Chapter 5: Unang Bale

956 83 16
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Lumabas ng kuwarto papuntang kusina si Manuel. Naroon sina Openg at Sebyo nagaalmusal. Kape at tinapay. Nakahanda na rin ang baon ni Manuel na nasa plastic na supot. Magtitimpla na ng kape si Manuel, pero inunahan siya ng ina't inagaw sa kanya ang tasa.

"Ako na, anak. Maupo ka na."

Umupo si Manuel. Kumuha ng pandesal at nagsimulang kumain.

"Kumusta naman trabaho mo? Tinatrato ka bang mabuti ng Tito Ato mo?" tanong ni Openg habang nagtitimpla ng kape. Sa plastic na garapon naroon ang kape at asukal. Sa termos ang mainit na tubig.

"Ayos naman, po," sagot ni Manuel.

"O, kumuha ka pa ng tinapay," maarugang alok ng ina habang ibinigay ang kape.

Nagtataka si Manuel sa kabaitang ipinapakita ng ina. Si Sebyo, umiling lamang, alam niya kung bakit. Nakaka-tatlong linggo na si Manuel sa trabaho at so far, okay naman at unti-unti na siyang nabibihasa sa ginagawa. Kay Isko, nakahanap siya ng kaibigan at bihira silang maghiwalay. End of the month at bigayan na ng sahod. Alam ito ni Openg kaya't ganun na lang ang pagpapakita niya ng kabaitan, at inabot ang plastic na supot na baon ni Manuel.

"Hetong baon mo. Espesyal 'yan. Isdang sinaing, at may itlog na maalat pa."

"Uyy! Sarap nito!" hudyat ni Manuel habang sinilip ang laman ng supot.

"Biro mo, magdadalawang linggo ka na sa trabaho! Tapos sandali na lang, susuweldo ka na," parinig ni Openg. Si Sebyo ay napabulong.

"Heto na..."

Hindi pinansin ni Openg ang asawa, na kay Manuel ang atensyon niya. Ayaw niyang masira ang momentum.

"Anak, baka naman gusto mo kaming paunlakan ng ama mo," ang paawang hiling ni Openg. "Ako sana pambili lang ng bagong scarf. Pero, pwede mong samahan ng abaniko at stockings."

Nag-react si Sebyo.

"Stockings? Aanhin mo stockings?"

"Bakit ba? Eh sa nahihiya ako sa legs ko tuwing magsisimba tayo," talak ni Openg sa asawa, sabay balik sa maamong mukha kay Manuel, "Sige na, anak."

Kibit-balikat lang si Manuel. Ang tutoo, wala namang tunay na halaga ang pera sa kanya kundi maipambili lang ng sigarilyo at alak. Wala naman siyang hilig sa kung anu-anong materyal na bagay. Wala siyang magarang sapatos o pananamit. Wala siyang cellphone o anumang gadget. Iisa bisyo niya at ito'y ang dagat.

"Oo, naman, 'Nay. 'Yun lang pala eh," sabi ni Manuel, at kay Sebyo, "Kayo po, 'Tay, anong gusto n'yo?"

Mabilis ang sagot ni Sebyo.

"Bagong asawa."

"Ulupong!" sigaw ni Openg.

Dinampot ni Manuel ang kanyang baon at tumayo.

"Mauna na po ako."

"O, sige, anak."

Hinatid pa siya ni Openg sa pintuan. At nang malayo na si Manuel, sumigaw pa ang ina.

"Bye, anak! Sa sweldo ha!"

#

At dumating na ang pinakahihintay na araw ng suweldo.

Sa bukas na entrance ng building, nakaupo si Ato sa harap ng maliit na mesa. Nakapatong sa mesa ang cashbox. Nakapaligid, nakatambay ang mga trabahador, nagaantay na sila'y tawagin at bigyan ng sweldo. Isa-isa silang lumalapit kapag natawag kanilang mga pangalan.

"Mateo!" basa ni Ato sa listahan ng payroll.

Lumapit ang tinawag, si Mateo na electrician at binigyan ng sweldo.

"Marcos!" tawag uli ni Ato.

Ganun din si Marcos na eksperto sa tiles. Kinuha niya'ng kanyang suweldo kay Ato.

"Lucas!" sigaw naman ni Ato.

Mabilis na sumulpot sa harap si Lucas na isang tubero.

"Juan!" sigaw pa ni Ato.

Natigilan si Ato. Napaisip. Mateo, Marcos, Lucas, Juan? Nag-shake siya ng ulo habang binigay kay Juan na mason ang sweldo nito. Pinagpatuloy niya ang pagtawag.

"Isko!"

Masayang lumapit si Isko at kinuha ang kanyang datung.

"Manuel!"

Ganun din si Manuel. May extrang thumbs up pa mula kay Ato. Pagkatapos ay tumayo sila ni Isko sa sulok ng building, nagbibilang ng pera.

"Ano, pare, sa beerhouse tayo mamaya ha?" pagkumpirma ni Isko.

"Ha?"

"Ang unang sweldo pinang-goo-goodtime talaga. Swerte daw 'yun!" sabi ni Isko.

"Ganun ba?" sabi ni Manuel.

Binulungan siya ni Isko.

"'Dun sa sinabi kong beerhouse kung san ako madalas. Mag-e-enjoy ka dun."

"Ha? Eh," parang hindi sure si Manuel.

Dumating si Siso na kasamahan nila sa trabaho at ka-edaran lang nila. May malagong bigote ito na para bang si Mr. Swabe.

"Ano, Isko, game tayo mamaya?" tanong ni Siso.

"Game, pare. Heto kasama natin si Manuel."

"Garantisado! Magaganda mga chikating 'dun!," may thumbs-up pa si Siso.

Wala nang nagawa si Manuel kundi umoo.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon