Madalas, ang tumutulak sa'yo sa paggawa ng isang bagay ay kapag nalaman mo na ang kinahinatnan ng una mong mga desisyon. Sa pagkakataong ito, lubos akong nagsisisi. Nagsisisi sa lahat ng mga pinagpaliban kong oras. Nagsisisi ako sa sa mga oras na tila ang paghinga ko lamang ang mahalaga. Hindi ko iniisip na mabuhay. Humihinga ako, tila walang pangamba, ngunit sa kabila ng lahat ng ito'y hindi pa rin pala ako nasisiyahan sa aking buhay. Nabubuhay ba talaga ako? Tila kasi isang ilusyon lamang ang lahat ng ito.
Lingid sa aking isipan, noong sinimulan pala akong isilang, unti-unti na rin palang namamatay ang pagkatao ko. Mula sa mga insulto, mga pagkabigo, ultimo mga kasiyahan na nangyayari at napapalampas. Na kahit na tumatawa, lumuluha, nagagalit, o nangangamba man, hindi pa rin pala ako ganap na tao. Sapagkat hindi ko pa nagagawa ang lahat. Kung may gawin man, hindi pa rin ito sapat. Kung sapat man para sa akin, para sa iba, hindi. Na kahit kuntento na ako sa aking sarili, para sa iba ay kulang pa rin.
Gusto kong mabuhay nang walang inaabot na linya. Na sa huli'y hindi pa rin ako magsisisi. Na kahit madami akong kakumpitensya, hindi ko mararamdaman ang pagiging maliit. Na kahit hindi ako sapat, magiging sapat na ako para sa aking sarili. Na kahit ano man ang mangyari, hindi ko na kailangan pang mag-isip ng paraan para tumaas ulit. Gusto kong may maabot dahil ginusto ko ito para sa aking sariling kahihinatnan, hindi dahil gusto ito ng iba para sa akin.
Ngunit sa ikot ng ating buhay, alam kong malabo iyong mangyari.
BINABASA MO ANG
Bawat Salita
PoetryIsang komposisyon na naglalaman ng mga tagalog na tula, sanaysay at iba pang naglalarong kataga sa aking isipan. Mga katagang may bahid ng sakit, mga katagang hindi ko kayang sabihin sa kanya. Nakakalungkot isipin na... dinadaan ko lang ito sa bawa...