Magkaibang Tadhana

41 2 0
                                    

Sa pagkakataong mababasa mo siguro ito'y wala na tayo. Siguro kasama mo na siya't masaya na kayong dalawa dahil kapiling niyo ang isa't isa.

Nakakalungkot. Nakakalungkot dahil sa pagkakataon na ito'y umaasa pa rin ako na sana'y ako siya.

Sana'y ako ang iyong kayakap. Sana'y ako ang iyong kausap. Sana'y ikaw ang aking kapiling. Sana'y ako ang iyong pinili.

Sana ako na lang.

Hindi ko alam kung pinaglalaruan ba ako ng tadhana o sadyang ito talaga ang nakaatas na mangyari sa akin. Siguro nga'y hindi tayo natututo kapag hindi tayo nasasaktan. Hindi tayo nagtatanda kapag hindi tayo nadadapa o kaya'y kapag hindi tayo natutumba.

Sa mga panahong ito, natuto akong bumangon. Natuto akong maglakad ulit nang hindi ka kasama. Na hindi mo ako inaalalayan o ginagabayan pa sa mga desisyon ko. Alam ko na sa puntong ito na dumaan ka lang sa buhay ko at hindi ka nakatadhana para manatili.

Ngunit, may nananatili ba talaga? May nananatili pa bang mga tao sa ating piling ngayon? Tingin ko'y wala na. Sa dami ng mga pinagpipilian sa mundong ito, tingin ko'y mas pipiliin pa ng iba ang mas magandang opsyon kaysa sa akin.

Nabago nito ang perspektibo ko dahil kung naiwan na ako nang isang beses, marahil maulit ito sa parehong dahilan. Baka hindi ako kamahal-mahal. O kaya'y mahirap ako pagtiisan. O baka naman sadyang nakatadhana akong mamuhay na lamang mag-isa.

Malabo. Malabo lahat ng bagay para sa akin. Bakit kailangan magmahal kung hindi ka naman mamahalin pabalik? Bakit kailangan mo manatili kung iiwan ka rin naman sa huli? Bakit kailangan mong mag-alala kung wala naman siyang pake sa presensya mo? Ganon ba talaga ang buhay? Lagi ka dapat nakadepende sa iba kahit magkaiba kayo ng nilalakaran na tadhana?

Bawat SalitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon