Kataga

48 2 0
                                    

"Yon yung nararamdaman ko. Nararamdaman kong ayaw mo na. Kaya mas mabuti pang sabihin mong maghiwalay na tayo kaysa ipagpilitan pa natin ang mga bagay na hindi na magtutugma pa."

Sa totoo lang, ilang beses ko nang narinig itong katagang 'to, na kahit anong paliwanag ko'y hindi mo pa rin ako papakinggan. Na kahit ipinapadama at sinasabi ko 'yong mga katagang gusto kong sabihin, mas pinapaniwalaan mo ang iyong emosyon, ang iyong sarili, ang iyong perspektibo.

Sinusubukan kong intindihin ang mga dahilan mo, sinusubukan kong manatili kahit ikaw na mismo ang bumibitaw sa lubid na pilit kong hinihila, sinusubukan kong panghawakan ang mga pangarap na sinabi mo kahit sa bawat paglipas ng araw ay unti-unti na itong naglalaho na para bang isang ilaw na tuluyan nang napundi.

Sinusubukan kong paniwalaan ang mga kataga na iniwan mo para sa atin. Para sa akin. Ngunit sa buhangin mo ito inilathala at unti-unti nang nadadala ng mga alon ang iyong mga salita. Sa bawat hampas ng alon ay nasisira ang pundasyon ng mga pangarap at relasyon na binuo natin, ang iba'y inililipad na lamang ng hangin patungo sa isang lugar na walang kasiguraduhan, ang iba naman ay natatapakan na lamang at tuluyan nang nababalewala.

Gamit ang aking dalawang mata, nakita ko kung paano tayo nasira. Nakita ko kung paano tayo gumuho. Nakita ko kung paano tayo dinala ng hangin sa magkabilang direksyon, nakita ko kung paano tayo tinangay ng mga alon sa magkaibang isla.

Nakita ko kung paano na naman tayo nagkahiwalay.

Bawat SalitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon