9

329 21 11
                                    

"Palaisipan."

Hangin ang naging kanlungan ng dalawang estranghero na kasalukuyang nakaupo sa harap ng ospital. Humupa na ang ulan. Ang mga tenga ng bawat isa ay bahagyang nabingi sa pagbuhos ng ulan at pagsipol ng hangin.

Patuloy pa rin ang paghimas ni Lyka sa kanyang braso. Sinilip niya kung mayroong pasa ng pagkakabunggo, ngunit wala kahit badya ng pamumuo. Hindi naman ganun kasakit ngunit dahil sa likas na mentalidad ng mga taong umiikot ang isip sa grabidad ng sakit, napapaaray na lamang kahit isip lang ang nasasaktan.

Nilingon ni Lyka ang lalaking tinabihan niya. Malalim at malayo ang kanyang iniisip. Pansin ang kumikislap nitong mga mata sa likod ng makapal na salamin. Tila naghahanap ito ng malalim na kasagutan. Kasing-itim naman ng mata niya ang kanyang matatalim na buhok.

"Hindi ka ba nilalamig?" basag ni Lyka sa katahimikan.

Si Lyka ay isang palaban na dalaga. Sa pagkakataong ito, sa kabila ng lahat ng mga kasalukuyang nangyayari sa buhay niya, hindi na niya ipinangangamba na makakilala ng bagong tao at makisalamuha. Sa ngayon, nasa bangketa na ang kanyang puso, hindi alintana ang panganib na aangkinin ito. O kaya nama'y paulit-ulit na tatamaan ng patalim hanggang sa huling tibok.

Para saan pa nga ba ang buhay ko? bulong niya sa sarili.

Sa tanong ni Lyka kanina, hindi lang basta salita ang kanyang winaldas. Kundi pati punto. Si Derrick ay naka-tshirt at shorts lamang. Maraming lagusan ang maaaring pasukin ng lamig. Hindi halata ngunit kapag susuriing mabuti ang binata, nanginginig na ito.

"Sanay na ako." wika ng binata.

"Paano mo naman ito nakasanayan? Hindi mo nga alam kung kailan ito tumatama." wika ng dalaga.

Natahimik lang ang dalawa habang pinagmamasdan ang basang paligid. Si Lyka, naghihintay siya ng kasagutan kahit pa nasagot na niya ang sariling tanong. Si Derrick, alam niyang hindi na kailangan pa sagutin ang tanong na iyon ngunit pinaglalaruan niya pa rin ito sa kanyang isip.

Hangin ang naging hudyat ni Lyka para magsalitang muli.

"Naniniwala ka ba sa-"

"Tadhana? Karaniwan ang tanong na 'yan." Tila nabasa ng binata ang isip ng dalaga. "Hindi. Pero kinasusuklaman ko ito."

"Kasuklam-suklam nga naman ang ibato ka sa sitwasyong hindi ka handa at wala kang laban." mungkahi ng dalaga.

Sa pagkakataong ito, nakaramdam si Lyka ng kurot sa puso. Matinding kurot na hindi matutumbasan ng anumang pisikal na sakit.

Hindi maipaliwanag ni Derrick ang mga pangyayari. Pero isa lang ang alam niya, siya ay kasalukuyang lumalaban sa mundong hindi niya ginustong pasukin.

Binilang ni Lyka ang mga patak na tumutulo mula sa itaas habang inililigaw naman ni Derrick ang kanyang tingin sa mga basang halaman.

"Bakit nandito ka?" tanong ni Derrick kay Lyka kahit pa alam niya kung bakit nandito ang dalaga.

Hindi mariin ngunit bumaon kay Lyka ang tanong ni Derrick sa kanya. Ayaw niyang malaman ng ibang tao ang tungkol sa sakit niya. Lalong-lalo na sa mga taong hindi pa niya kilala. Hindi dahil sa hiya, kundi dahil gusto niyang malagutan muna ng hininga bago pa siya kaawaan at pagaksayahan ng pekeng luha ng mga tao sa paligid niya.

"Nagsabay kasing sumakit tiyan at ulo ko kaya tinakbo ako dito." wika ni Lyka. Tinigil na niya ang paghimas sa kanyang braso.

"Maayos na ba ang lagay mo?"

Hindi karaniwan para kay Lyka ang sumagot sa tanong na hindi niya alam kung ano ang isasagot. Lalo pa't nanggaling ito sa di niya kilalang tao.

Sumipol si Lyka sa kanyang sarili.

Pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Ngayon ko lang naramdam na mayroong nag-aalala sa akin. Kahit pa ang turing ko sakanya ay isa lamang estranghero.

Nung nagdesisyon si Lyka na lumingon sa binata, ikinagulat niyang nakalingon na pala ito sa kanya.

Ang mundo nila'y tumigil. Nagkalinawagan ang mga mata na kinakailangan nila ang isa't isa. Hindi karamay, hindi kakampi, ngunit bilang katotohanan sa mundo na mapagkunwari. Nagsasalita ang kanilang mga mata na tila nauunawan na nila ang pinagdadaanan ng isa't isa.

Sandaling nakandado ang mga mata nila ngunit agad naman itong nabuksan ng hiya.

"Mukhang mabigat ang pinagdadaanan mo ngayon." pilit na inilalayo ni Lyka ang hiya sa gitna nilang dalawa.

"Hindi ko na alam kung magigising pa ang lola ko." wika ni Derrick na agad namang naunawaan ni Lyka.

"Huwag kang mawawalan ng pagasa. May rason ang lahat ng ito."

"Pinaniniwalaan mo rin pala 'yan gaya ng iba."

"Bakit? Hindi ka ba naniniwala?"

"Hindi."

Ngayon lang nagrehistro sa utak ni Lyka ang sinabi ni Derrick at paulit-ulit niya itong pinaglalaruan. Hanggang sa naisip niyang tanungin ang nararapat.

"Wala ka bang pinaniniwalaan?"

"Bukod sa Diyos, ano pa nga ba ang dapat paniwalaan?"

Sandaling binalot sila ng ingay ng katahimikan. Walang maisagot si Lyka kundi...

"Pag-ibig."

"Pag-ibig?" patawang sabi ni Derrick.

"Oo. Pag-ibig."

Napangiti si Derrick. Peke man o hindi, maganda paring pagmasdan ang pagngisi ng binata para kay Lyka.

"Walang panahon. Walang pagkakataon."

"Kung ganon, naniniwala ka nga."

Hindi alintana kay Lyka na katatawanan ang kanyang sinabi. Hindi din maikukubli ni Derrick na katatawanan ang kanyang sagot.

Habang tumtakbo ang oras, lumalayo nanaman ang kanilang isipan. Hawak nila ang susunod na mga salita, naghihintay kung kailan ito bibitawan.

Ngunit nagpasyang tumayo na lamang si Derrick at humakbang papalayo.

Ngunit bago pa man siya makalayo, nagiwan siya ng simpleng habilin na nagsilbing palaisipan sa dalaga...

"Ingatan mo ang sarili mo."

TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon