Pagkatapos mabasag ang salamin mo para sa iyong mga mata, alam mong kailangan mo nang magpagawa ng bago. Ang labo ng paligid. Ang daming mga bagay na naging malabo para sa'yo dahil sa salamin mong nabasag. Bawat kaibigan mo'y binibiro ka at tinatanong kung nakakakita ka pa ba. Natatawa ka sa iyong isipan dahil hindi ka naman bulag. Malabo lang ang lahat ng bagay na nahahagip ng iyong mga mata.
Mas mabuti nga sanang bulag na lang kaysa nakakakita nga, malabo naman. Para bang niloloko mo ang sarili mo sa mga bagay na dapat mong makita pero nagbubulagbulagan ka lamang. Kahit nakakakita ka, hindi mo pa rin malaman ang mga maliliit na detalye na importante pala. Kahit nakakakita ka, wala pa ring kasiguraduhan. Kahit nakakakita ka, ka'y hirap paring maglakad paabante.
Bawat pagkurap mo, isang malabo na mundo pa rin ang sumasalubong sa'yo. Bawat paghakbang ay hindi sigurado sapagkat alam mong kahit anong oras ay maaari kang masugatan. Bawat paggalaw ay limitado dahil nag-aalangan ka sa bawat hakbang at daan na iyong tinatahak. Alam mong kailangan mo na ng salamin para makakita kang muli. Isinuot mo ang bago at tuluyang nanibago ang paningin mo.
Nakita mo na ang kabuuan ng mundo. Ang mga kulay na kay sarap tingnan kahit saan ka lumingon, ang mga emosyon ng tao na nasa paligid mo, ang kadiliman na nasa isang sulok lang pala na handa kang lamunin anumang pagkakataon. Nakikita mo na ang lahat.
Napaisip ka.
Ano ba talaga ang mas mabuti? Nakakakita kahit nasasaktan, nagbubulagbulagan kahit naguguluhan, o tuluyang maging bulag sa realidad at pagkakataon?
"Kailangan ko ba talaga ng salamin o hindi?" Napatanong ka sa iyong sarili. Gusto mong makakita ulit. Gusto mong maliwanagan muli. Ngunit habang tuluyan kang naliliwanagan, patuloy ka rin na nasasaktan.
Nasasaktan sa realidad na sana'y hindi na magpatuloy pa.
BINABASA MO ANG
Bawat Salita
PoetryIsang komposisyon na naglalaman ng mga tagalog na tula, sanaysay at iba pang naglalarong kataga sa aking isipan. Mga katagang may bahid ng sakit, mga katagang hindi ko kayang sabihin sa kanya. Nakakalungkot isipin na... dinadaan ko lang ito sa bawa...