Ang nananalaytay na tanong sa karamihan ngayon ay kung kapalit-palit ba sila. Lagi nilang natatanong sa kanilang sarili kung bakit lagi na lamang sila naiiwan o kaya naman ay lagi na lang silang may kahati. At ang nagiging dulot ng mga ito ay natatakot na silang magmahal at sumugal sa mga taong handa silang mahalin.
Sa una, mararamdaman mo talaga 'yon. 'Yong pakiramdam na kamahal-mahal ka pala pero kapag nagtagal na, masasabi mo na lang na kapalit-palit ka pala.
May kulang ba?
Normal lang na iyan ang tanungin ko habang nag-iisip ng mga dahilan kung bakit mo ako pinalitan. Kung pwede lang na sumugal ulit ay gagawin ko pero bakit mo naman ako agad sinukuan? At ang mas hindi katanggap-tanggap pa sa bagay na iyon ay sinukuan mo na nga, iniwan mo pang bigla at nawala ka nang parang bula.
Nagsisimula pa lamang tayo pero natapos na agad. At noong magsisimula pa lamang ako sa proseso na kung saan kailangan kitang kalimutan, doon ko pa makikita na may kasama kang iba.
Bakit ang saya-saya mo noong siya ang kasama mo?
Hindi mo ba deserve na makasama ako o hindi ko deserve na makasama ka? Alam ko sa sarili ko na mas kaya kitang pasayahin, o kaya'y mas kaya pa kitang mahalin. Pero kung ikaw siguro ang papipiliin, mas gugustuhin mong maiba na lamang ang ihip ng hangin.
Mas pipiliin mo nga naman kasi siya kaysa sa akin.
Mas pipiliin mo siya dahil mas nakakapagpasaya, at mas nakakangiti ka kapag kasama mo siya. Wala na ang nararamdaman natin dati para sa isa't isa. Wala na ang bulto ng damdamin na bumabalot sa katawan mo, wala na ang kislap ng iyong mga mata at wala na ang pagmamahal sa puso mo. Tila nawala na lang ang lahat. Gumising na lamang ako isang araw na may iba nang nanalaytay sa dugo mo, at iba na ang direksyon ng buhay mo.
Papunta ka na sa kanya at unti-unti ka nang lumalayo mula sa akin. Gusto kong hatakin ka pabalik, gusto kong manatili ka pa sa aking tabi, gusto kong huwag ka na lang umalis. Pero sa mga araw na nakasama kita, isang bagay ang talagang tumatak sa isipan ko:
Hinding-hindi mo maipipilit ang pag-ibig.
BINABASA MO ANG
Bawat Salita
PoetryIsang komposisyon na naglalaman ng mga tagalog na tula, sanaysay at iba pang naglalarong kataga sa aking isipan. Mga katagang may bahid ng sakit, mga katagang hindi ko kayang sabihin sa kanya. Nakakalungkot isipin na... dinadaan ko lang ito sa bawa...