Ihip ng Hangin

60 2 0
                                    

Tuwing tinititigan kita, hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Kung saya ba dahil nakakasama kita kahit saglit, o lungkot dahil ang lahat ng kasiyahan ko ay may kapalit.

Bawat pagkurap mo, bawat paghinga't bawat pagsilay ng mga ngiti sa iyong labi. Tila lahat ay kabisado ko na dahil sa pagmamasid ko sa iyong mga galaw. Lahat ng kilos mo'y sadyang nakakasilaw na kapag yata'y tiningnan ko nang matagal ay para na lamang akong matutunaw.

Napapako ako sa aking kinatatayuan tuwing nakikita kong dumadaan ka sa aking harapan. Kulang na lang ay makalimutan ko ang sarili kong pangalan dahil sa pagkawala ko sa aking katinuan tuwing ikaw ay aking nasisilayan.

Hindi mo ba napapansin na lagi akong nakatingin?

Nakatingin ako sa isang bituin sa langit na kahit anong gawin na pag-abot ay sadyang hindi ako pinagbibigyan ng pagkakataon. Kahit anong tibok ng puso ko, bumagal man o bumilis, ay walang epekto dahil hindi ako makarating sa puntong nakikita mo manlang sa gilid ng iyong mga mata. Ni hindi mo maramdaman ang paghinga kong bumibilis dahil sa iyong mga kilos at salita.

Wala.

Wala ng pag-asa.

Dahil kahit anong tingin ko, kahit anong gawin kong pagpaparamdam na ikaw ay aking gusto, wala ng mangyayari dahil naunahan na niya ako. Kitang-kita ko ang mga mata mong kumikislap kapag siya'y nandiyan. Ang mga mata ko ay nakatingin sayo, pero ang mga mata mo naman ay nakatingin sa iba. Nakakatawa, hindi ba? Nakakatawa't umaasa tayong dalawa sa taong kahit anong gawin mo'y walang pakialam sa pagkatao mo. Isa ka lamang hangin na kahit dumadaan ka na sa harapan nila, kahit gaano ka man kalakas o kahina, hindi ka pa rin nila nakikita.

Pero nandito naman ako. Gusto kong sabihin na nandito naman ako, pwede mo akong pagtuunan ng pansin kahit isang minuto lang, o kahit isang segundo man lang. Damhin mo naman ako, kahit na hindi mo ako nakikita, gaya ng hangin sa isang maaliwalas na panahon.

 Iyon lamang ang hinihingi ko.


Bawat SalitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon