Chapter 11: Ang Mga Disipulo

1K 99 6
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Makaraan ang ilang araw ay inanyayahan ni Manuel ang kanyang mga kaibigan na mag-inuman sa kubo. Ito rin ang unang pagkakataon na makikita nina Berto at Dumas si Manuel mula nang ma-coma ito't ma-ospital. Tulad ng babala ni Pitoy, laking gulat ng dalawa na mamalas ang malaking pagbabago kay Manuel—sa hitsura nito na walang kaduda-duda'y parang si Hesus. At nang si Manuel ay nagsalita, hindi na ito tulad nang dati na palabiro, kundi'y may siryosong tono, at ilang beses siyang nagpamalas ng mga linya na mula sa bibliya. Sa umpisa'y hindi makayanan ng mga kaibigan ni Manuel ang inaasal niya nguni't pagtagal-tagal ay nasanay din ang mga ito.

Nakaupo sila sa harap bakuran at may maliit na mesa kung saan nakapatong ang mga bote ng lambanog, mga baso na pantagay at pulutan na isda na bagong huli ni Pitoy. May sawsawan silang maanghang—toyo't suka na may siling labuyo. Prinito ni Openg ang isda na kanilang pulutan at nagtira ng ilang piraso para hapunan nila ni Sebyo.

"Maniwala kayo o hindi, apat na metro ang haba," pagmamalaki ni Berto. Nasa kalagitnaan sila ng talakayang-mangingisda.

"Apat na metrong Tanigue?" pagtataka ni Pitoy habang tumagay ng alak. "Baka naman Malasugui 'yan!"

"O Matumbok!" singit ni Dumas.

"Hindi! Alam kong Malasugui at Matumbok!" inis na balik ni Berto.

"Maniniwala lang ako 'pag nakita ko!" hamon ni Dumas habang tumagay.

Kunsumidong nagkamot ng ulo si Berto.

"Paano ko papakita sa 'yo, e matagal na nga 'yon!"

Tahimik lang na nakikinig si Manuel. Hindi tulad ng dati na siya ang madalas bumabangka sa usapan. Ngayon, siya'y nagmamasid lamang, at marahil nag-iisip ng mga binabalak.

"Ang pinakamahabang Palos na nahuli ko tatlong metro!" pagmamalaki naman ni Dumas.

Napaindik ang iba. Si Berto'y napaisip at kanyang sinukat ang haba ng tatlong metro sa kanyang mga bisig.

"Isa't kalahati lang 'yung sa akin?" iling niya, at siya'y bumawi. "May nahuli naman akong Pagi na dalawang metro!"

"HA! Wala 'yan. 'Yung sa akin tatlo!" mabilis na sabi ni Dumas.

Winagayway ni Pitoy ang kanyang kamay sa dalawang kainuman.

"Wala pala kayo eh! 'Yung sa akin dalawa't kalahati!"

Nagtaka sina Berto at Dumas.

"Dalawa't kalahati?" simangot ni Berto. "O, eh yung kay Dumas nga tatlong metro na nga!"

Tumawa si Pitoy.

"'Yung dalawa't kalahati kasi, buntot pa lang!"

Nagtawanan sila.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon