PROLOGUE

621 24 19
                                    

DISCLAIMER: Ang istorya na inyong mababasa ay isang kathang-isip lamang. Ang mga pangyayaring mailalahad sa kwentong ito ay mula lamang sa mga pinagtagpi-tagping impormasyon na aking nakuha sa pamamagitan ng pananaliksik, habang ang iba naman ay likha lamang ng aking malikot na imahinasyon. Salamat.

NICOLE

Nagising si Nicole na masakit at kumikirot ang ulo, walang maalala. Ang kanyang paningin ay nanlalabo pa dahil sa matinding pagkahilo dulot ng malakas na pagkaka-untog sa harapan ng sasakyan. Habang hinihimas ang gilid ng kanyang ulo ay dahan-dahan niyang inilibot sa paligid ang kanyang paningin. Tinignan niya ang kanyang kamay matapos mahawakan ang malapot na likido sa kanyang noo. Kulay pula ito. Dugo!

Lumingon si Nicole sa kanyang kaliwa at nakita sa driver seat ang kaibigan niyang si Chloe na duguan rin ang mukha dahil sa matinding pagtama ng ulo nito sa steering wheel.

Sa kanyang harapan naman ay isang napakalaking puno ng balete kung saan bumangga ang sinasakyan nilang van.

Yuping-yupi ang harapan ng sasakyan habang lumalabas ang makapal na usok mula sa nasirang makina nito. Sa sobrang kapal ng usok ay nagkalat na ito sa paligid kaya halos wala siyang matanaw sa labas ng sasakyan.

Basag naman ang buong windshield at iba pang bintana ng van at nagkalat ang mga bubog nito sa loob.

Kahit na kumikirot ang braso, pilit niya pa ring hinawakan ang balikat ng kanyang kaibigan at dahan-dahan itong niyugyog.

“Chloe... Chloe... Chloe?!” nanghihina niyang sinabi.

Hinintay niyang magbukas ang mga mata ni Chloe ngunit walang nangyari. Ipinatong ni Nicole ang dalawa niyang daliri sa pulso sa leeg ng kaibigan at pinakiramdaman itong mabuti.

“No... no... no! Fuck!” naiiyak niyang sigaw nang wala siyang maramdaman na kahit man lang mahinang tibok sa pulso ng kaibigan.

Napatingala na lamang si Nicole habang umiiyak ng tahimik dahil napagtanto niyang hindi niya na muling makakasama ang kaibigan na halos itinuring niya nang kapatid.

Bigla niya ring napagtanto na hindi lang silang dalawa ni Chloe ang nasa loob ng sasakyan kaya agad niyang nilingon sa likod ang dalawa pa nilang kasama sa biyahe na sina John at Mark.

Dahil sa biglaang pagkilos ay muli siyang nakaramdam ng matinding pagkahilo at sandaling nanlabo ang kanyang paningin. Nang lumipas ito ay dahan-dahan siyang kumilos.

Sa kanyang paglingon ay tanging si Mark lang ang kanyang nakita. Duguan rin ang mukha ni Mark, nakalabas ang ulo nito sa basag na bintana ng sasakyan. Nakadilat pa ang mga mata nito, wala ng buhay.

“No!” mahina niyang bulong habang pinipigilan ang pag-iyak. Sa puntong iyon ay naamoy niya na rin ang matapang na amoy mula sa tumatagas na gasolina ng van kaya dali-dali niyang tinanggal ang kanyang seat belt. Sa huling pagkakataon ay tinignan ni Nicole ang mukha ng kanyang kaibigang si Chloe.

“Goodbye.” pabulong niyang pamamaalam habang tumatagas ang luha mula sa kanyang mga mata.

Binuksan niya ang pinto ng sasakyan at dali-dali nang lumabas. Dahil sa pagmamadali ay bumagsak pa siya sa lupa at nang makabangon ay pa-ingka-ingka siyang naglakad papunta sa isa pang puno ng balete habang nakatakip ang isang kamay sa kanyang ilong dahil sa makapal na usok na bumabalot sa paligid. Doon ay umupo si Nicole, tinakpan ang kanyang tenga at naghintay hanggang sa sumabog na nga ang sasakyan.

Halos kalahating oras din siyang umiyak habang naka-sandal sa malapad na katawan ng balete. Nanumbalik sa kanyang ala-ala ang masasayang araw na kasa-kasama niya ang kaibigang si Chloe. Lahat ng kanyang mga pangarap na binuo kasama si Chloe ay biglang gumuho at naglaho sa mga oras na iyon.

Biringan: The Lost and Enchanted (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon