Chapter 3

3.7K 61 0
                                    

Samantha

by; Zaiffer

Kinabukasan dahil walang pasok si Sam at tulad na rin ng kaniyang sinabi sa dalawa ng nagdaang araw isinama niya ito upang lumabas. Maaga pa lang ay pinag ayos na niya ang dalawa. Inalok din niya si Lolo Tonio ngunit tumanggi ang matanda sa kadahilanang marami pa siyang kukuhaing mga bulaklak.

Sa likuran ng malaking bahay ay may taniman ng mga bulaklak ang pamilya, dati ay kakaunti lang itong mamulaklak ngunit ng dumating si Lolo Tonio at ito ang nag alaga ay dumami ang mga bulaklak. Iba't ibang uri ng mga rosas ang makikita doon, may mga naggagandang orchids din at kung ano ano pa.

Hindi napilit ng dalaga ang matanda kaya tinanong na lamang niya ito kung ano ang gustong ipabili.

Nang matapos na ang dalawa sa pag aayos ng sarili ay bumaba na ang mga ito at hinanap si Sam. Nakasunod lamang si Alice sa batang si Mickey. Nang matagpuan na nila ay saka pa lamang umalis ang dalaga sa harapan ng matanda.

Nagtuloy-tuloy na ang mga ito sa sasakyan, habang nasa byahe ay walang tigil sa pagsasalita ang batang si Mickey na ikinawili naman nilang lahat. May pakanta-kanta pa itong nalalaman na sinasabayan pa ni Sam.

Pagkarating nila sa kanilang pupuntahan ay masayang bumaba ng sasakyan ang tatlo ay nagsimulang libotin ang buong mall. Tumigil lang sila ng makaramdam ng pagod, nagpahinga sila sa isang kainan. Ang Jollibee, ito ang paboritong kainan ni Sam.

"Alam n'yo ba na ito ang mas gusto ko sa lahat ng fastfood dito. Bukod sa masarap malinamnam pa, parang kwik-kwik at kikiam sa kanto paborito ko rin iyon." masayang saad nito habang nakatingin sa mga pagkaing nasa harapan nila.

Napatitig naman ang dalagang si Alice, humanga ito sa dalaga. Bukod tangi ito sa lahat ng kaniyang nakita at nakasalamuha sa kalye. Muling sumagi sa kaniyang isipan ang mga tagpo noong nasa kalye pa siya. Sa tuwing mamalimos siya o humingi ng kahit peso man lamang ay agad siyang pinagtatabuyan ng nakakakita sa kaniya mayaman man o mahirap. Daig pa niya ang may nakakahawang sakit kung ituring ng lipunan.

Napansin naman ni Sam ang pananahimik ni Alice.

"Alice, may problema ba? Ayaw mo ba ng pagkain? Gusto mo ipili kita ng iba."

"Ay naku hindi po, masarap po ang mga pagkain may naiisip lang po ako." tugon naman ni Alice.

"Ayan ka na naman, may po na namang kasama. Feeling ko tuloy ang tanda ko na!"

"Nakakahiya po kasi!" biglang nagyuko ng ulo ang dalagang si Alice.

"Bakit ka naman nahihiya? Huwag mo ng isipin kung ano man ang gumugulo sa isipan mo, ang isipin mo ito ang pangalawa mong buhay." saad ni Sam.

Patuloy lang naman ang batang si Mickey sa pagnguya ng kinakaing spaghetti. Masayang pinagmamasdan ito ni Sam.

"Hmmm, kung hindi mo mamasamain may gusto lang akong malaman. Paano ka napunta sa lansangan?" malumanay na tanong ng dalaga.

Muli ay nagyuko ng ulo si Alice, pinipigilan ang napipintong pagtulo ng kaniyang luha.

"Sa probinsya ako nakatira, iniwan kami ng aking ina noong ako ay sampung taong gulang pa lamang... paunang salita nito, tumigil ito sandali at napatitig sa mukha ni Sam. "Mag isa akong binuhay ng aking ama, nakita ko kung paano maghirap si itay noon kaya naipangako ko sa sarili ko na hindi ko tutularan ang aking inay. Nang nasa ikaapat na taon na ako sa sekondarya ay namatay ang aking ama. Doon naghirap ang aking buhay, inangkin ng gahaman kong tiyahin ang aming titinirhan. Sinabi nila na sa kanila daw iyon, pinahirapan nila ako ginawang alila. Hindi ko na natapos ang aking pag aaral, hanggang sa ipinadala nila ako sa isang taga Manila na nagbakasyon sa amin. Sabi nila ay kailangan ko daw magtrabaho para sa kanila. Hindi ko alam na binayaran pala ako ng taong taga Manila, at pinagtrabaho nila ako sa kanilang bahay walang pahinga wala ding pagkain. Minsan kinukulong nila ako sa kulongan ng aso, wala akong magawa hanggang sa isang araw wala ang aking mga amo tumakas ako at nagpalaboy laboy sa lansangan." paliwanag ni Alice hindi nito napigilan ang pagdaloy ng luha, maging si Sam ay humihikbi na din, si Mickey naman ay itinigil ang ginagawang pagkain.

Naging malungkot ang mukha ng tatlo, si Mickey ay halos pareho lang ng nangyari sa ate Alice nya. Si Sam naman ay hindi maisip isip kung bakit may mga taong mga sakim, gahaman sa pera. Mga sarili lang ang kanilang iniisip. Hindi nila naisip na may mga tao silang nasasagasaan, mga taong naghihirap para sa ikagiginhawa ng kanilang buhay.

SAMANTHATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon