CHAPTER 16.2: Shimmering Wall is Creeping

151 6 0
                                    

SOFIA

Pauwi na ng kanilang bahay si Sofia mula sa private school na kanyang pinapasukan, isang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay. Fourth Year na siya sa High School.

Kasalukuyan siyang nakasakay sa taxi habang nililibang ang kanyang sarili sa pagfe-Facebook sa kanyang Iphone. Halos kalahating minuto na kasing usad-pagong ang daloy ng trapiko sa kalsada.

Wala naman siyang ibang mapagtuunan ng pansin dahil kaliwa't kanan ay puro sasakyan lang ang nakikita niya.

Nasa gitna kasi ng tatlong linya ng mga sasakyan sa kalsada ang taxi na kanyang sinasakyan.

Matapos mabagot sa kanyang pagfe-Facebook ay nag-log-out na siya at tinignan ang oras: 5:12 PM.

Malapit nang magdilim.

My gosh! Lagot nanaman ako nito kay Dad!

Isang linggo ang nakakaraan nang mapagalitan siya ng kanyang daddy dahil 9PM na siyang nakauwi sa kanilang bahay.

Nagkayayaan kasi silang magkakaklase na pumunta sa mall sa kabila ng curfew na ipinatupad ng Mayor sa buong bayan.

Nagpunta sila sa Fun House upang maglaro, sa Books Store upang magbasa-basa ng mga libro at bumili na rin ng mga cute school accessories at nang magutom ay pumunta naman sa Food Court kung saan ilang oras rin silang nagkakulitan at nag-selfie habang kumakain.

Sa gitna ng kasiyahan ay hindi nila namalayan ang oras hanggang sa lapitan na sila ng isang guard at sinabing kailangan na nilang umuwi bago pa sila maabutan ng curfew. Tumingin sila sa paligid at dun lang nila napansin na sila na lamang ang natitirang estudyante sa loob ng mall kaya dali-dali rin silang umuwi.

Pagkauwi niya sa kanilang bahay, sinalubong agad siya ng sermon ng kanyang mga magulang. Nakatanggap rin siya ng pang-aasar mula sa kanyang nakababatang kapatid na si Kevin matapos sabihin ng kanyang Daddy na babawasan nito ang kanyang allowance upang hindi na siya makapag-lakwatsa.

Bwiset kasi 'tong mga taong 'to! Ang hilig nilang gumawa ng kwento! Biringan, Biringan, bwiset!

“Lecheng traffic 'to! Dito pa ata tayo aabutan ng pasko!” pasigaw na sinabi ng driver habang paulit-ulit at mabilis na pinipindot ang busina ng taxi.

Peeeeeeeep! Peeeeeeeeep!

Ibinaba ni Sofia ang bintana sa kanyang puwesto. Agad namang pumasok sa loob ng air-conditioned na taxi ang sari-saring ingay, usok at alikabok na nagmumula sa labas kaya agad niya rin itong isinara.

Eww!

Wala siyang nagawa kundi sumandal na lamang sa kanyang kinauupuan at muling binuksan ang kanyang cellphone upang mag-chat sa group chat na ginawa mismo ng kanyang mommy. Ginawa ito ng kanilang mommy para madaling mai-update at mabasa nilang magkapamilya ang aktibidad o emergency ng bawat isa.

Mom, dad andito na po ako sa highway. Sobrang traffic kaya baka late nanaman akong makauwi sa bahay. Chat niya.

Agad itong sineen ng kanyang kapatid na si Kevin habang nananatili namang offline ang kanyang mga magulang.

Weh? Naipit sa traffic o nasa galaan nanaman? Pang-asar na reply ng kapatid.

Hindi noh? -_- Gusto mo evidence? Chat niya at saka pinicturan ang harapan ng sasakyan at sinend ang photo.

See?

Nagreply lang ng Like ang kanyang kapatid.

Kainis!

Biringan: The Lost and Enchanted (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon