam ba ako ng lamig."

Hindi ko mawari kung ano ang ipinapahiwatig niya. Pero, kanya ang kalahati ng tiwala ko.

"Oo. Naalala ko na."

"Gusto ko lang malaman kung bakit mo natanong iyon?"

Nung una'y nawalan ako ng mga salita. Madali ko naman itong nabawi pero nakapagtataka pa rin ang mga katanungan niya.

"Ah...natural lang naman sa isang tao na magalala kahit sa hindi niya kakilala. Depende sa sitwasyon. At sa sitwasyon na 'yun, naramdaman ko na tama lang ang kaunting pagmamalasakit."

"Pero kung nagmamalasakit ka, bakit hindi mo na lang ibinigay yung jacket mo?"

Napaisip ako. Hindi ko mahugot yung isasagot ko sa tanong na 'yun. Maraming sagot na lumilipad lipad lang pero parang ibong Maya na mahirap huliin.

Nalagpasan na namin ang isang malaking puno at isang poste. Kinilabutan ako. Dahil tinatahak na namin ang daan kung saan walang...ilaw.

"Hindi ko alam. Siguro makasarili lang talaga ako." pinipilit kong panatilihin ng paguusap naming dalawa para maitaboy ang kaba.

Lumingon ako sa likod. Malayo na ang liwanag. Hindi ko akalaing ganito ang itsura ng dinadaanan ko sa gabi. Abonado. Misteryoso. Walang buhay.

Lumingon na ako sa direksyong paharap.

Malayo na si Derrick. Halos hindi ko na siya matanaw sa dilim.

"Ang bilis mo naman maglakad. Balak mo ba akong iwanan?" paghahabol ko sa hininga ko.

"Pasensiya ka na. Akala ko nasa tabi lang kita."

Lumingon siya sa akin. Pero hindi direktang nakatingin sa mga mata ko. Ang makisig niyang mukha ay inaaninag ang isang bagay na nasa tabi ko, sa kabilang gilid ng kalsada.

Lilingon sana ako at titignan kung ano iyon pero madali niya akong napigilan nang magsalita siyang muli.

"Lyka."

Sa tawag ng pangalan ko, alam kong hindi dapat ako manghina. Pero hindi panghihinang dulot ng kilig na gaya ng nababasa ko sa mga libro. Nanghina ako dahil may takot akong narinig sa kanyang boses.

"Derrick?"

"Kaya mo bang ibigay sa akin ang buong tiwala mo?"

"Derrick?"

Bumilis siya sa paglalakad. Sinabayan ko ito.

"Derrick, anong problema?"

Wala siyang kibo.

"Derrick."

Naramdaman ko na ang init ng nasusunog na enerhiya sa mga paa ko. Malapit na kaming tumakbo...malapit na.

"Alam ko hindi madali pero magtitiwala ka ba sa akin, Lyka?"

"P-pero hindi ko maintindihan-"

"Pagkakatiwalaan mo ba ako?" malapit sa pasigaw ang pagkakasabi niya.

Hindi ko parin maintindihan ang lahat. Pero bakit tanong ang ibinibigay niya sa akin at hindi eksplenasyon? Mahirap ibigay ang tiwala sa taong pangalan lang ang iyong pagkakakilala. Alam ko na mali. Kaya bakit ko nga naman kailangang ibigay sa kanya.

Ngunit dumapo ang mga mata niya sa akin. Hindi ko inaasahang sa ganitong pagkakataon ako mahuhulog sa kanyang mga mata na kakulay ng uwak. Pero may iba pa. May iba pang dahilan ang nasa likod ng kanyang mga titig. Parang may sarili itong mga labi na nagsasabing...

Wala kang dapat ipagalala kung ibibigay mo lang ang iyong tiwala.

"Oo, Derrick. Pinagkakatiwalaan kita."

May kaluskos mula sa kabilang dulo ng kalsada.

Pero bago pa man ako tumigil sa paglalakad, hinawakan ni Derrick ang kanang kamay ko at sabay sabing...

"Kahit anong mangyari, wag na wag kang bibitiw."

TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon