Sa Araw ng Pasko

108 2 0
                                    

This is on a guy's point of view.

-

Unang araw 'yon ng simbang gabi noong una kitang nakita. Para akong tinamaan dahil tila lahat ay nasa'yo na. Sabi ko kay Lord, sana ibigay ka niya sa'kin. Hindi ko alam kung tinupad niya ba ang hiling ko o sadyang nilipad lamang ito ng hangin. Hindi ko rin naman kasi alam na magiging ganito ang kwento natin: Na mag-isa lang pala akong iibig, at ako'y iyong papaasahin.

Unang araw pa lamang ay tinititigan na kita. Tila isa kang bituin na napakakinang at buong atensyon ko ay nasa'yo na. Para ngang hindi na ako nakinig sa sermon ng pari, dahil nakatitig lamang ako sa mga mata mo patungo sa iyong labi. Lahat ay perpekto: hugis ng mukha mo, tangos ng ilong mo, at 'yong labi mong laging naka-arko.

Pangalawang araw, kahilera mo ako sa upuan. Napabuntong hiningan na lang ako dahil hindi kita matitigan dahil ikaw ay nahaharangan. Pero naririnig ko ang iyong boses na sumasabay sa kanta sa simbahan. Marunong na ngang kumanta, may taglay pang kagandahan. Haaay, para na nga akong tinamaan.

Pangatlong araw ng simbang gabi ay nagtaka ako kasi wala ka sa iyong upuan. Bago magsimula ang misa ay hinanap muna kita dahil baka ibang upuan lamang ang iyong pinuntahan. Pero napayuko nalang ako kasi wala talaga akong mahagilap na babaeng maganda pero may taglay na kapayatan. Napasimangot na lang din ako kasi plano pa naman sana kitang picturan.

Noong sumubo ako ng ostiya napatingin ako sa taas nung may nagsolong kumanta. Nakita kita, nakapikit, dinadama ang bawat letra. Bakit nga ba hindi ko naisip na sa taglay mong boses, siguradong makakapasok ka sa choir ng simbahan? Napangiti nalang ako sa aking isipan habang pinagmamasdan kitang kumanta nang marahan.

Pang-apat na araw ay tumabi ako sa'yo. Pasimple na lamang ako kumukuha ng tingin sa mukha mo, at napapangiti na lamang ako 'pag nakita kitang nakatingin sa harapan nang seryoso. Nakita ko rin na iba ang kumakanta ngayon, kaya ka siguro nasa ibaba at dito nakaupo. Noong kumanta na ng "Ama Namin", kinuha ko agad ang kamay mo kaya ka agad na napatingin. Nginitian mo ako at hinayaan hawakan ang malalambot mong kamay, habang ako naman yata ay muntik nang mahimatay.

Ika-limang araw ng simbang gabi, tinabihan ulit kita. Siguro ay nakakahalata ka na, o kaya kung manhid ka, siguro ay hindi pa. Noong narinig kong sinabi ng pari na magbigay ng kapayapaan sa isa't-isa, agad akong lumingon sayo at ngumiti nang pagkaganda-ganda. Ngumiti pa ako at nag-bow, at nagulat akong ganoon din ang iyong ginawa habang ang ngiti mo'y nangingibabaw.

Ika-anim na araw ay nakita kitang nasa taas ng simbahan kasama ang iba pang nagkakantahan. Plano nga sana kitang tanungin mamaya para lang malaman ko ang iyong pangalan. Pagkatapos ng misa ay agad kitang nilapitan. Tinanggal ko na lahat ng hiya ko sa katawan para lang malaman ko ang iyong pangalan. Ngumiti ka sa akin nang marahan at sinabing, "Klare. Klare ang aking pangalan."

Ika-pitong araw ay nag-uusap na tayo ng masinsinan. Nagulat nga ako at sinabi mong tayo na ay magkaibigan. Parang tinutupad na nga ni Lord yung mga sinabi kong kahilingan. Kulang na na lang ay pumayag kang ikaw ay aking ligawan.

Ika-walong araw, pinicturan kita habang ikaw ay nagdadasal. Napansin mo yata kaya ikaw ay dumilat at umangal. Pero syempre hindi ko dinelete ang iyong litrato, pagdating ko sa bahay ay ginawa ko pa nga itong wallpaper ko. Napansin ko din na tuluyan na tayong naging magkaibigan, kaya sabi ko, hindi na kita papakawalan.

Ika-siyam na araw, huling araw ng simbang gabi, at bisperas ng kapaskuhan. Napagpasyahan kong sabihin na ikaw ay aking liligawan. Habang tayo ay nasa hintayan ng dyip na sasakyan, hiningi ko ang numero mo at sinabing, "Kung sinabi ko bang gusto kita, ano gagawin mo? At paano kung tinanong ko kung pwede kang ligawan, papayagan mo ba ako?"

Ngumiti ka at sinabing.. "Okay lang sa akin. Kahit ikaw din naman ay aking gugustuhin."

Sumapit na ang Pasko, at pupuntahan sana kita sa inyo. Ngunit panay ang sabi mong huwag dahil maraming dumadalo. Pero dahil matigas ang ulo ko, pumunta pa rin ako kahit walang permiso. At doon, hindi ko inaasahan ang nakita ko.

Sa loob ng bahay ninyo, nakita kitang nakaupo habang may katabing naka-polo. Nakaakbay siya sa'yo at nakayakap ka sa beywang nito. Ngiting-ngiti ka noong hinalikan ka niya sa noo, habang ako'y nakatitig lamang, nag-iisip kung ano na lamang ang gagawin ko.

'Yong puso ko, parang hindi ko na maramdaman. Tila gusto na lang nito ipalaganap ang kamanhiran para hindi na ako masaktan. Para hindi ko na madama itong sakit na lumalaganap sa aking katawan.

Nakita lang naman ng dalawang mata ko, na bestfriend ko 'yong kayakap mo. Sabi ko sa sarili ko, bakit? Hindi mo naman siya kilala pero.. bakit sa kaniya ka kumakapit?

-

Natapos ang pag-iisip ko sa ating kwento nang biglang may nakabangga ako. Nandito kasi ako sa mall at namimili ng pangregalo ngayong Pasko. Isang taon na rin ang nakalilipas noong niloko mo ako, at umamin ka noon na.. past time lang pala ako.

Akala mo noo'y hindi na kayo magkakabalikan, kaya ang iyong hiling pala noong kapaskuhan na iyon ay magkasama ulit kayo nang tuluyan. Samantalang ako ay hinihiling ko lamang sa Kanya ang iyong pangalan.. na sana'y hindi ko pala hinayaan.

Tumingin ako sa aking nakabungguan at napatigil ako agad sa aking kinatatayuan. Ikaw. Nagkasalubong agad tayo ng tinginan, at ipinakita mo sa akin ang iyong ngiting kay sarap paring tingnan.

May umakbay sayo, si Cain, ang matalik kong kaibigan. "Kamusta?" Sabi nito habang nakatingin sa akin at ako pa'y nginitian. Gaya ng dati, sinabi kong okay lang ako, na okay lang ang aking nararamdaman. Nilagpasan ko ulit kayo gaya ng dati, at para akong tangang laging nagpaparaya, laging nagpapasakit, at laging nasasaktan.

Kung alam ko lang na sa mismong araw pa ng Pasko mo itatapon ang puso ko, sana pala'y sa iba ko na lang ito ibinigay dahil alam kong ako lang naman ay mabibigo.

Baka sakaling isukli pa nito ang kaniyang puso.

Baka sakaling maramdaman din niya ang presensya ko.

Baka sakaling gawin niya din akong kaniyang mundo.

Baka sakaling.. mahalin niya rin ako.

Bawat SalitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon