Chapter 9: Sa Ospital

1K 87 9
                                    

	Pagdilat ni Manuel ay hindi siya agad makagalaw

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Pagdilat ni Manuel ay hindi siya agad makagalaw. Nirolyo niyang kanyang mga mata para makita ang paligid. Una'y hindi niya agad alam kung nasaan siya. Ang kisame ay kulay puti at may flourescent lamp sa gitna.

Ginalaw niyang kanyang mga daliri. Sa braso, nakita niyang may nakatusok na dextrose saka niya lamang naisip na nasa ospital siya. Ginalaw niyang kanyang bibig. Nagsalita siya pero walang lumabas na mga kataga.

Nang pumasok ang isang babaeng nurse ay nagulat ito nang makitang dilat si Manuel at agad na nagmadaling lumabas ng kuwarto. Maya-maya'y bumalik ang nurse kasama na ang lalaking duktor at dalawa pang mga nurse. Naglapitan sila agad kay Manuel at may mga sinasabing hindi niya tanto. Nguni't, maliwanag sa mga mukha ng mga ito na masaya sila.

#

Nakaupo si Manuel sa kama ng ospital at kumakain sa overbed table. May benda siya sa ulo. Mas mahaba na'ng buhok niya kesa sa dati at may stubbles siya. Darating sina Openg at Sebyo, kasama si Pitoy.

"Anak!" sigaw ni Openg at tila yumanig ang pader.

Lumuluhang niyakap ni Openg si Manuel. Pumalibot ang iba sa kama.

"Salamat sa poong maykapal. Akala nami'y iniwan mo na kami," sabi ng ina, at suminghot pa ito sa panyolito.

"Natatandaan mo ba'ng nangyari sa iyo?" tanong ni Pitoy.

Napaisip si Manuel.

"May tumama sa ulo ko at nawalan ako ng malay," sabi niya. "Saang ospital ito?"

"Nasa provincial hospital ka. At 'wag kang mag-alala, anak. Sagot ng kumpanya ang gastos," masayang sabi ni Sebyo. "At sa araw na 'di ka nakapasok, bayad ka din. Ayos, 'di ba?"

Tumango si Manuel.

"Gano ako katagal na nandito?"

Kapansin-pansin na kakaiba ang tono ni Manuel. Malumanay.

"Tatlong araw," sagot ni Pitoy. "Na-coma ka daw."

"Coma? Tatlong araw?" pagtataka ni Manuel. Pakiramdam niya'y oras lang ang pagitan mula nang ma-aksidente siya at gumising. Naaalala pa niya ang madilim na tunnel, at lalo na si Hesus.

"Akala nami'y 'di ka na magigising," may kabang sabi ni Openg. "Sa awa ng Diyos, binuhay ka niyang muli."

Sa pagbanggit ng Diyos, ay sinabi ni Manuel ang naranasan niya.

"Ilaw. May nakita akong maliwanag na ilaw. Sinundan ko at nakita ko siya," dilat niyang kuwento.

"Sino?" tanong ni Sebyo.

"Si Hesus!" bulalas ni Manuel.

Saglit na natahimik ang mga kausap niya at nagkatinginan. Hindi nila agad mai-connect si Hesus kay Manuel. At biglang na-realize ni Openg at malakas na hinudyat:

"Binalik ka ni Hesus, anak! Magpasalamat tayo!"

Napangiti na din sina Sebyo at Pitoy. Sa isip nila'y, maaaring isang milagro ito at masaya sila para kay Manuel. At kinuwento pa ni Manuel ang mga detalye ng karanasan niya. Ang hitsura ng tunnel, ng ilaw, ni Hesus. Ang pagtakbo niya sa ilaw at paghawak sa kamay ng Panginoon. At ang paggising niya matapos kaunin ni Hesus. Isa itong milagro, paulit-ulit nilang sinabi.

#

Dalawang araw pang nanatili si Manuel sa ospital para obserbahan at siguraduhing okay na ang kalagayan niya. Ganado namang bumisita at natulog doon sina Openg at Sebyo, at ito'y dahil na rin sa sarap ng malamig na aircon. Wala din naman silang problema sa bayad ng kuwarto at gastusing ospital.

Binisita dinn si Manuel nina Ato, Isko, Siso at ilan pang kasamahan niya sa trabaho. Binanggit ni Isko na kinukumusta siya ni Layla at sinabing hindi ito makapunta dahil sa trabaho. Nguni't, nakapagtatakang hindi hinanap ni Manuel si Layla, at tila nawala na nga sa isip niya ito, pati na ang pagnanasa niya. Kung tutuusin ay ang hostess pa ngang dahilan kung bakit siya na-ospital, pero, ganun na lang ang pagbabago ni Manuel.

#

Sa ikalawang araw ay bumisita ang duktor habang masayang nanonood ng pananghaliang TV sina Manuel, Openg at Sebyo. Kasama ng mild-mannered na 40-something na duktor ang isang babaeng nurse.

"Ay si Dok pala!" nakangiting hudyat ni Openg sa pagpasok nila.

"Magandang umaga po," bati ng duktor, at kay Manuel. "Kumusta ka na Manuel?"

Nakaupo si Manuel at mukhang malakas na at tinanggal na din ang benda ng kanyang ulo. Good as new ikanga, lalo na't kakaiba na'ng kanyang ugali.

"Ok naman ho, dok," magalang na sagot ni Manuel.

"May nararamdamang ka pa bang pananakit sa katawan? Sa ulo?"

"W-wala naman, dok."

Hindi napigilan ni Openg na sumingit.

"Sa katunayan, dok, ibang-iba na si Manuel. Para siyang na-born again," pagmamalaki ng ina, "At nakita daw niya si Hesus, hindi ba, anak?"

"Nung tulog po ako, dok, nakakita ako ng ilaw. Sinundan ko ang ilaw, nakita ko si Hesus at nagising ako," kuwento ni Manuel.

Saglit na napaisip ang duktor.

"Hmm. 'Di kaya nag-NDE ka? Near Death Experience?"

"Masama ba 'yon, dok?" kamot ng ulo ni Sebyo.

Umiling si dok, "Hindi naman. Nangyayari ito minsan sa mga pasyente na nagka-head trauma. Pero, ayon naman sa X-ray mo, clear ka na sa anumang panganib. At siguro itong na-experience mong ilaw, maybe its a good thing. May mga taong nagbago ang buhay dahil sa experience nila kay God."

Lumawak pang ngiti ni Openg.

"Narinig mo 'yon? Mabuti pala iyon!"

Napangiti si dok sa positibong reaksyon ng lahat.

"So, Manuel. Ready ka na bang umuwi?" tanong niya.

Marahang tumango si Manuel. May kakaibang gaan siyang naramdaman sa katawan.

#

Pauwi, sakay ng bus sina Manuel, Sebyo at Openg. Magkasandal ang mga ulo ng mag-asawa na natutulog. Karamihan sa mga pasahero ay mga nakapikit din. Pero, hindi si Manuel, nasa side siya ng bintana at pinagmamasdan ang kapaligirang dinadaanan. Iniisip pa rin niya ang sinabi ng duktor—ang NDE.

Bigla siyang namalik-mata. Sa isang iglap ay nakita niyang reflection niya sa salamin—at sa kanyang pakiwari, ay para bang si Hesus ang nakita niya sa sarili. Nagulat siya, lalo na nang may nadaanan ang bus na billboard na may larawan ni Hesus. Jesus is the Way, the Truth and the Life, sabi sa billboard. At muling namalik-mata si Manuel—dahil ang larawan ni Hesus ay para bang nabuhay at tumingin sa kanya...at tinuro pa siya. At sa isang iglap ay bumalik din ito sa dati.

Inalog ni Manuel ang ulo niya at pinahid ang dalawang mga mata. Tutoo ba ang nakita niya, o guni-guni lang? Tila ang aksidenteng pagkabagok ng kanyang ulo ay may epekto pa. Pero, bakit? Anong mensahe ito? May mensahe ba si Hesus sa kanya?

Tuliro si Manuel nang bumaba sila ng bus sa kanilang bayan ng Dinagatan.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon