Chapter 16: Ang Milagro ay Bulag sa Makasalanan

883 79 10
                                    

Dumami pa ang nakaalam sa Simbahan ng Ikalawang Pagbabalik ni Kristo at ang mga tao'y nagdagsaan, lalo na't nabalitaan nila na may naganap na milagro

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Dumami pa ang nakaalam sa Simbahan ng Ikalawang Pagbabalik ni Kristo at ang mga tao'y nagdagsaan, lalo na't nabalitaan nila na may naganap na milagro. Gumaling ang taong may cerebral palsy ayon sa balita. Humusto ang dila niya anila, na para bang hinila patuwid mismo ng Diyos ng kanyang banal na mga daliri. Kung kaya't nagmartsa doon ang mga may kapansanan. Bulag, pipi, bingi. Ang mga pilay, mga may tumor sa iba't-ibang bahagi ng katawan. Kanser. Iba't-ibang klase ng sakit. Maging ang mga duling at kuba na sawang-sawa na sa mga panukso sa kanila at nangangarap na maging normal.

Naroon ang mga disipulo na nagpapapasok sa kanila at pumipigil din sa daloy ng tao kung puno na ang loob ng simbahan. Ito'y sa pangunguna ni Pitoy na nag-akmang lider. Si Isko nama'y abala sa katungkulan niya bilang emcee...at sa pagdidilihensiya ng patago sa mga matatandang pinangakuan niya ng puwesto sa langit. Si Berto at Dumas naman ang in-charge sa security. Si Pilo at Jayme, gamit ang kanilang delivery truck, ang tagahakot at tagabili ng mga kasangkapan at pagkain. Si Jimwell at Andoy na waiter ang in-charge naman sa kusina. Si Ato na foreman at tiyuhin ni Manuel ay naroon para pagandahin ang simbahan at kung kinakailangan itong ayusin. Si Siso naman ang tagakalat ng balita sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga flyers kung saan-saan. Sa pagbubukas ng simbahan sa umaga siya ang may hawak ng megaphone na tumatawag sa mga tao mula sa kalsada.

Nagdagsaan ang mga maysakit.

Nguni't, hindi lahat ay mapapagaling.

"Sa kapangyarihang bigay sa akin ng Ama ko sa langit, inuutos ko sa 'yo, Rowena, gumaling ka! GUMALING KA!"

Hawak ni Manuel ang ulo ng isang babaeng nakapikit. Si Rowena, bente kuwatro at isang sampaguita girl, ay bulag simula pa ng pagkabata. Nabuhay sa dilim. Hindi niya alam ang hitsura ng mundo. Ang kulay nito. Ng mga puno't, paru-paru't bahag-hari. Ang dagat na asul. Ang ginintuang takipsilim. Ang kulay ng ibinibentang niyang bulaklak. Ang kagandahang likha ng Diyos ay sa kanya'y mga kuwento lamang. Buong buhay niya'y ninais na makita ito. Ang mga mukha ng kanyang mga mahal sa buhay, ng kanyang mga magulang at mga kapatid na nag-aruga sa kanya. At sa ngayon, lalong-lalo na ang mukha ng anak ng Diyos na magbibigay sa kanya ng liwanag mula sa dilim.

"GUMALING KA!" muling sigaw ni Manuel.

Naluluha si Rowena. Ang sabik na siya'y makakita ay walang hangganan. Ang boses ng Messiah ay pumupuno sa kanya ng pag-asa. Sa kanyang palagay ay nakakaramdam siya ng kakaibang kapangyarihan na dumadaloy sa kanyang katawan. O nadadala lamang ba siya ng emosyon?

Sa paligid, naglalakihan ang mata ng mga tao na nanonood. Sabik sila na masaksihan ang milagro, pagka't wala nang ibang magpapatunay pa sa kapangyarihan at katotohanan ng pagkatao ni Manuel kundi ito. Kung siya nga ang taong kanyang sinasabi, kung mapapagaling niya si Rowena, wala nang maiiwang pagdududa pa. Ikanga, no questions asked. Pagka't si Rowena ang nag-iisang bulag sa bayan ng Dinagatan at kilala siya ng lahat.

"Gumaling ka, Rowena! Makakakita ka!" mas malakas na sigaw ni Manuel.

Hindi rin makapagsalita ang mga disipulo sa puntong ito. Ni hindi na napansin ni Berto at Dumas na may ilang mamamayan ang nakasingit na makapasok sa loob mula sa bintana. Si Jimwell na natabunan ng mga tao ay sinampa ni Jayme sa kanyang balikat para makita ang nangyayari. Si Pitoy, ang matalik na kaibigan ni Manuel, ay may magkahalong sabik at kaba. Hanggang ngayon ay siya na lamang ang may natitira pang pagdududa. Nguni't, ang pinakakabado sa kanilang lahat ay walang iba kundi si Isko. Pagka't, alam niya ang katotohanan. Alam niyang walang milagro.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon