Kasal-Kasalan

1.7K 80 27
                                    

"Kapag hindi s'ya ang groom, ayoko nang maglaro!" maktol ko habang hawak ang kamay ni Trey. Hindi ko na din napigilan ang ipadyak ang paa ko.

Ngumuso si Ate Casey. "Pero s'ya na ang groom ni Dara kanina! Si Calix naman" malambing na sabi n'ya. "Best man na si Trey ngayon. 'Di ba, Trey?"

Inis na itinapon ko ang bungkos ng bulaklak na ginawa nila. Nahuli ako ng dating dahil pinulbuhan pa ako ni Nanay ng likod at sinapinan ng bimpo. Tinawag pa ako ni Nana Alice para magmeryenda. Hindi ako nakasabay sa iba sa pagpunta sa burol. Nang makarating ako ay tapos na ang kasal-kasalan nila Dara at Trey.

Nagyayang maglaro ng kasal-kasalan si Ate Casey dahil natutuwa s'ya sa Barbie movie na napanood n'ya na kasal ang ending. Nagpatulong pa s'ya kay Nanay na gumawa ng bungkos ng bulaklak at koronang bulaklak. Pati si Kuya Nexus ay pinilit n'ya pa na tumugtog ng gitara habang naglalakas daw ang bride sa aisle na sinabuyan n'ya pa ng petals.

Hindi ko alam kung bakit nakisama ang lahat sa kanya. Pati si Ate Sarah ay tumulong na mag-ayos ng lake side para sa kasal-kasalan na pakulo ni Ate Casey.

Mabait naman si Ate Casey, minsan nga lang naiinis ako sa kanya dahil pakiramdam n'ya ay s'ya ang prinsesa ng mga Vergara. Naartehan ako sa kanya dahil prinsesang-prinsesa ang mga kilos n'ya.

"Si Fye nalang, Casey" sabi ni Kuya.

Umirap nalang ako at umalis na. Ayoko naman talagang makipaglaro sa kanila ng gan'on. Ang baduy! Nagsasayang lang sila ng oras at mga bulaklak. Minsan na nga lang mag-bakasyon, gan'on pa ang naiisip gawin ni Ate Casey. Ang boring n'ya.

"Hoy, Ram! Bang-sak tayo!" yaya ko sa kapatid ko nang makita na nakatambay lang s'ya sa harap ng bahay.

Sumimangot s'ya "Magagalit nga si Nanay, Ate. Mabibinat ako"

Napaismid nalang ako. Naligo kasi kami sa ulan n'ong isang araw at sinipon si Ram. Napagalitan kami ni Tatay dahil d'on. Nautusan pa si Kuya na magpaligo ng sampung baka bilang parusa. Ako naman ay pinatulong sa pamimitas ng mga mangga.

Bumalik nalang ako sa bahay para hanapin si Nanay. Nakita ko s'ya sa kusina na naghihiwa ng mga gulay. Kasama n'ya si Tita Ali, Tita Maine, Tita Fallon, Tita Mira at Tita Courtney.

"Akala ko maglalaro kayo sa lawa?" kunot ang noo na tanong n'ya.

Sumimangot ako. "Ang pangit naman po ng laro na naisip ni ate Casey. Boring"

Tumaas ang kilay ni Nanay. "Ano ba'ng nilalaro nila?"

"Kasal-kasalan daw po" matabang na sabi ko at naghanap nalang ng makakain sa ref.

"Kila Candy ka nalang makipaglaro" suhestyon ni Tita Ali na may malokong ngiti sa labi.

"Saan po sila? At ano po ang nilalaro nila?" tanong ko matapos kumagat sa apple.

Kinuha ni Tita Court ang mansanas sakin saka hinugasan bago binalik sakin. Nag-thank you nalang ako kahit na sa tingin ko ay hindi naman na kailangan ang ginawa n'ya. Kaya siguro maarte si Ate Casey, ang arte kasi ng nanay n'ya.

"Sa kwarto ni Candy. Naglalaro sila ng Barbie" nakangising sagot ni Tita Ali.

Napangiwi ako. "Ayoko po"

Humalakhak si Tita Ali. "Cleo, tiboom yata 'tong anak mo"

Hindi nalang ako kumibo. Alangan naman sabihin ko na walang kwenta kasi 'yong maglaro ng Barbie?

"Kay Tiana at Tricia ka nalang makipaglaro, Marron" sabi ni Tita Mira. "Nasa may garden sila. Nand'on din ang Kuya mo"

"Hindi nalang po. Nose bleed po 'yong mga anak n'yo e" natatawang sabi ko.

RoyalsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon