Chapter 14: Mga Kumakalat na Balita

841 80 6
                                    

Matao sa palengke

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Matao sa palengke. Araw ng bagsakan ng mga bagong huli na isda mula mismo sa Dinagatan, bagong gapas, bigas at sariwang gulay at prutas mula sa karatig na mga bayan ng Callejon at Daigdigan. Karamihan ay mga ginang ang maagang narito para makapili na mabuti.

Namamalengke si Layla. Maayos ang suot niya at hindi mo mapagkakamalang isang hostess, bukod lamang kung ika'y isang regular na customer sa S&G beerhouse. Wala siyang make-up sa mukha at ang buhok ay nakatali sa likuran. Suot ay simpleng bistidang iisang kulay at palda na lampas ng tuhod.

Tumigil siya sa bentahan ng isda. Wala siyang nasa isip kundi ang lulutuin sa pananghalian. Inumaga na siya sa trabaho kanina at ngayo'y naisipan niyang makakain ng masarap para naman makabawi.

Sariwa ang mga isda. Pati ang mga balita hatid ng dalawang ginang na sa edad na 40s na maingay na nag-uusap.

"Maniwala ka, nakita ko, nandoon ako! Totoong milagro!" sabi ng unang ginang.

"Naging alak ang tubig?" gulat na sabi ng ikalawang ginang.

"Oo! Tinikman ko pa nga eh!"

Pinisil-pisil ni Layla ang mga nakalatag na isda. Namimili ng mataba. Dinig niya ang usapan nguni't hindi talaga siya nagbibigay dito ng atensyon.

"Isang mangingisda na sinaniban ni Hesus?" pagtataka ng ikalawang ginang.

"Siya daw mismo si Hesus!" pag-correct ng kausap, may indak pa ng hintuturo.

"Ano'ng pangalan niya?"

Saglit na napaisip ang tinanong. Inaalala ang pangalan ng lalaki na nakita sa kasalana. Mahaba ang buhok at malago ang balbas. At kanyang naalala ang pangalan ipinagbubunyi nila noong araw na iyon.

"Manuel! Manuel na mangingisda."

Nanlaki mata ni Layla. Natigilan siya sa pagusisa sa mga isda at nakinig.

"At ang sabi-sabi, nakakausap daw niya mismo ang Diyos na Ama!" bulalas ng unang ginang.

Samantala, ang me-edarang tindera ng isda ay napatingin din. Sanay siya sa mga usapang palengke, pero, kakaiba ang balitang ito kaya't tumaliling din ang kanyang tenga.

"Totoo ba 'yan?" sabi ng tindera.

Nagulat ang dalawang ginang na makitang pinakikinggan pala sila.

"Ah eh 'yun ang sabi nung disipulo niya," may alanganing batid ng unang ginang, pagka't nailang ito na malaman ng iba ang tsismis niya.

Kung kaya't hinatak niyang palayo ang kanyang amiga at tumalikod at hininaan ang kanyang boses.

"At heto pa," bulong niya sa kasama habang lumilingon sa tindera para malaman kung nakikinig ito. "Sa tamang donasyon daw sa simbahan nila, masisigurado daw ang pwesto mo sa langit."

"Aba! Parang nagpa-reserve lang?" gulat na sabi ng ikalawang ginang.

"Ganun na nga," bulong ng unang ginang. "Pero, hindi mo dapat ipagsabi ha. Secret natin ito. Pili lang daw ang nasasabihan. Kaya kung ako sayo, magpa-reserve ka na."

Kahit pabulong ay dinig ito ni Layla pagka't nasa likuran lang siya. Ibinigay ng tindera ang mga pinamili ng mga ginang na isda na nasa plastik at ang mga ito'y agad na naglakad paalis. Habang papalayo pa'y dinig ni Layla ang usapan nila.

"Halika, sasamahan kita sa simbahan nila," sabi ng unang ginang.

Pinagmasdan sila ni Layla habang sila'y papaalis. Nagkaitinginan sila ng tindera.

"Mga tsismosa lang ano?" simangot ng tindera.

"O-oo."

#

Hindi lamang si Layla ang nakarinig ng balita. Usap-usapan ang tinaguriang "Milagro sa Kasalan" sa lahat ng paligid. Sa aplaya't daungan ng mga bangka. Sa sakayan ng jeep at tricycle. Sa palengke. Sa mga bahay-bahay. Ang tanong ng marami ay kung sino itong nagpapanggap na Hesus, pagka't sa marami na hindi nakasaksi ng milagro, hindi nila ito tanggap hangga't hindi nakikita ng sarili nilang mga mata. Kaya't ganun na lang din ang hangarin nila na makita si Manuel.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon