"Alab."
Lyka
Hindi ko ginusto ang bumalik sa lugar na magpapaalala sa akin ng katotohanan.
"Gising ka na pala."
Nabulabog ang pagiisip ko habang nakatingin sa bintana dahil sa tinig ng isang pamilyar na boses.
Ibinaba ni Derrick ang tray na naglalaman ng isang bowl ng mainit na sopas sa lamesa katabi ng mga hindi ng mga gamot at umupo sa tabi ng higaan kung saan ako nakalagay.
Hindi ako direktang nakatingin sa kanya dahil alam kong alam niya na ang totoong kalagayan ko at ayokong makita ang awa sa mga mata niya. Ayoko.
"Anong nararamdaman mo?" tanong niya sa akin.
Kahit hindi ko gustong sumagot, pinilit lang lumubas ng salita sa bibig ko. "Wala."
"Ang sabi nga ng doktor, maaaring dahil sa kapaguran kaya nagdugo ang ilong mo at nahilo ka. Pasensiya na sa nangyari. Napagod ka nang husto dahil doon."
"Yun lang ba ang sabi ng doktor?" hindi ko na napigilan ang pagapaw ng mga salita.
"Tsaka huwag mo daw kaliligtaan 'yung mga niresetang gamot sa'yo."
Hindi ko maintindihan kung bakit hindi napansin ng doktor ang sakit ko, kung bakit hindi niya ako sinuring mabuti. Pero nagpapasalamat na lang ako dahil ayokong may isa pang taong makaalam na hindi na ako magtatagal sa mundo.
Sinipat ko ang nakamamanghang kulay ng kwarto. Taliwas ito sa kwartong kinalagyan ko noong una kong nalaman ang katotohanan sa kalagayan ko. Sinisigaw ng kwartong ito ang buhay na pagasa. Maaliwalas na pagasang sisibol sa pagputok ng umaga.
"Kumain ka muna." sambit ni Derrick habang kinukuha ang sopas.
Marahan niyang iniihipan at isinusubo ito sa akin. Naginit ang mga pisngi ko sa hiya.
"Hindi mo namang kailangang gawin 'yan." ang sabi ko sa kanya.
"Huwag ka na muna masyadong magpagod." ngiting balik niya sa akin.
Bumubulong ang tadhana. May sinasabi itong magandang balita. Ngunit may kaakibat din itong masamang balita. Hindi ko maiwasang maramdaman ang kaba.
"Anong oras na?"
"Alas tres y medya. Gusto mo bang tawagan natin ang pamilya mo?"
Pumasok ang mga pangyayari sa isip ko. Kasalukuyang ginugulo nito ang lahat. Lutaw ang isip ko sa mga sasabihin ni mama, papa at ng ate ko. Ayoko munang magisip kahit pa ngayon ang magandang pagkakataon para isipin ang lahat ng ito. Pero...
Sa hindi inaasahan, tumunog ang cellphone ko.
Sino kaya ang tatawag sa akin sa mga oras na ito?