Ang pinaka ayoko sa lahat ay ang pinipilit ako sa ayokong gawin. Buong buhay ko, ni magulang ko hindi ko hinayaang hawakan ang mga gusto at ayaw ko. Hindi ko sinunod ang mga nais nila para sa akin dahil alam ko na kapag ginawa ko ang gusto nila, hindi ako magiging masaya.
At sa hindi ko inaasahang pangyayari, nagulo ang maayos at mapayapa kong buhay dahil lang sa mag-amang Morales.
Wala talaga akong balak magpakasal kay Althea kung hindi lang mahalaga sa akin ang lupang pagmamay-ari ng kanyang ama. Napilitan akong magkunwari sa buong relasyon namin na masaya ako at mahal ko siya para lang makuha ito.
Sa buong pagsasama namin ni Thea, nakita ko sa mga akto niya na wala siyang pakialam na may nasisira siyang buhay, wala siyang pakialam na kami ay sapilitang ikakasal at wala siyang konsensiya na may nasisira siyang buhay. Sa tingin niyo ba magiging masaya ako kasama ang isang taong sumira mismo sa kasiyahan mo?
Nagkunwari akong masaya sa panahong bago kami ikasal para hindi iatras ni Thea ang kasal pag pinaramdam ko sa kanya kung gaano kamiserable ang ginawa niya sa buhay ko. Dahil kapag umatras siya, hindi ko na makukuha ang lupa mula sa tatay nito.
"I know you don't like her, I bet you never will but try to be nice to her until your wedding day. After that, pwede mo nang gawin ang gusto mong gawin sa kanya."
Sabi sa akin ni Don Victor na parang ipinupusta lang sa akin ang anak niya na parang isang bagay, iyon ang parteng hindi ko maintindihan sa mag-amang ito. Parang ipinamimigay na lamang sa akin si Thea.
Nagtiis ako sa mga panahong yon, sa mga panahong gustung-gusto ko siyang saktan dahil sa pagsira niya sa buhay at sa mga plano ko.
Matapos ang kasal namin, hindi ko inaasahan na may mangyayari sa amin. At sa kamalasan nga naman, nakabuo pa kami. Pakiramdam ko tuloy, pinaparusahan ako.
Oo, isa sa mga pangarap ko ang magkaroon ng anak pero hindi kay Thea. Pinakasalan ko lang siya para sa isang deal hindi para ituring siyang isang tunay na asawa at magkaroon ng pamilya kasama siya.
Nang sabihin niya sa aking buntis siya, ang unang pumasok sa isip ko ay ipalaglag iyon pero ayoko mandamay ng isang inosenteng bata dahil sa kasalanan niya, kaya hinayaan ko siyang buhayin niya ito pero pinangako ko sa sarili ko na hindi ako magiging parte sa buhay nilang dalawa.
Nakikita ko naman na gusto ni Thea na maging malapit sa akin pero pinipigilan ko dahil wala akong balak na maging malapit sa taong walang konsensiya at pakialam sa nararamdaman ng ibang tao.
"Pero wag kang makikipag-hiwalay sa kanya kung ayaw mong kuhain ko muli sayo ang lupang napakahalaga sayo."
Nang sabihin sa akin yan ni Don Victor, pakiramdam ko habang buhay na ako makukulong sa buhay na to. Kaya habang tumatagal, tinatanggap ko na ang buhay ko, tanggap ko na isa akong biktima ng sapilitang pagpapakasal. Tinatanggap ko na din na may asawa ako at anak, pero kahit anong gawin ko hindi ko pa rin kayang suklian ang pagmamahal na binibigay niya sa akin. Ayoko na muling pilitin ang sarili ko sa hindi ko gusto.
Nang malaman kong napanganak na ang anak namin, may iba akong naramdaman sa sarili ko. Saya. Pero hindi ko pinansin iyon hanggang sa mag-isang taon na siya. Sadyang hindi ko inalam ang pangalan at kahit na anong impormasyon tungkol sa kaniya dahil ayokong kilalanin niya akong bilang isang ama.
Pero alam ko, balang araw matatanggap ko din sila, kailangan ko lang ng panahon.
Bumalik ang isipan ko sa kasalukuyan nang marinig ko ang paulit-ulit na ring ng cellphone ko nang tignan ko kung sino ito, si Thea. Napatingin ako sa orasan, alas-onse na ng gabi, ano bang kailangan nito sa ganitong oras?
Ito ang unang beses na tumawag siya sa akin matapos ang kasal namin. Ang huling tawag niya sa ay noong mga araw bago pa kami ikasal, kadalasan siyang tumatawag sa gitna ng mga meeting ko para lang magsabi ng "I love you".
"Bakit?" bungad ko dito ng walang emosyon.
"Evening, Sir. Is this Alessandro?" Nagulat ako sa boses ng nasa kabilang linya, boses lalaki.
"Yes. Why are you using my wife's phone?" Tanong ko dito na may inis. Ano na naman tong kalokohan ni Thea? Lalaki niya ba to? Akala niya siguro magseselos ako.
"Dinala ko po yung may-ari nitong phone sa ospital. Nakita ko siya sa kalsada na sugatan at walang malay, mukhang na-hit and run ho ang asawa niyo."
Parang nabuhusan ako ng yelo sa sinabi ng lalaki sa kabilang linya. Si Thea nasagasaan? Saan na naman ba nanggaling ang babaeng yun at napahamak?
"S...Saang hospital?" Muling sagot ko sa lalaki matapos ang ilang segundo ng katahimikan.
Matapos sabihin nito ang pangalan ng ospital kung nasaan ang asawa ko, lumabas ako agad ng opisina para puntahan siya. Sa mga oras na to, hindi ko alam kung bakit ganito na lang ang reaksyon ko para kay Thea. Parang may tumutulak sa akin na puntahan siya. Iniisip ko na lang, kahit baliktarin ko man ang mundo, asawa ko pa rin siya at kasal kami at kailangan niya ako ngayon.
-
Comments and votes are very much appreciated. :) Enjoy Reading!
BINABASA MO ANG
My Married Life
RomanceTatlong taon na akong kasal kay Alessandro Fuentebelde, at tatlong taon na ring dumaranas ng lungkot kasama siya. Ang tanging nakapagpapasaya sa akin ay ang dalawang taon kong anak na si Lily. Hindi ko alam kung anong problema sa pagsasama namin, g...