CHAPTER 12: Ang Kaguluhan at Pagtakas

127 6 0
                                    

CHLOE

Nakapa ni Chloe ang susi mula sa bulsa ng babaeng nakabulagta sa sahig. Tumayo siya mula sa pagkakadapa at saka mabilis na ipinasok ang ninakaw na susi sa lock ng bakal na pintuan.

Dahil nanginginig ang mga kamay sa takot at matinding kaba, ilang beses niya pang nailaglag ang susi, pinulot niya ito at muling sinubukan na ipasok sa lock. Inikot niya ito at tuluyan na nga itong nagbukas.

Dali-daling hinila ni Chloe ang babaeng nakabulagta papasok sa loob ng selda at muling isinara ang pintuan. Dito, sinimulan niyang hubaran ang babae upang suotin ang mga damit nito. At nagulantang siya sa kanyang nakita.

May malaking peklat ito sa pagitan ng ilong at mga labi at agad niyang napagtanto na biktima ito ng kasamaan ni Carolina.

Patawarin mo ako ngunit kailangan kong gawin to.

Pumunit siya ng sapat na haba ng tela at ginamit itong pantali sa kamay at paa ng walang malay na babae at saka dumiretso na papalabas ng pintuan.

Nang makarating sa pintuan, huminto si Chloe at muling nilingon ang babae.

“Patawarin mo sana ako.” mahina niyang sinabi.

Lumabas si Chloe mula sa kanyang selda. Ang selda kung saan siya tumira at natulog ng nag-iisa sa loob ng tila mahabang panahon. Sa loob ng selda kung saan siya kamuntikan nang mawala sa katinuan, kung saan siya umiyak ng walang karamay hanggang sa muling nagkaroon ng lakas ng loob at pag-asa upang tumakas.

Kinuha niya sa sahig ang basket na dala-dala ng babae. Isa-isa niyang dinampot sa sahig ang mga natapon na tinapay at ibinalik ang mga ito sa basket.

Naglakad si Chloe sa corridor ng kulungan. Lumingon siya sa kaliwa't kanan ngunit wala siyang nakitang kawal.

Naluluha siya habang iniisip ang kaisa-isang babae na nagbigay muli sa kanya ng lakas at dahilan upang makatakas mula sa masalimuot niyang sitwasyon. Ang babaeng naglakas ng loob na siya'y lapitan at kausapin.

“Huwag kang mag-alala. Itatakas kita rito. Hindi ko hahayaang matulad ka sa akin.” bulong niya sa sarili.

Narating ni Chloe ang sumunod na selda. Kinatok niya ito at lumuhod upang ilagay sa harapan ng pintuan ang tinapay. At nag-abang.

Mula sa butas ay isang maruming kamay ng bilanggong babae ang biglaang dumakma sa tinapay na nakalapag sa sahig. Kasabay nito ay ang pagdakma rin ni Chloe sa kamay ng bilanggo. Mahigpit niya itong hinawakan.

Pilit itong nagpupumiglas kaya sinimulan niya na itong kausapin bago pa man ito sumigaw at makatawag-pansin ng mga alagad na nag-iikot sa kastilyo.

“Gusto mo bang makatakas?” bulong niya.

Matapos niyang sabihin ang mga katagang ito, naramdaman niya ang paghinahon ng nagpupumiglas na kamay ng babae.

“Anong ibig mong sabihin?” sabi ng babaeng Engkanto.

“Nasa akin ang susi ng lahat ng pintuan ng seldang ito. Pakakawalan kita ngunit sa isang kondisyon.”

“A-anong kondisyon? Ga-gagawin ko ang l-lahat, patakasin mo lamang ako mula sa madilim na seldang ito!” pagmamakaawa ng babae.

Binitawan ni Chloe ang kamay ng babae, tumayo at binuksan ang pintuan ng selda. Pagbukas niya ay agad-agad siyang niyakap ng umiiyak na babae. Dali-dali niya itong itinulak papasok muli sa loob ng selda at tinakpan ang bibig nito gamit ang kamay.

Shhhhh! Shhhhh! Makinig ka. Ito ang susi. Kailangan nating gumawa ng kaguluhan upang tuluyan tayong makatakas sa palasyong ito. Kailangan mo lamang buksan ang lahat ng pintuan ng selda. Naiintindihan mo?”

Biringan: The Lost and Enchanted (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon