Halos nasa kalahati na sa ginuguhit niya si Daniel ng magpasya siyang punitin ang nasa harap na pahina ng sketch pad, kinuyom sa palad at saka itinapon sa basura.
Sinusubukan niyang gumuhit o lumikha ng mukha ng isang tao sa isip niya ngunit nahihirapan siya.
Hanggang ngayon ay hirap parin siyang gumuhit na gamit lamang ang kanyang imahinasyon.
Kailangang mayroon siyang ginagaya o kahit papaano ay nasa harapan niya ang taong ito.
Kaya niya namang gumuhit ng mga bagay katulad ng bahay, tanawin o hayop gamit ang imahinasyon niya o kahit wala siyang ginagaya pero hirap na hirap siyang lumikha ng mukha ng tao hanggat hindi niya ito ginagaya o may larawan siyang kailangang sundan.
Pamilya sila ng mga magagaling na artists pero ito talaga ang kahinaan niya.
Hindi rin nakakatulong na minsan ay parang lagi siyang nanghihina at pakiramdam niya ay lagi siyang pagod kaya kadalasan ay nawawala ang concentration niya sa ginuguhit.
Limang taong gulang pa lamang siya ay madalas na siyang nakakaramdam ng pagkahina at parang lagi siyang pagod kaya medyo nahihirapan siya pero kadalasan ay nababawi din naman niya.
Siguro may mga tao talagang ganun.
Kahit anong gawin ata niya ay hindi niya magagaya ang lolo niya.
Malapit na siyang grumaduate ng elementarya.
Ilang taon na ding nakatira ang pamilya nila Daniel sa bahay nila sa Mandaluyong.
Nakatira kasi sila sa family house nila na pagmamay-ari ng lolo nila.
Hindi siya makapaniwala na kailangan nilang lumipat sa probinsiya kung saan galing ang papa niya.
Bakit sa dinami dami ng lugar sa Pilipinas ay sa liblib na lugar pa sila mapupunta.
Purong ilokano kasi ang papa ni Daniel.
Kahit hindi pa sila nakakapunta sa Abra ay tinuruan silang dalawa ng nakababata niyang kapatid na si Clarise ng papa nila na mag-ilokano.
Kung pagpipiliin siya ay hindi niya sana gustong pumunta sa probinsiya.
Kahit anong pagtutol naman niya ay wala na siyang magagawa lalo pa at nakapagpatayo na doon ng bahay nila ang papa niya at hindi talaga pabor sa papa niya na tumira sila sa bahay ng Lolo Ben nila, sadyang wala lang silang choice kaya nagpursige itong makapagpatayo ng sarili nilang bahay.
Noon pa man ay hindi na gusto ng Lolo Ben nila ang papa niya.
Mas gusto kasi nito na sana ay nakapag-asawa ang babaeng anak niya ng isang mayaman o kaparehas ng estado ng buhay nila kaya nga pinag-aral ng lolo nila ang dalawang anak sa Australia.
Parehas na pinag-aral ng Lolo Ben niya ang mama at uncle niya sa isang sikat na Art School sa Australia ngunit parehas na sumuway ang mga ito sa gusto ng tatay nila.
Ginusto ng mama niya na maging guro at naging Architect naman sa Australia ang uncle niya.
Ayon sa kwento ay galit na galit daw ang matanda sa magkapatid ngunit dahil na din sa pamimilit ng asawa nito ay napatawad din sila.
Mas matindi ang galit nito sa mama ni Daniel dahil kahit papaano daw ay nagagamit ng uncle niya ang talento nito sa nakuhang kurso.
Mas lalong nadagdagan ang galit ng matanda ng malaman na magpapakasal ito sa isang simpleng manggagawa.
Nagkakilala ang mama at papa niya ng pumunta ang mama niya sa Abra para sa seminar na pinanguluhan ng mama niya.
Naging professor ng kilalang unibersidad ang mama niya at nagkaroon ng mission seminar sa mga probinsiya katulad ng Abra.
Ang papa niya naman noon ay isang Substitute Teacher sa eskwelahang pinuntahan ng mama niya.
Isang Computer Technician ang papa niya at paminsan minsan ay substitute teacher din ito kaya doon sila nagkakailala at nagkagusto sa isa't-isa.
Nagpakasal ang mga ito sa huwes sa Abra kahit anong tutol ng lolo nila.
Kahit kasal na at ipinanganak na silang magkapatid ay hindi parin tanggap ng lolo nila ang papa nila kaya minsan ay sa tatay nila sila umuuwi dahil may maliit na apartment na inuupahan ito malapit sa puwesto ng shop nito.
Nakaahon lang sila dahil nagsumikap ang papa niya na magpatayo ng business sa Maynila sa pagbebenta at pagaayos ng mga gadgets hanggang sa naging malaking pwesto na ito dahil agad namang pumatok.
Dahil hindi tanggap ng Lolo Ben niya ang papa niya ay hindi ito tumitira sa kanila.
Para sa Lolo Ben niya ay malaking disappointment ang mama niya hindi katulad ng uncle niya.
Kaya nagpasya si Daniel na gagawin ang lahat upang paboran siya ng Lolo Ben nila na gumana naman ng ilang taon.
Hindi man siya sobrang magaling sa pagguhit at pagpinta ay sinubukan niyang pagtuonan ito ng pansin bunga na din ng pamimilit ng mama niya.
Gusto kasi ng mama niya na itama ni Daniel ang mga mali na nagawa nito.
"Ano bang ginagawa mo kasi?! Nagpapatalo ka pa sa pinsan mo! Ayusin mo yang mga drawings mo para maging proud sayo ang lolo mo!"
Ito ang laging bilin sa kanya ng mama niya.
Ang naging dating sa mama niya ay isang kakompitensiya ang pinsan niyang si Jadiel.
Kaya kahit mas hilig niyang kumanta, gumawa ng kanta o magsulat ng tula ay mas pinaguukulan niya ang pagguhit upang hindi magalit sa kanya ang lolo niya.
Balak ding kumuha ng Architecture ni Daniel na katulad din ng uncle niya.
Kahit na sa kanila ipinamana ang bahay at lupa na siyang Family House nila sa Mandaluyong ay mas gusto parin ng papa nila na makaalis na doon at magkaroon ng sariling tirahan sa probinsiya kung saan naroon din ang lolo at lola niya na magulang ng papa niya.
Sa kabila ng kagustuhan ng papa niya ay masama parin sa loob ni Daniel na umalis ng Maynila at manirahan sa probinsya.
Lalong lalo na at kalapit ng bahay nila ang babaeng gusto niya magmula pa pagkabata.
Si Laiza Tigoy.
Mas matanda ito ng dalawang taon sa kanya.
Kaibigan ito ng pinsan niyang si Hannah, kapatid ni Jadiel.
Kahit na mas matanda ito sa kanya ay wala siyang pakialam.
Matagal na siyang may gusto dito.
Lagi niya itong inaabangan at sinisilip sa may bintana sa kwarto niya kapag dumadaan ito pauwi sa kanila.
Nagsimula iyon nung namatay ang Lola Rosita niya.
Limang taong gulang pa siya noon at pitong taong gulang naman si Laiza.
Sobrang nalungkot siya dahil mahal na mahal niya ang lola niya.
Masyado kasing strikto ang Lolo Ben niya at kapag pinaparusahan siya kapag nagkakamali siya sa mga ginuguhit niya ay ang Lola Rosita niya ang laging nagpapatahan sa kanya at gumagabay.
Halos wala siyang nagiging kaibigan dahil imbes na makipaglaro ay kasama niya lagi sa Art Studio ang lolo niya.
Nang malaman niyang wala na ang Lola Rosita niya ay tumakbo siya papunta ng playground ng subdivision nila at nang makaramdam ng pagod ay nagpunta siya doon sa sulok kung saan walang tao at nag-iiyak.
Natigilan siya nang may nag-abot ng pink na panyo sa harapan niya.
Inangat niya ang mukha at nakita niya ang batang mas matanda sa kanya, nakasuot ng pink Mickey mouse headband at pink na damit at abot hanggang tenga ang ngiti nito.
Nang hindi niya kinuha ang inaabot nitong panyo ay pinunasan nito ang luha sa mga mata niya.
Natigilan ang batang si Daniel sa ginawa nito.
"Wag ka ng umiyak. Hindi bagay sa mga lalaki ang umiiyak. Sige ka, hindi ka na cute niyan." sabi nito sa malambing at matinis na boses.
Nagpakawala ang batang si Daniel ng pilit na ngiti.
"Ganyan! Cute ka naman pala kapag nakangiti ka eh! Wag ka ng iiyak ha? Para lagi kang cute!" masayang sabi nito.
Tumango lang ang paslit na si Daniel dito.
"Laiza Tigoy ang full name ko. Ikaw?" masaya nitong sabi.
"D-Daniel B-Barbosa.." nahihiyang sabi niya dito.
Magmula noon ay lagi na niyang pinagmamasdan ito.
Alam niya kung anong oras ito papasok at uuwi galing sa school at alam niya din kung kailan ito lalabas upang mag-bike.
Para sa musmos na puso ni Daniel, si Laiza ang prinsesa na nagligtas sa kanya sa kalungkutan niya.
Nung Grade 3 siya ay umuwi ang mga pinsan niya galing ng Australia.
Kung gaano kasungit sa kanya ang pinsan niyang si Jadiel ay kabaliktaran naman nito ang pinsan niyang si Hannah.
Dahil Christmas break na ay nasa Pilipinas ang mga ito, inenroll sila ng lolo nila sa isang Art Tutorial sa Mandaluyong.
Masayang-masaya siya ng malaman niyang kasali sa Art Tutorial na iyon si Laiza.
Magkaiba sila ng silid at magkaiba ng guro pero kahit ganun pa man ay masaya parin siya na sikretong tinitignan si Laiza.
Dahil laging umuuwi sa bansa ang mga pinsan at halos magkalapit lang sila ng bahay ay naging magkaibigan sina Hannah at Laiza.
Minsan ay iniimbitahan pa ito ng pinsan sa bahay nila.
Kapag nangyayari iyon ay nagtatago lang siya at sinisilip sila sa sala dahil nauuna ang hiya niya.
Lagi siyang nahuhuli ni Jadiel kapag ganun pero kukunot lang ang noo nito at saka tatalikod.
Hanggang dumating ang araw na pumunta ang mga ito sa silid kung saan sila gumuguhit ni Jadiel at ng iba pang mga bata.
"Impressive, Jadiel. Your drawings are very much alive." puri ng guro nila sa guhit ni Jadiel.
Imbes na mainggit ay pinagtuunang ayusin ni Daniel ang ginuguhit niya.
Pagkalabas ng guro nila ay may kumatok sa pinto.
Tumingin sila doon at iniluwa ang pinsan niyang si Hannah at si Laiza.
Yumuko si Daniel upang itago ang mukha niya.
Lumapit ang mga ito kay Jadiel.
"Wow!! Ang ganda naman ng drawing mo Jadiel!!" narinig niyang masayang sinambit ni Laiza.
Hindi naman ito pinansin ni Jadiel.
Ewan kung dahil tagalog iyon at hindi niya naintindihan o sadyang busy lang ito sa ginagawa.
Hindi niya alam pero para siyang nakaramdam ng pagkahilo.
Siguro ay dahil sa inis kaya nagpasya siyang punitin ang iginuhit at itinapon sa basura.
Napatingin ito sa kanya pero ngumiti lang ito at ni hindi siya nilapitan.
Magmula noon ay pansin niyang laging lumalapit si Hannah kay Jadiel at lagi itong pumapasok sa Art Room nila upang purihin ang mga gawa ng pinsan.
Sa kada taon at Christmas Break na may Art Tutorial sila ay laging nakikita ni Daniel si Laiza.
At dahil masyadong mahiyaing bata ay hindi naglalapit si Daniel kapag naglalaro ang mga ito.
Lagi siyang niyayaya ng pinsan niyang si Hannah pero kapag lumalapit naman siya ay itinataboy siya ni Jadiel.
Nalaman niya sa kapatid nito na si Hannah na may gusto din si Jadiel kay Laiza at patunay iyon dahil may nakita itong drawing sa kwarto ni Jadiel at mukha iyon ni Laiza na siyang iniregalo dito pagkauwi nila ng bansa.
Sobrang nanlumo si Daniel at doon pa lamang niya naramdaman ang inggit sa pinsan.
Wala naman kasi siyang panama dito dahil alam niyang dati pa ay may gusto na si Laiza kay Jadiel.
Laking pasasalamat niya ng pagdating nila ng Grade 5.
Hindi inakala ni Daniel na dahil sa basketball ay naging magkasundo nadin sila sa wakas ni Jadiel.
Kahit na kadalasan ay madali siyang mapagod ay mahilig parin sa basketball si Daniel.
Magmula ng araw na iyon ay nabago ang lahat.
Halos hindi mapaghiwalay ang dalawa.
Sa pagguhit man, sa paglalaro, sa pamamasyal, sa pagkain o kahit anuman ay hindi sila napaghihiwalay basta umuuwi ang mga ito sa bansa.
Kapag may nang-away sa isa ay ipagtatanggol ng isa pa.
Madalas napapaaway si Jadiel sa mga bata sa subdivision nila dahil mahilig itong humamon sa laro.
Totoo namang magaling talaga ito ngunit lagi silang napapaaway kapag hindi natatanggap ng kalaban nila ang pagkatalo.
Tama nga ang inakala niya na magiging magkasundo silang dalawa.
Malaking tulong na din na nakakaintindi na din itong magtagalog kahit hindi pa masyado at mahahalata mo paring may kasamang accent kung magsalita ito.
Kahit anong agam-agam o inggit ay hindi niya iniisip kahit mas pinapaboran ito ng Lolo Ben nila o kahit pa mas gusto ito ni Laiza.
Minsan dumating ang oras na napaaway sila sa mga bata sa Mandaluyong at nahilo pa nga siya dala nadin siguro ng sobrang init noon.
Umuwi sila ng bahay na puros gasgas at pasa kaya galit na galit ang mga magulang nila.
Pagkatapos bumalik sa Australia ang mga pinsan ay kinausap siya ng mama niya.
"Anak, puwede bang wag kang naglalalapit kay Jadiel masyado? Palagi ka lang napapahamak." sabi nito sa kanya.
Bilang panganay na anak, hindi naman siya pinagbabawalan ng ina ngunit maingat lamang ito.
Laging idadahilan lamang ni Daniel na mayroon din naman siyang mali minsan at pinagtatanggol din siya ni Jadiel na siyang totoo naman dahil kapalit ng lola niya, si Jadiel na ngayon ang tagapagtanggol niya sa lolo nila.
![](https://img.wattpad.com/cover/115172379-288-k717059.jpg)
BINABASA MO ANG
The Non-Existent Me (COMPLETED)
RomanceSabi ng iba, sa ugali ka daw tumingin hindi sa itsura. Bonus na daw kung may nagmahal sayo na mabait na, gwapo pa. Ngunit para sa probinsiyanang kagaya ni Sahania ay panaginip lang na may lalaking gwapo na at mabait pa. Kung gwapo man, manloloko n...