Chapter 8: Ang Aksidente

958 93 5
                                    

            Ginintuang hapon

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Ginintuang hapon. May kislap ng araw sa alon na banayad na humahalik sa dalampasigan. May ilang bangka ang nasa dagat, mga manlalambat at maninisid. Sa laot naman ang malalaking bangka na patungo sa malayo nilang destinasyon.

Balik sa paglalambat sina Manuel at Pitoy. Habang binababa ni Manuel ang lambat sa dagat, si Pitoy nama'y nagsasagwan.

"Layla ang pangalan?" tanong ni Pitoy.

Tumango si Manuel, "Hindi ko siya maalis sa isipan ko."

"Mukhang nadimonyo ka ng babaeng ito," iling ni Pitoy. Ngayon lang nangyari ito sa matalik niyang kaibigan.

"Oo nga eh," balik ni Manuel. May kunwaring pagsisisi siyang pinakita, pero, ang tutoo'y masaya siyang nakilala ang hostess. Tila ba nagkaroon ng bagong kulay ang mundo niya nang madiskubre niya ang mapang-akit na si Layla.

"Masamang impluwensiya ang Isko na 'yan kasi," patuloy sa pagsasagwan si Pitoy, at tinimon niyang sagwan para paikot ang andar nila. "Lumayo ka sa lokong 'yon. Baka ipahamak ka pa."

"Si Isko? Kundi dahil sa kanya e 'di ko makikilala si Layla," depensa ni Manuel.

"'Yun na nga. Wala ka sanang iniisip ngayon."

Tutoo naman ang sinabi ng kaibigan, walang lumipas na araw mula nang makilala ni Manuel si Layla na hindi niya inisip ang alindog nito. Lalong-lalo na sa pagtulog niya kung saan siya nakakaisip ng kung anu-anong mga bagay.

#

Lunes. Panibagong araw ng trabaho sa construction site.

Tulak-tulak ni Manuel ang trolley ng simento papunta kay Isko sa gilid ng itinatayong gusali. Habang pinapasahan ni Isko ng timba ng simento ang mga nasa itaas ng scaffoldings ay itinabi ni Manuel ang trolley malapit sa kanya at tinulungan ang kaibigan sa pamamagitan ng pagsalin ng simento sa timba.

"Pare, may maganda akong balita sa 'yo," bungad na pananalita ni Isko kay Manuel.

"Ha? Anong balita?" pagtataka ni Manuel.

Huminto muna si Isko sa ginagawa at lumapit sa kaibigan na may kasama pang tulak ng kanyang siko at kindat.

"Natatandaan mo si Layla?"

Siyempre naman natatandaan ni Manuel. Pero, magkukunwari siya.

"Layla?"

"Layla!" malakas na banggit ni Isko. "'Yung ka-table mo sa beerhouse."

Tumango si Manuel at kunwa'y bigla lang niyang naalala.

"Ah, si Layla."

Bumulong sa kanya si Isko.

"Balita ko...type ka daw ni Layla."

Magkahalong kilig, kaba at takot ang naramdaman ni Manuel, pero minentain niyang kanyang postura.

"T-talaga?"

"Oo, pare. At tinatanong kung kailan ka daw babalik doon."

Nangingiti si Manuel. Parang nag-jump start ang puso niya.

Nagpatuloy si Isko sa pagaabot ng timba ng simento sa kasamahan nila sa taas ng scaffoldings.

"Kaya sa sweldo, pare, mag-ready ka na," payo ni Isko. "Tiyak na makaka-score ka!"

Na-excite si Manuel. Makaka-score ako! Aniya sa sarili.

Biglang may sumigaw sa malayo, si Ato hinahanap si Isko.

"ISKO!" tawag nito.

"Teka, pare, hanap ako ni boss," paalam ni Isko at ito'y naglakad palayo.

Naiwan na parang lumulutang sa langit si Manuel. Lumilipad sa alapaap. Hindi siya mapakali. Naisip niya bigla na bumili ng bagong brip dahil kulubot na ang garter ng mga pagmamay-ari niya, at ayaw niyang mapahiya. Ang ngiti niya ay abot hanggang sa magkabila ng kanyang tenga. Natulala siya, malayo ang tingin kahit walang natatanaw.

Kung kaya't hindi niya narinig ang sigaw.

Sigaw ng mga tao na nasa taas ng scaffoldings.

At hindi niya nakita.

Na mula sa 3rd floor ay kumalas ang tali ng pulley, at ang timba na may laman na simento ay bumulusok pababa.

At sakto ito sa ulo ni Manuel.

BRAAAK!

Sigawan ang mga trabahador. Nagbabaan sa scaffoldings. Nagtakbuhan tungo kay Manuel na nakatihaya sa lupa. Nakatingin sa langit. Dilat siya na parang walang malay. Ang dalawang braso ay naka-spread, na parang naka-pako sa kurus.

Dumating si Isko para pulsuhan niya. Sa likuran si Ato na sumisigaw ng tulong.

#

Kadiliman.

Nakatayo si Manuel sa kadiliman at nakapagtatakang nakikita naman niya ang kanyang katauhan. Lumingon siya sa paligid at napagtanto na nasa parang mahabang tunnel siya. Tinignan niya ang kanyang mga kamay at may parang mahiwagang ningning ito, at ito'y gawa ng ilaw na nagmumula sa dulo ng tunnel. Doon, may liwanag na para bang sinag ng araw sa umaga. Humakbang si Manuel, may kakaibang bigat ang kanyang mga binti na para bang namamanhid ito. Mabibigat ang kanyang mga yapak. Naglakad siya tungo sa liwanag.

Nakarami na siya ng hakbang nguni't para namang hindi siya lumalapit sa ilaw, kung kaya't binilisan niyang lakad niya hanggang sa siya'y tumatakbo na. Ngayo'y, hinahabol na niya ang ilaw, at itinaas pa niyang kanyang kamay para abutin ito.

Ngayo'y, napapalapit na si Manuel sa ilaw.

At may nakita siyang hugis doon. Isang nilalang ang nakatayo sa may ilaw at hinihintay siya. At nang mapalapit si Manuel ay namukaan niya kung sino ang taong ito.

Si Hesus.

Nakangiti si Hesus sa kanya at tinatawag siya, inaalok siyang abutin ang kanyang kamay, at ito'y may sugat sa palad. Nanlaki mata ni Manuel, at nakaramdam siya ng takot—na baka hindi niya maabot si Hesus, kaya binilisan pa niyang takbo na para bang nag-aagaw buhay siya. Hindi niya nais na maiwan sa madilim na tunnel, gusto niya sa liwanag. At nang abutin niya ang kamay ni Hesus ay naramdaman niya ang palad nito.

At si Manuel ay nagising.

At nakita niyang nasa loob siya ng kuwarto ng ospital.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon