Chapter 19: Mga Bagong Recruits

779 75 4
                                    

Matapos malaman ang katotohanan ay hindi na bumalik si Layla sa loob ng simbahan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Matapos malaman ang katotohanan ay hindi na bumalik si Layla sa loob ng simbahan. Masakit sa damdamin niya na ginagamit lang pala si Manuel. Mas masakit dahil isa pala siyang huwad. Na hindi siya si Kristo. Walang kapangyarihan. Walang milagro. Sapagka't handa na siyang maniwala. Buong buhay niya'y naglalaban ang kanyang damdamin ukol sa kanyang paniniwala. Alam niyang isa siyang makasalanan, at gusto niyang magbalik-loob sa Diyos, pero, hindi sa simbahan na hindi niya pinagkakatiwalaan. Gusto niya'y sa Diyos mismo. Handa siyang sumunod sa Diyos kung ito'y makakaharap niya mismo. Kaya nang malaman niya ang tungkol kay Manuel ay nasabik siya.

Para lamang mabigo.

Dahil handa na sana niyang mahalin ang Diyos.

#

Tapos na ang session at naglabasan na ang mga tao. Kausap nina Pitoy, Berto, Dumas at Ato ang dalawang bata—ang mga sakristan, nang lumapit si Manuel.

"Sinong mga ito?" tanong niya.

"Itong dalawang ito, gusto daw sumapi sa atin," pamewang ni Pitoy.

"Gusto naming maging mga disipulo," sabi ng isang sakristan.

"Hindi ba masyado kayong mga bata?" sabi ni Ato.

Tinaas ng pangalawang sakristan ang kanyang ulo, at matapang na sinabi:

"Bakit, may age limit ba?"

"Aba't pilosopo 'to a..." simangot ni Ato, akmang mambabatok.

"Walang age limit," sabi ni Berto. "Pero, bawal ang hindi pa tuli."

Nagtawanan ang mga disipulo. Sa paligid, nagaayos ng mga upuan ang iba, sina Jimwell, Jayme, Pilo, Siso at Andoy na natawa din.

"Binilang kaya namin kung ilan kayo," sabi ng unang sakristan.

"Sampu pa lang kayo, chong. Ang disipulo ni Hesus dose dapat," sabi ng pangalawa.

Nagkatinginan ang mga disipulo. Napakamot ng ulo. Binilang ni Dumas kung ilan nga ba sila. Inisa-isa niyang mga pangalan.

"Kulang nga tayo," aniya.

"Kita n'yo na!" sabay na bulalas ng dalawang sakristan.

"Oo na!" pinagdilatan sila ni Dumas, handa silang kutusan.

"Ang Diyos walang pinipili kung sinong gustong sumunod sa kanya," paliwanag ng ikalawang sakristan.

Natahimik ang mga me-edad. Napaisip.

Tumingin si Pitoy kay Manuel.

"Anong tingin mo?"

Tumango si Manuel. May maaliwalas na ngiti sa isang bahagi ng labi.

Napakamot si Pitoy at sinabi sa dalawang sakristan.

"Okay, sige. Kayo ang panglabing isa't dalawa."

Masayang nag-fistbump ang dalawang sakristan at agad na nagtanong kung magkano ang allowance nila. Hinawakan sila sa balikat nina Berto at Dumas at sinabing bago ang allowance ay magligpit muna sila ng gamit, magwalis ng sahig at kunin ang basahan at magpunas. Sumimangot ang dalawang sakristan, pero, tumalima din naman para gawin ang mga iniutos.

Lumapit naman si Siso kay Manuel.

"Manuel, naaalala mo si Layla? Nandito siya kanina a."

Saglit na napatingin si Andoy na nagi-stack ng mga plastik na upuan.

"Si Layla? Talaga?" may bahid ng interes sa boses ni Manuel.

"Oo, kala ko nagkausap kayo," sabi ni Siso.

"H-hindi," iling ni Manuel.

Unti-unting nanumbalik ang ala-ala ni Layla kay Manuel. Paano niya nakalimutan ang babaeng ito? Ang babaeng nagpatibok ng kanyang puso at nagpaapoy sa kanyang pagnanasa. Si Layla na siya ring dahilan kung bakit siya naroon sa kalagayan niya.

"Babalik naman 'yon siguro," ani ni Siso at bumalik sa kanyang ginagawa.

Natunganga si Manuel pagka't hindi na mawala sa isipan niya ang hostess. Umalab muli ang kanyang damdamin, at ngayon ay nabahiran ng pagkalito. Ninanais pa din niya si Layla, ramdam niya ito, pero, ito ang ipinalit niya sa pagnanasang iyon, ang maging ikalawang pagbabalik ni Hesus.

Nahimasmasan siya sa pagkatulala nang marinig ang galit na boses ni Pitoy.

"Nasaan na naman ba si Isko? Tuwing ligpitan na eh biglang nawawala?!"

#

Nasaan pa ba?

Nasa likuran ng simbahan si Isko, sa puwesto kung saan ang mga illegal niyang usapin ay nagaganap. Tago ang spot na ito ng mga puno at hindi nasisilip mula sa simbahan. Kasalukuyang kausap niya ang dalawang matanda. Isang babae at lalaki na nasa kanilang 70s na. May ibinibigay silang mga papeles kay Isko.

"Hetong titulo ng lupa ko. Basta ang gusto ko 'yung may TV para nakakanood ako ng noon time show," sabi ng matandang babae.

"Ito naman ang sa akin," abot ng papel ng matandang lalaki. "Papeles 'yan ng bangka ko. Ako, gusto ko 'yung may upuan na nagmamasahe."

"Nahihibang na ba kayo?" kunot ng noo ni Isko. "Anong akala n'yo sa langit, home for the aged?"

"'Yan na lang natitirang pag-aari ko," turo ng matandang babae.

"Ako din," patutoo din ng isa pang matanda.

Inis na ibinalik ni Isko ang mga papeles.

"Hindi ko kailangan ng mga 'yan. Ang kailangan ko cash! Ibenta n'yo o isangla n'yo muna! 'Pag pumunta kayo uli sa akin dapat may cash na kayo! Maliwanag?"

Nagkatinginan ang dalawang matanda. Hawak ang mga papeles ay naglakad sila paalis.

"At bilisan nyo!" pahabol ni Isko. "Malapit-lapit na rin kayong dalawa!"

Umiiling silang pinagmasdan ni Isko, pagkatapos ay nagbilang ng pera na kinita niya noong araw na iyon.

Ang Pagaala-Kristo ni ManuelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon