"Panig."
Lyka
Nakakabagot pagmasdan ang oras. Hindi ito lumilipas, ito ay tumitigil habang ang ilog ay patuloy pa rin ang pag-agos. Tila nangaasar nang hindi sinasadya.
Inilayo ko na ang aking tingin sa mga kamay ng relo at inirapan ang ilog sa aking harapan. Kasalukuyan akong nakaupo sa malamig na kapatagan sa tabing-ilog, ilang hakbang mula sa aming bahay. Hapon na nang magpasya akong magbilang ng tutubi dito. Bago pa man ako pinahintulutan ng aking ina ay nakuha pa niya akong sigawan at pagsabihan na 'nilalaro ang sitwasyon' sa mga panahong kailangan daw itong seryosohin.
Sa kanya, laro. Sa akin, patimpalak.
Tingin niya'y para sakin, nilalaro ko lang ang lahat.
Ngunit ang totoo'y pinaghahandaan ko na ito.
Gaya ng karaniwang ginagawa sa isang patimpalak.
Napaahon ako sa kailaliman ng pagiisp nang biglang may lumipad sa paningin ko...
Nung una'y isang langaw ang nagrehistro sa utak ko. Ngunit naalala ko isa nga pala itong hardin ng tutubi.
May isang tutubing dumapo sa damit ko na agad namang itong pumagaspas papalayo. Natanaw ko rin ang isang tutubing dumapo sa may tabing damo. Gumalaw ako nang bahagya upang bugawin ito.
Ngunit hindi ito lumipad.
Kahit badya lamang nang paggalaw ng mga munting pakpak ay hindi ko nakita. Sinuri ko itong mabuti. Asul na dagat ang katawan nito. Makislap na mala-brilyante naman ang mga pakpak. Sumagi sa isip ko ang nakakatuwang alaala.
Inaaliw kami ng kumikislap na mga brilyanteng nababasag sa kalupaan, hinaharanahan naman kami ng awit ng hangin at ulan...
Sa munting mundong ginagalawan ng mga insektong ito nakasaad ang lahat. Habang ang buong kawan ay lumilipad na may kalayaan at walang takot na nararamdaman, ang isang ito ay tumiwalag sa grupo at ibinaling ang isip sa upos ng kuryosidad.
Hindi nito sinaluhan ang mga kasamang lumipad. Bagkus, pinagmamasdan niya ang mga ito at maaaring tinatanong sa sarili kung ano nga ba ang layunin nito sa mundo. Kung ano ba ang itinakda sa kanya ng tadhana...
Hindi ko lubos maisip kung bakit nga ba ito nagpapahinga o nagmumuni-muni sa gitna ng labanan. Nagiisa sa gitna ng kasiyahan. Pinagmasdan ko itong maigi. At bigla na nga lang bumato ang nakakapanghinayang na realisasyon sa aking isipan...
Kapag lumipas na ang dalawampu't apat o apat na pu't walong oras na pamamalagi sa mundo, ang karaniwang tutubi ay hahantung na sa kanyang itinakdang kamatayan...
*****
"Anak?"
Minulat ko ang aking mga mata. Tumambad sa akin ang mukhang nakilala ko kaagad sa unang tingin.
"Pa?"
"Bakit mo naisipang matulog dito? Mas malambot naman ang kama mo sa bahay."
"Nakatulog lang po ako. Pasensiya na."
Inangat ko ang kalahati ng katawan at napansin ko ang anino ni papa. Isang tao.
Ikinaggulat ko ito at tumayo ako kaagad.
"Lyka, this is Mr. Villanueva."
Agad naman itong lumabas sa likod ni papa. Karaniwan lang ang kanyang mukha ngunit hindi maipagkakaila ang kakaibang awra ng kanyang kakisigan. Hindi gaanong kadiliman ang kanyang mga mata, kinukulayan ito ng saya. Nakakahawa ang ngiti nito. Malambot ang kanyang maiitim na tsokolateng mga buhok dahil sa pagsayaw nito sa buga ng hangin.
Lumapit siya sa akin at nagalok ng kamayan. Bagama't naguguluhan, hindi ko ito tinanggihan.
"Mike." ang sabi nito habang patuloy ang pagpinta ng ngiti sa kanyang labi.
"Lyka."
"Kamusta ka na?" wika nito habang binitawan ko na ang mapurol na kamay niya.
Isa ba itong doktor na nais ipakilala sa akin ni papa para ipasuri ang kalagayan ko? Ayokong manghusga. Ngunit bakit hindi doktor ang tingin ko dito, kahit pa sabihin nating napakaaga niyang nagtapos ng kolehiyo at kumuha ng titulong pandoktor?
Hindi ko sinagot ang kanyang tanong at lumingon ako kay papa na pinagmamasdan kaming maiigi. Parang isang eksperimento.
"Si Mike ang nagdala sa'yo sa ospital. Diba sabi mo sayang dahil hindi mo siya naabutan para pasalamatan? Heto, magpasalamat ka na." paliwanag ni papa.
Tumango na lamang ako kahit naramdaman ko ang inis na namuo sa loob ko.
Lumingon ako sa lalaking nagngangalang Mike.
"Maraming salamat nga pala sa pagdala sa akin."
"Walang anuman. Tsaka natural lamang na tulungan ang mga nangangailangan. Lalo pa't nakita mo na lang na nakabulagta na sa semento."
"Pasensiya ka na nga pala kay papa. Naabala ka pa niya. Nagpapasalamat nga pala ulit ako sa'yo. Sana marami ka pang matulungan." ibinalik ko na lamang ang mga ngiti nito.
"Ang totoo niyan, may isa pang dahilan kung bakit ako tinawag ng papa mo."
Nawala ako sa muling pagsipol ng hangin. Tila hinila nito ang kaluluwa ko mula sa katawan at inangat muna ako ng ilang segundo bago ito ibinalik.
Tumingin ako kay papa na kanina pa nababagabag.
"Lyka, kabilin-bilinan ng doktor na huwag papagurin ang isip at katawan mo. Maselan ang iyong kondisyon kaya dapat nasa bahay ka lamang nagpapahinga-" pinutol ko ang kanyang mga paalala.
"Ayoko pong tumigil sa pagaaral. Kapag tumigil ako, malalaman nila ang sakit ko. Ayoko pong kaawaan ako ng mga pekeng tao." bwelta ng bibig kong hindi nagpapigil.
"Tumugma nga naman ang iniisip ko." sambit ni papa. "Alam kong tatanggi ka sa mga sasabihin namin sa'yo. May paninindigan ka at nakuha mo 'yan sa mama mo. Gusto mo pa talagang pumasok? Pwede naman na naming kausapin ang prinsipal para sabihing konpidensiyal ang dahilan ng pagdrop-out mo."
"Ayoko pong magdrop-out pa. Ayokong magiba ang takbo ng lahat. Gusto ko kahit sa mga nalalabing sandali ko, normal ang takbo ng lahat. Huwag niyo nang gawing kumplikado ang lahat."
Kung tutuusin nga naman, ang perspektibo ng aking mga magulang ay kumplikado. Kahit tignan pa ito sa iba't ibang angulo.
"Hindi pa huli ang lahat, Lyka. Huwag kang magisip ng ganyan."
"Pwede niyo bang gawing normal ang lahat para sa akin, pa? Panghabambuhay ko nang kahilingan ito sa inyo." hiling ko kay papa.
"Kung iyan ang makapagpapasaya sa'yo. Pero may mga bagay na gusto kong baguhin."
Ano nga ba ang pinapagiwatig ni papa? Bakit nung una pa lang, hindi na siya tumutol sa kagustuhan kong ipagpatuloy ang pagaaral sa kabila ng lahat?
Tinignan ko siya ng may bahid ng pagtataka.
"Ito ang isa pang dahilan kung bakit nandirito si Mike ngayon."
Hindi ko na naramdaman ang presensiya ni Mike. Nang bigla ko itong nilingon, napalitan na ang kanyang ngiti ng seryosong mukha.
"Anong ibig mong sabihin, pa?"
"Matagal nang tumigil sa pagaaral si Mike. Nakaisip ako ng paraan kung paano namin masisigurong nasa magandang kalagayan ka lagi. Ibabalik ko sa pagaaral si Mr. Villanueva."
"Ayoko."
Naramdaman kong may parang mga karayom na tumutusok sa mga mata ko. Ang pagkakaalam ko ay sa mata ko lang. Ngunit meron din palang tumutusok sa puso.
Hindi pa kilala nang lubos ng aking mga magulang ang lalaking iyan. Kahit tiwala ang ipinapakita niyang maskara ngayon, lahat ng tao ay may madilim na panig...
Lahat ng tao ay may madilim na panig.
