Chapter 22: Ang Mga Tutoong Makapangyarihan

777 69 1
                                    


Ang himpilan ng pulis ng bayan ng Dinagatan, isang palapag na gusali na gawa sa kahoy at simento ay malapit sa plasa na malapit sa town hall.

            Dumating si Hepe sakay ng kanyang nikiladong owner-type jeep at nagulat sa nakita sa open parking space. Mataba, at napapanot na ang singkwenta-kuwatrong pulis, pagka't may nakataling kalabaw sa isang parking slot. Nang pumasok siya sa loob, panibagong gulat pagka't napupuno ng tao sa loob. At hindi lang tao kundi mga hayop, kambing at baboy, bukod sa kalabaw sa labas.

            "Anong nangyayari dito!" mulat niya. "Sarge!"

            Typical na himpilan ang loob. Nalulumang kahoy na mga mesa, filing cabinet, at electric fan. Nangangailangan ito ng pintura at repair sa kisame kung saan nagmarka na ang tulo ng ulan. Hindi kalakihan ang police HQ, sapat lamang sa pangangailangan ng isang maliit na bayan. Nguni't, sa araw na ito'y, nagkakagulo at nagsisiksikan sa loob.

            "Sarge!" sigaw ni Hepe.

            Ang mga pulis ay abala sa pagaasikaso sa mga taong hinuli nila. Pawang mga matatanda, lalaki at babae sa edad sisente hanggang otsenta. Nakaupo, binu-book, kinukuhanan ng litrato at thumbmarks. Sa loob ng kulungan ay may nauna nang grupo ng mga gurang.

            Lumapit ang tinawag, isang 40-something na sarhento, matangkad at matapang ang mukha.

            "Hepe..."

            "Anong nangyayari dito? Ano ito? Field trip ng mga senior citizens?"

            "Mangyari eh mga huli ito," sabi ni Sarge.

            "Huli?" pagtataka ni Hepe. "Anong kaso ng mga ito?"

            "Karamihan theft," pamewang ni Sarge, at tinuro ang mga natiklong matatanda. "Itong isang ito nagnakaw ng kambing. 'Yung isa naman baboy. 'Yung nakita mong kalabaw sa labas? Evidence yun."

            At ang mga nasa hawla?

            "Matindi yung grupo na 'yon. Nagtangkang holdapin ang bangko."

            Hindi makapaniwala si Hepe.

            "Pero, bakit?"

            "Nasa opisina mo si Father," sabi ni Sarge. "Mas mapapaliwanag niya sa 'yo."

            "Si Father?"

            Nang buksan ni Hepe ang pintuan ng munti niyang opisina ay naroon si Father See na naghihintay. Pumasok sila ni Sarge at ikinuwento ng singkit na pari ang sagot sa kanyang tanong.

            "'Yung Church of the Second Coming of Christ?" pagkumpirma ni Hepe na nakaupo sa kanyang upuan sa harap ng desk. Si Sarge ay nakasandal sa pader, nakikinig.

            "Kulto!" galit na bulalas ni Father See nakaupo kaharap ni Hepe. "Hinihingian nila ng malaking pera ang mga tao kapalit na makapasok sila ng langit!"

            "Karamihan matatanda," sang-ayon ni Sarge. "Alam mo na, 'yung bilang na mga oras."

            "Kaya ba sila nagnanakaw para may maibigay na pera?" tanong ni Hepe at tinanaw ang mga matatandang binubook sa labas ng kanyang kuwarto.

            "Mismo!" hinampas ng pari ang mesa. "At ang pinuno nila ay isang mangingisda na nagsasabing siya daw si Hesus!"

            "Aba, may topak ito," napasandal si Hepe sa kanyang upuan.

            Tumango si Sarge. Nagkatinginan sila ni Hepe.

            "Paghuhulhin nyo sila, Hepe! Malinaw na extortion ito!" demand ni Father See.

            "Itong Church of the Second Coming of Christ 'di ba kay ano ito?" tanong ni Hepe kay Sarge. Ang tinutukoy niya ay ang mayamang si Rod Hernando.

            "Siyang backer nila," tango ni Sarge.

            Napakamot ng ulo si Hepe. Inayos ang himlay sa batok sa isang direskyon.

            "Naku, mahirap ito," aniya.

            "Anong mahirap? Ibig nyong sabihin wala kayong gagawin?" naalama ang pari.

            "Mabuti pa kausapin ko muna si Mayor," sagot ni Hepe.

            "Sabihin mo kay Mayor aksyunan ito!" sigaw ng pari.

            Pinatayo ni Sarge ang pari para palabasin. At habang palabas ng pinto ay patuloy pa sa pagbulyaw.

            "Kulto sila! Kulto! Magsasampa ako ng reklamo!"

            Nang wala na ang pari:

            "Anong gagawin natin sa mga matatanda?" tanong ni Sarge.

            "Pakawalan n'yo na baka dito pa matepok ang mga 'yan, mas malaking problema," sabi ni Sarge. "At ilagay n'yo sa lost and found 'yung mga hayop."

            Tumango si Sarge at tumalima. Naiwan si Hepe na nag-iisip. Hindi niya inaasahan ito. Lunes pa man lang din. Sanay siya sa pabandying-bandying lang at panonood ng DVD sa kanyang portable Coby Player. Walang gaanong major na insidente sa bayan ng Dinagatan na kinakailangan ng mabilis na aksyon ng pulis. Ngayon, heto't mukhang may malaking problema na nag-uumpisa pa lamang. Dinampot niyang telepono at tumawag.

            "Rod...si Hepe," aniya.

                                                                        #

            May kalakihan ang opisina ni Mayor. Malaking mesa, malambot na sofa, at 5-horsepower na aircon. Sa dingding, may litrato siya na kasama ang isang Congressman, katabi ng litrato ng Presidente na pina-Photoshop niya para isingit ang sarili. May maliit na bandila at plakard sa mesa: Cesar Juliano, Mayor. Nakaupo ang alkalde sa kanyang swivel chair at kausap sina Hepe at Rod Hernando.        

            "Anong gagawin natin? May kakulitan ang pari na 'yan, hindi tayo tatantanan n'yan. "Kung padaplisan kaya natin?" sabi ni Rod.

            "Baka malabo," iling ni Mayor. "Mga paring ganyan, Hindi tumatanggap 'yan ng lagay."

            Nasa kanyang early forties si Mayor Juliano. Sleek manamit. Amerikana. Neck tie. Brush up ang buhok na makintab gawa ng pomada.

            "Sigurado kayo, Mayor?" ngiti ni Hepe. Parang may alam.

            "Tingin ko, this is a matter of principle," isip ni Mayor.

            "Prinsipyo?" taas ng kilay ni Rod.

            "Kung ikaw pari tapos inagawan ka ng mga parokyano hindi ba sasama ang loob mo?" ani ng myor. "Para saan ka pa naging pari kung wala kang kapangyarihan?"

            "Hindi titigil 'yang si Father See, hangga't walang naipapakulong," patutuo ni Hepe. "Ibigay natin si Isko tutal may record na 'yun."

            "Dawit tayo diyan," sabi ni Rod. "Masyadong maraming alam si Isko, siguradong kakanta yun."

            "E 'di sino fall guy natin?" tanong ni Mayor.

            Nagkatinginan ang tatlo. Iisang tao lang ang nasa isip nila.

            "Sino pa nga ba?" sabi ni Rod.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon