III

8.6K 182 4
                                    


PAGKAKITA ni Micah sa matalik na kaibigan ni Yojan na lumabas ng bangko ay kaagad siyang lumabas mula sa kotse niya. Humarang siya sa daraanan nito at tinitigan ito ng seryoso. Kaagad itong nahintakutan. Kaedad ito ni Yojan at naging kaklase simula pa noong first year college. Isa ito sa mga kaibigan ng kapatid na pinagkakatiwalaan niya dahil walang bisyo at masipag mag-aral. Sigurado siya na niloko siya nito kagabi ng mag-usap sila sa telepono.

"Ate Micah!" naglumikot ang mga mata nito. Pagkuwa'y inayos ang salamin sa mata na tila ba hindi malaman kung anong sasabihin. "Napadaan ka?"

Humalukipkip siya. "Hindi ako napadaan lang, Orly. Alam kong alam mo kung bakit ako nandito."

Tuluyan ng gumiti ang pawis sa noo ni Orly. "Si Yojan ba, ate? S-sinabi ko na sa'yo kagabi na..." tumikhim ito. "Hindi ko–"

"Alam mo kung nasaan si Yojan," putol niya sa iba pa nitong sasabihin. "At alam na alam mo rin kung paano ako magalit. Kaya halika na," hinawakan niya ang bag nito at hinila ito patungo sa kotse niya. "Pupuntahan natin kung saang lupalop man naroon ngayon ang kapatid ko. At habang papunta tayo r'on ay sasabihin mo sa akin kung anong klase ng babae ang..." ano nga bang pangalan 'yon? "Ano ngang pangalan n'on?" tanong niya kay Orly. Nang hindi ito sumagot ay tumigil siya at pinandilatan ito.

"Soraya, ate! Soraya!"

Nangalit na naman ang bagang niya pagkarinig sa pangalang iyon. Aywan ba niya subalit hindi talaga niya gusto ang pangalang iyon. Kakaiba ang tunog. "Whatever."

Binuksan ni Micah ang passenger's seat bago nagmamadaling lumipat sa driver's seat. Ngunit na-i-start na niya ang kotse at lahat ay hindi pa rin sumasakay si Orly. Tinitigan niya ito ng matalim. "Sakay na at baka abutin tayo ng dilim."

Ninenerbiyos na napalunok ito. "H-hindi ko rin alam kung saan ang lugar na 'yon ate. Hindi pa ako nakakarating. Narinig ko lang kay Yojan."

"Anong pangalan ng lugar?"

"Kanaway."

Kanaway? Bakit parang hindi pa niya narinig ang lugar na iyon? "Niloloko mo ba ako, Orly?"

Mas lalong napuno ng takot ang mukha nito. "Hindi, ate," halos matanggal ang ulo nito sa pag-iling. "Iyon ang sabi sa akin ni Yojan. Isa raw iyong community o parang village yata sa Benguet na pag-aari ng pamilya de Gala. Pamilya kung saan kabilang si Soraya. Basta malawak na lupain iyon at Kanaway nga ang tawag."

Halos lumuwa na ang mga mata ni Micah sa panlalaki niyon. "Be...Benguet?!" tila bigla siyang naliyo. Parang gusto na yata ng kapatid niya na mamatay na siya. Hindi pa sapat na lumayas ito at nakipagtanan. Sa malayong bahagi pa ng Pilipinas ito nagtungo!

"Ate, o-okay ka lang ba?"

"Mukha ba akong okay?!" pasinghal niyang tugon. Dumukwang siya ay pagigil na hinawakan sa mga balikat si Orly. Halos yugyugin na niya ito. "Paano nakilala ng kapatid ko ang..." nag-isip siya. Isang komunidad sa mountain province? " ang Igorota na 'yon? Igorota siya, tama ako? Tama ako, 'di ba?!"

Nawala na sa kaayusan ang salamin sa mata ni Orly. "Ate, huminahon ka."

"Hindi ako hihinahon hangga't hindi mo sinasabi sa'kin ang lahat! Saan, kailan at paano nakilala ni Yojan ang Igorota na 'yon?"

"Oo na! Sasabihin ko na lahat sa'yo bitawan mo lang ako dahil hilong hilo na ako..."

"LET me use my one week vacation na hindi ko nagamit last year plus my one week vacation this year."

Lumarawan ang labis na pagkamangha sa mukha ng boss ni Micah na si Miss Darcy. Hindi nakapagtataka. Sa loob ng sampung taon ng pagtatrabaho niya sa C&L Publication ay hindi siya minsan man bumanggit ng tungkol sa pagbabakasyon. Ni absent ay wala siya. Kahit nga may sakit siya ay pumapasok pa rin siya.

"Sure," sagot ni Miss Darcy ng makabawi. "I know you. Hindi mo gagawin ito kung wala kang matibay na rason. Just make sure na ibibilin mo sa team mo ang lahat ng kailangang gawin for the next two weeks."

"Of course, Ma'am. Thank you."

Tumango ito bago ipinagpatuloy na ang ginagawa. Kaagad naman siyang lumabas ng opisina nito. Naipagpasalamat niya na hindi na ito humingi pa ng ibang detalye.

Pagbalik sa opisina ay kaagad na nagpulasan ang mga editors at iba pang member ng team niya. Nagsipagbalik na mga ito sa kanya kanyang upuan. Naiiling na pumunta siya sa pinakaunahan.

"Listen everyone," pagkuha niya sa atensiyon ng lahat. Tumingin naman ang mga ito sa kanya. "I'll be gone for two weeks. Something urgent came up. Inaasahan ko na pagbubutihin n'yo sa loob ng dalawang linggo na wala ako. I'll work overtime today para maayos ko ang lahat ng dapat kong tapusin."

Sinumulan niyang ipagbilin ang mga kailangang gawin ng bawat isa. Nang makabalik siya sa sariling cubicle ay nilapitan siya ng isa sa mga editors na kaibigan niya. Pinagulong nito ang swivel chair patungo sa tabi niya.

"May gusto kang itanong, Neil?" hindi lumilingong tanong niya rito.

"Alam mo ba kung saan 'yong pupuntahan mo? At saka paano kung hindi nila ibalik sa'yo si Yojan?"

Nagpabuntong-hinga siya. Naikwento niya ang ilang detalye rito kagabi sa cellphone ng tawagan siya nito. Ito ang pinakamalapit sa kanya sa publishing house dahil halos magkasabay silang dumating at sila rin lamang ang nanatili pa rin.

"Bahala na. Basta't babawiin ko ang kapatid ko kahit na anong mangyari."

"Paano kung si Yojan mismo ang ayaw sumama sa'yo?"

"Kilala ko ang kapatid kong iyon. Kapag sinabi ko sinusunod niya," pinal na sabi niya.

Pero ayaw pa ring umalis ni Neil. "Paano kung..." napilitan si Micah na tumingin dito. Tumataas-taas ang kilay nito. "Alam mo na, nagtanan. Paano kung may nangyari na?"

Umawang ang mga labi ni Micah. Nagtunugan ang mga ngipin niya. "Hindi mangyayari ang iniisip mo! Kilala ko ang kapatid ko, hindi siya marunong ng ganoon!"

Sa lakas ng boses niya ay napatingin tuloy sa kanila ang iba.

"Oo na, sabi ko nga, eh. Good luck sa journey mo. Balitaan mo ako ha?"

Hindi na siya sumagot. Dahil sa mga sinabi ni Neil ay mas lalong nag-init ang dugo niya. Dalawang linggo. Mayroon siyang dalawang linggo para puntahan ang lugar na sinabi sa kanya ni Orly.

Kahit sa dulo pa ng mundo ang Kanaway na iyon ay mahahanap niya iyon at maisasama niya pabalik ang kapatid niya.

Tumutok na siya sa trabaho ng muli ay may lumapit sa kanya. Hindi na niya kailangang lingunin kung sino iyon. Kilala niya ang amoy ng pabago. Kay Severino 'Sev' Divero. Pinihit niya ang swivel chair upang magkaharap sila. Tumambad sa kanya ang well made up na anyo nito. As usual, tuwid na tuwid ang polo shirt nito na nakatupi hanggang siko, gayundin ang trousers nito. Makinang ang itim na sapatos at tila pwedeng manalamin. Maayos na nakasuklay pataas ang buhok . At siyempre pa hindi mawawala ang salamin sa mata.

Clark Kent ang bansag dito ng mga katrabaho nila. Ito ang chief ng creative department. At kung tama ang pagkakaalala niya ay halos kasabay din niya itong dumating sa C&L. Matiyaga ito sa panliligaw sa kanya. Ngunit ng maglaon at hindi niya ito sinasagot ay nagbago ang alok nito. Naging kasal na. Gusto na raw kasi ng mga magulang nito na mag-asawa na ito.

May itsura naman ito subalit aywan ba ni Micah kung bakit hindi niya ito magustuhan.

"Yes, Sev?"

Inayos nito ang salamin sa mata. "Sinabi sa'kin ni Neil ang dahilan ng dalawang linggong pagli-leave mo."

Matalim na tumingin siya sa direksiyon ni Neil. Huling huli niya ng mag-iwas ito ng tingin. Bumalik ang mga mata niya kay Sev. "Hindi ako nag-leave. Bakasyon iyon."

"Pareho rin iyon. Gusto kitang samahan. Delikado para sa'yo dahil hindi mo alam ang lugar. Please let me."

Na-touch naman siya sa sinabi nito pero hindi niya kailangan ng chaperone. Isa pa ay mukhang magiging alagain pa niya si Sev kung sakali. "Salamat na lang, Sev, pero kaya ko na talaga. I'll see you in two weeks."

PINAKAMAGANDANG LALAKITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon