Chapter 23: Taksil

753 82 6
                                    

       

            Sa labas pa lang ng S&G Beerhouse ay dinig na ang kanta sa videoke

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

            Sa labas pa lang ng S&G Beerhouse ay dinig na ang kanta sa videoke. Nandoon muli ang pangkat ng mga binata na non-stop sa pagwawala sa Pinoy 90s na musika. Sabay-sabay sila tuwing chorus at nagpapataasan ng boses habang inaawit ang Banal na Aso, Santong Kabayo. Puno ang loob pagka't araw ng suweldo.

            Matagal nang hindi nakabalik si Manuel sa beerhouse na ito kung saan niya nakilala si Layla. Nabalot ang mahaba niyang buhok at makapal na balbas ng kulay pula at asul na ilaw nang siya'y pumasok sa loob. Napatingin siya sa mga nagkakantahan, wari niya'y siya ang tinatawanan pagka't ang sabi nila'y hihihihi.

            Inabutan ni Manuel si Isko na nasa paborito nitong puwesto sa may sulok, kasama si Judy at Raja na nakapulupot sa magkabila niya, ang singit ng mga bra'y may perang papel. Nagulat si Isko na makita si Manuel.

            "Manuel!"

            Napahusto ng upo si Isko at napakalas ng kapit ang mga hostess, sila man ay nagulat din.

            "Anong ginagawa mo dito?" medyo nawala ang lasing ni Isko. "Maupo ka, anong gusto mo? Beer?"

            Habang naupo si Manuel ay sumenyas si Isko kay Atoy na nasa may bar na lumapit. Nagulat din ang waiter na makita ang kanilang pinuno na nasa bahay ng aliw.

            "Manuel..." medyo napalunok si Atoy. "Anong inumin mo?"

            Pero, bago nakasagot si Manuel ay:

            "Bigyan mo ng tubig," biro ni Judy. "At baka gawin niyang alak."

            Nagtawanan ang dalawang hostess. Nakita ni Isko na hindi naaliw si Manuel, ramdam niya na siryoso ang pakay nito, kaya't sinabihan sina Judy at Raja.

            "Ah, eh, girls, iwan n'yo muna kami ni Manuel, okay?"

            "But, why is now?" maarteng sabi ni Raja.

            "Si Layla ba ang hanap mo?" baling ni Judy kay Manuel na hindi sumagot. "Kasi wala siya dito. Isang linggo nang hindi bumabalik. Nagbagong buhay na ata."

            Nagtawanan muli ang dalawang hostess.      

            "Tsupi muna, okay? Split!" diin ni Isko at nagets naman ng dalawa sa tono nito na hindi na sila dapat magpumilit pa.

            Tumayo ang dalawang hostess at lumipat sa kabilang mesa para aliwin ang ibang manginginom.

            "Atoy, bigyan mo na lang kami ng isang bucket ng Red Horse," sabi ni Isko at mabilis na tumalima si Atoy.

            Sa kabilang mesa, kausap na nina Judy at Raja ang dalawang lalaki habang sa videoke machine, patuloy ang mga binata sa pagkanta.

            "Napasyal ka, Manuel," tugon ni Isko habang nagsindi ng sigarilyo. "May problema ba?"

            Napahinga nang malalim si Manuel.

            "Hindi ako mapakali, Isko," aniya.

            "Bakit?"

            "Hindi ko alam."

            Nasa mukha ni Manuel na may bumabagabag sa kanya. Isang bagay na hindi niya masabi nang diretso pagka't hindi pa siya tiyak. Bumalik si Atoy dala ang bucket ng beer at pinagbuksan sila ng mga bote, pagkatapos ay umalis din at tumambay sa bar kung saan niya tanaw ang dalawa. Sabay na dumampot ng beer sina Manuel at Isko at uminom.

            "May dapat ba akong malaman, Isko?" tanong ni Manuel. "May hindi ka ba sinasabi sa akin?"

            Nagulat si Isko sa mga tanong na iyon. Naisip niya kung siya ba'y nabisto na. Kung nakarating na ba kay Manuel ang mga lihim niyang aktibidad.

            "Ha? Ba't mo naman nasabi 'yan?"

            "Tapatin mo ko, pare," siryosong sabi ni Manuel.

            Tinignan siya ni Isko ng diretso at sinabi:

            "Kaibigan mo ko, pare. Akong pinaka-loyal sa 'yo. Sino bang tumulong sa 'yo, nagdala sa 'yo sa ospital nang maaksidente ka? Ako. Sinong dumalaw sa 'yo? Ako. Dinalaw ka ba nila Pitoy? Nila Berto at Dumas? Hindi. At nung sinabi mong gusto mong magtayo ng simbahan. 'Di ba ako ang unang umoo? Hindi ba? Sinong nagpakilala sa 'yo kay Rod? 'Di ba ako? Kung wala si Rod, e 'di wala sana tayong simbahan? Sinong pumagitna nang muntik nang mag-riot ang mga tao? 'Di ba ako?"

            Makapagdamdamin ang delivery ni Isko kaya't walang masabi si Manuel. Lumagok ito ng mahaba.

            "Naniniwala ka bang may milagro?" tanong ni Manuel.

            "Oo naman!" mabilis na sagot ni Isko, hindi kumukurap.

            Saglit silang nagkatinginan at biglang na-distract nang madinig ang malakas na hagikhik ni Raja sa kabilang mesa habang binobola ang mga customer gamit ang bali niyang Inggles.

            "Manuel, huwag mong sabihing pati sarili mo pinagdududahan mo," sabi ni Isko. "Tutoo ang milagro, kita mismo ng mga mata ko. Nasa iyo ang kapangyarihan."

            "Iyon na nga Isko," sabi ni Manuel, balisa. "Hindi ko na maramdaman ang kapangyarihan. Hindi ko maramdaman ang milagro."

             "Ang milagro?" dilat ni Isko. "Hindi mo ba nakita ang mukha ng mga tao? Ng mga napagaling mo? Kung paano mo sila nabigyan ng bagong buhay, ng bagong pananalig sa Diyos? Iyon ang milagro!"

            Hindi agad nakasagot si Manuel. Pinagaaralan niya ang mukha ni Isko.

            "Kaya alisin mo na 'yang pagdududa, sus, wala 'yan." patuloy ni Isko habang tinaktak ang baga ng sigarilyo.

            "Alam ko namang kaibigan kita, pare," sabi ni Manuel. "Na mas mahalaga ang pagkakaibigan kesa sa pera."

            Bahagyang napatingin si Isko. Parang may tumusok sa dibdib niya na bahid ng kunsyensya.

            "Oo naman!" sabi niya.

            Inabot ni Manuel ang kanyang kamay at tinaggap ito ni Isko. Sila'y nagkamay. Malamig ang palad ni Isko, at nang maramdaman ni Manuel ang konting panginginig sa kamay ng tinuring niyang kaibigan ay pumasok sa isipan niya ang katagang "taksil."

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon