CHAPTER 23: Pulso

106 7 2
                                    

CAROLINA

Nagising si Carolina hindi pa man dumudungaw ang araw. Nagulat siya nang makita niya sa kanyang harapan ang isang anino. Nakatalikod ito sa bintana kung saan tumatagos ang liwanag ng buwan kaya hindi niya makita ang mukha nito. Nanlaki ang mga mata niya at napasigaw pa nang mapagtantong nakahawak pala ito sa kanyang kanang kamay.

“Mahal na reyna.” sabi ng babaeng babaylan na nagulat rin sa biglaan niyang pagsigaw.

Agad niya namang nakilala ang boses ni Florentina at medyo naliwanagan ng kandila ang mukha ng matandang babaylan nang medyo gumalaw ito sa kinatatayuan.

“Anong ginagawa mo! Bakit hawak-hawak mo ang aking kamay?” malakas na pagkakatanong niya.

“Paumanhin mahal na reyna, hindi ko po sinasadyang gulatin kayo. Nakita ko lamang na nakalaglag ang inyong kamay sa gilid ng kama kaya agad ko itong inayos.” pagdadahilan nito.

“Anong oras na?” tanong niya habang dahan-dahang umuupo mula sa pagkakahiga.

“Ika-tatlo pa lamang po ng umaga, mahal na reyna.” nakayuko nitong sagot.

“Nasaan si Jan? Hindi ba't pinatawag ko siya bago ako makatulog?”

“Nasa kabilang kuwarto—”

Bigla namang nagbukas ang pintuan at pumasok si Jan na medyo magulo pa ang buhok at kusot-kusot naman ang suot nitong damit.

“Anong nangyari? Ang akala ko'y nakarinig ako ng sigaw...” sabi ni Jan.

“Ako ang narinig mo. Nagulat lamang ako sa matandang ito. Ang akala ko kasi ay halimaw.” naka-ngisi niyang sagot. “Maaari ka munang lumabas Florentina.”

Tumango ang matanda, tumingin kay Jan at saka tahimik na lumabas. Agad namang lumapit si Jan sa kanyang kinahihigaan at naupo sa gilid ng kama.

“Bakit mo yun ginawa?” tanong ni Jan, nakatalikod ito sa kanya habang nakatingin sa sahig.

“Ang alin? Iyong nasabi ko kay Florentina?” naka-ngisi niyang tanong. “Nagbibiro lamang—”

“Yung ginawa mo kay Matilda.” madiing sinabi ni Jan.

“Parang nangyari na ito.” pabiro niyang sinabi. “Ohh... napag-usapan na nga pala namin ito ng aking kapatid.”

Tumawa siya ngunit tahimik lang si Jan. Binalewala siya.

“Anong pinag-usapan niyo ni Matilda para gawin mo ito sa iyong sarili?”

“Ahm... nagkataon lang naman na hindi lang pala ikaw ang nakarinig sa putok ng baril noong kasagsagan ng kaguluhan. Nagbanta siyang isisiwalat niya sa mga opisyal ng palasyo ang kanyang mga nalalaman.” sagot niya.

“Bakit niya naman gagawin iyon? At bakit ngayon lang?” tanong ni Jan.

“Hindi ko alam.” nakangisi niyang sagot kasabay ng pag-ikot ng kanyang mga mata. “Marahil gusto niya lang makuha ang aking puwesto bilang reyna ng bayang ito.”

“Yun lang ba ang dahilan kaya mo ito ginawa?” tanong ni Jan, binalewala ang kanyang pang-aasar. “Oh may mas malalim pang dahilan?”

“Malalim pa ang gabi Jan. Ang mabuti pa't matulog muna tayo.” nababagot niyang sinabi, binalewala ang tanong nito sa kanya. “Halika't tabihan mo ako di—”

Bago niya pa mahawakan ang balikat ni Jan, tumayo na ito at sinabing, “Itulog mo na lang ang natitirang oras bago tuluyang lumitaw ang araw. Ihahanda ko na ang iyong makakain.”

Biringan: The Lost and Enchanted (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon