Chapter 10: Ako si Hesus!

1K 100 25
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

One Week Later.

Ang buhok niya'y mahaba na at natatakpan ang kanyang tenga. Mahaba nang bangs niya at abot na sa kanyang baba. At ang bigote't balbas ay kumakapal na din na halos takpan na ang kalahati ng kanyang mukha.

Pinagmamasdan ni Manuel ang ang kanyang hitsura sa maliit na salamin na naka-hang sa kanyang kuwarto at hindi siya mapalagay—nguni't sa dahilan na ikinasasaya pa niya. Tila may gusto siyang matanto sa sarili na isang linggo na niyang unti-unting napapatunayan.

Saglit niyang iniwan ang salaminan at lumabas ng kuwarto. Maya-maya'y bumalik siya at hawak na ang maliit na novena na mga 2x3 inches ang laki at sa harap ay may larawan ni Hesus. At habang tinignan niya ang mukha sa salamin, ay itinabi niya ang pictyur ni Hesus at inihambing ang sarili. Napakunot-noo siya. May hindi tama, aniya sa sarili. Pagkatapos ay hinati niya ang kanyang buhok sa gitna at hinila ang dulo nito para pilit na maabot ang kanyang balikat. Si Manuel ay napangiti at muling itinaas ang litrato ni Hesus sa kanyang mukha at namalas sa sarili na, oo, may pagkakahawig kami.

Sa labas, nagdidilig ng mga halaman si Openg habang si Sebyo ay nagsusunog ng mga tuyong dahon nang dumating si Pitoy na may dalang mga isda.

"O, Pitoy, ikaw pala," bati ni Openg.

"Magandang hapon, Ka Openg. Sadya ko ho si Manuel," sabi ni Pitoy.

"Halika, pasok, nasa likuran siya," mabilis na sabi ni Openg dahil na rin nakita niya ang dalang isda ng bisita, at: "Para sa amin ba 'yan?"

"Oho."

Walang atubiling kinuha ni Openg ang isda.

"Naku, maraming salamat! Napakabait mo talaga!"

"Kumusta na pala si Manuel?"

May concern sa mukha ni Openg.

"Naku, Pitoy, hindi ko alam kung matutuwa ba kami o hindi! Tumino siya makaraan ang aksidente. Bumait na para bang semenarista!"

"Ganoon ho ba?"

Kumapit sa braso ni Pitoy si Openg at sinabi nang pabulong, "Pero, hindi na siya ang Manuel na alam ko. Hindi na siya bugoy!"

"Hindi ba maganda 'yun?" pagtataka ni Pitoy.

"Nakakanibago kasi."

"Puntahan ko na, ho," paalam ni Pitoy at naglakad tungo sa likod-bakuran.

"O siya, sige," sabi ni Openg at bumaling sa asawa. "Huy! Sebyo! Tama na 'yan! Halika at kunin mo itong isda!"

Iniwan ni Sebyo ang sinisiga at lumapit sa asawa.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon