"Takas."
Derrick
San nga ba patungo?
Iyan ang tanong na paulit-ulit kong minamasa habang kami ni Lyka ay pilit na tinatakasan ang kadiliman at...kamatayan.
"Derrick, may humahabol ba sa atin?" tanong ni Lyka habang patuloy ang paglalakad nang mabilis.
"Wala. Pero meron tayong tinatakasan."
Habang naghahanap pa rin ako ng bahay na posibleng magliligtas sa aming buhay, naaninag ko ang mukha ni Lyka na may bahid ng takot at pagtataka. Akmang titingin ito sa likod, ngunit madali ko siyang napigilan.
"Lyka, malapit lang ba dito ang bahay mo?"
"Dalawang kanto pa."
Nakikita ko ang unang kanto at ang karatula nito. Ngunit madilim pa rin at wala pa akong maaninag na liwanag. Mukhang kailangan muna naming tumahak ng ibang direksyon.
Pero saan?
Mahigpit kong hinawakan ang kamay ni Lyka at hinila siya sa isang eskinita. Makipot ang daan. Pero pinilit pa rin naming bilisan ang aming pagkilos. Sa puntong ito, tumatakbo na kami.
Mas kumipot pa ang daan at kinailangang isa sa amin ang mauna. Pinauna ko na si Lyka. Lumingon ako sa likod sa mahinang ilaw na binibigay ng buwan, nakita ko ang kanilang mga anino.
Nang malagpasan namin ang makipot na daan, inikot ko ang aking ulo sa pagtataka kung saan nga ba kami tutungo. Mayroong tatlong lagusan na napakadilim. Wala pa ring senyales ng tao o kahit ano mang bagay na may buhay. Kahit hindi ko alam ang lugar na ito, tinatagan ko pa rin ang loob ko.
Ang pangatlong lagusan ang aming tinahak.
Muli, lumingon ako sa likod. Bagama't naririnig ko ang kanilang mga boses, hindi ko na naaninag ang kanilang mga anino. Maaaring inisip pa nila kung saan kami lumusot. Pagkakataon na namin ito para makatakas.
"Alam mo ba kung saan tayo patungo?" ang biglang tanong ni Lyka.
Ang kaninang takot na pumipinta sa kanyang mukha ay napalitan na ng isang matapang at matingkad na kulay ng buhay na pagasa.
"Hindi ako pamilyar sa lugar na 'to."
Nakalabas na kami sa lagusan at ang pinakaunang hinanap ko ay ang ilaw.
Nasaan na nga ba kami?
"San...San Vicente Public Market."
Napalingon ako sa direksyon kung saan nakatingin si Lyka. Biglang pumasok ang lahat at unti-unting nagrehistro sa talaan ng utak ko.
Ang malaking poster ng pulitiko sa poste. Ang abandonadong tindahan sa sulok. Ang palengke ng San Vicente.
Narinig ko ang pagkaskas ng mga sapatos sa semento.
Nasundan na nila kami.
"Kailangan na nating magmadali."
Muli kong hinawakan ang kamay ni Lyka nang mahigpit at kumaripas ng takbo.
Kanto, kanto, hanggang sa marating namin ang liwanag ng mga tahanan. May mga tambay at nagiinuman sa kanto. Huminga na ako nang maluwag dahil naaninag ko na ang ilang pamilyar na mga mukha.
Upang hindi kami makakuha ng atensyon, binagalan na namin ang pagtakbo at bumalik na sa paglalakad ng mabilis. Parehong hinihingal.
Nang marating ang bahay sa may tapat ng isang butika, sinusian ko ang pintuan mula sa pagkakakandado, dali-daling pumasok at isinara ang pinto.
Marahil dahil na rin sa takot sa dilim na naranasan namin kanina, binuksan ko kaagad ang ilaw.
Umupo ako at si Lyka sa may sopa, parehong walang kibo bagama't hinahabol ang hininga.
Nang mahimasamasan, nagsimula nang pumalo ang mga tanong sa isip ni Lyka.
"Pwede mo na bang ipaliwanag sa akin?"
Hindi ko sinalubong ang tingin niya sa akin.
"Habang naguusap tayo kanina, napansin ko na sa may sulok ang limang lalaki. Hindi ko sana sila papansinin nang biglang makita ko yung isang lalaking may pulang sumbrero. Nang makadaan na tayo sa kanila, tinignan ko yung lalaki at nagulat ako nang maalala kong siya yung tumutok ng patalim sa akin mga ilang linggo nang nakakalipas pero sa may kalapit-barangay 'yun naganap at tatlo lang sila nung mga oras na 'yun. Naisipan kong labanan ang tatlo, pero isang galaw ko lang, babaon ang napakatalas na patalim sa tagiliran ko. Tiyempong may rumondang tanod sa barangay na 'yun."
"Hindi ko pa kasi naranasang magpagabi sa lugar na 'yun."
"Nakapagtataka kasi ngayon ko lang naman sila nakita doon."
Tumayo ako at pumunta sa kusina para kumuha ng tubig. Naramdaman ko ang mabigat na paghila pababa.
Habang kumukuha ng baso, hindi ko maitaboy sa isip ko ang paulit-ulit na pagkikita namin ng babaeng ito.
May dahilan nga ba ang lahat ng ito?
Marahil para sa kanya, una niya akong nakita sa may ospital. Pero bago ang lahat ng iyon, ang unang pagkakataon na nasilayan ko ang maamo niyang mukha ay sa...
Bumuhos ang nakabibinging ulan. Nangamba ako hindi dahil sa munting mga butas sa bubong. Nangamba ako para kay Lyka.
Bumalik ako sa sala. Naabutan ko siyang nakatingin sa labas, pinagmamasdan ang pagsayaw ng mga dahon sa ulan.
"Lyka." tawag ko sa kanya at inalok ang tubig.
"Salamat."
Halata ang pagkauhaw niya. Nang maubos niya ang tubig, ipinatong niya ang baso sa lamesa at sinipat ang buong silid.
"Um...dito ka nakatira?" tanong niya.
Gaya ng kanina, nabasa kong muli ang emosyon niya. Awa at pagaalala naman ang kanyang ipinapakita.
"Sa masikip at mainit na bahay na ito? Oo. Dito ako nakatira."
Inunahan ko na siya nang maramdaman ko ang pagaalinlangan sa mukha niya. "Wag kang magalala. Nagkataon lang na lumabas tayo sa kalye ng San Vicente kanina."
Sinipat niya pang maigi ang mga bagay sa loob ng silid hanggang sa tumama ang mga mata niya sa lamesita sa may tabi ng sopa. Naroon lang naman ang mga alaala ko.
Tumingin siya sa akin at bago pa man siya magtanong, pinangunahan ko na ito.
"Si mama, papa at ang kapatid ko. At yung nasa kabilang litrato, lola ko."
"Tulog na ba sila? Baka magising-"
"Patay na sila."
Nagulat siya at napatingin sa akin.
"Sorry."
"Ayos lang."
Matagal ko nang tinanggap ang pagkamatay nila. Pati ang kamamatay lang na si nanay. Wala namang makapipigil sa tadhana sa pagbugso. Kapalaran ang mawala ang mga mahal ko sa buhay. Di malayong kapalaran din kung bakit narito ako ngayon kasama ang babaeng...si Lyka.
Hudyat ang paghina ng ulan. Naramdaman kong nilayo ni Lyka ang tingin niya sa akin.
"Ah...siguro naman dahil umulan, wala na 'yung mga humahabol sa atin kanina. Pero wala akong dalang payong." sambit ni Lyka habang mahigpit na hinawakan ang plastic bag na National Bookstore.
"Ihahatid nalang kita."
Akmang tatayo na kami nang biglang tumunog ang cellphone ni Lyka. Iniwan ko muna siya saglit sa sala at sininop ang baso sa kusina. Sa musika ng ulan, mahirap intindihin ang mga sinasabi ni Lyka. Pero pribadong usapan iyon kaya't hindi dapat ako makinig.
Nang makabalik na ako sa sala, nakita ko si Lyka, nakaupong muli. Nakayuko ito at humihikbi.
"Lyka?" mahinang tawag ko sa kanyang pangalan.
Lumingon siya at nagtagpo ang mga mata namin. Kasabay ng pagbagsak ng mga patak ng ulan ay ang pagbasak ng kanyang mga luha. Wala akong nagawa kundi pakinggan ang sinisigaw ng kanyang damdamin.
"Derrick...pwede bang...pwede bang dumito muna ako ngayong gabi?"