Napatingin ako kay Dom nang tumayo siya at maingat na kumilos—binuhat niya ang sariling chair at itinabi sa chair ko. Wala halos pagitan. Bago pa ako nagkaroon ng reaksiyon, umupo siya sa tabi ko, inilagay sa isang tainga ko ang isa sa earphones ng cell phone niya. Naging busy na siya sa gadget.
"Watch," bulong lang na sabi niya, inilapit sa akin ang cellphone. Sabay naming pinanood ang video clip—si Dom sa room niya. Nakahiga at may kausap sa phone. Parang ang saya pa. Pagkatapos makipag-usap, itinapon na lang niya sa kama ang gadget at tumitig na sa kisame. Ilang seconds na nasa kama lang siya, hindi gumagalaw. Seconds later, bumangon na. Pagtayo niya, hindi pa man nakakahakbang ng isa, parang may hindi visible halos na usok na umikot sa kanya bago nawala—at napanganga na lang ako nang magliwanag ang mga mata niya!
Tapos na ang video ay hindi pa rin ako tumitinag, napalunok lang. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ko.
"Nagpa-install ako ng cameras sa room ko," sabi ni Dom, mababa at mahina lang ang boses. 'Yong kami lang dalawa ang makakarinig. "Gusto kong makita kung anong nangyayari sa akin before black out moments. Black out moments na ikaw ang nakikita ko lagi pagkatapos—sa classroom, sa chemistry lab, sa clinic, sa room mo." Hindi nagbabago ang hina ng boses niya. "Footage 'to na kuha bago ko nakita ang sarili kong nasa room mo."
Pinili kong hindi magsalita. Para akong statue sa tabi niya. Ang paglunok lang ang reaksiyon ko.
"Ano'ng nakita mo sa footage, Cyreen?"
Bumaling ako sa kanya. Ang tagal na nagtama lang ang mga mata namin. Kung may makakakita siguro sa amin that day, baka isipin na nagfi-flirt kami sa isa't isa sa library.
"Ano?" ulit niya, hindi iniiwan ng tingin ang mga mata ko. "Liwanag sa mata ko? Na hinihintay mong makita kaya hindi ako halos iniiwan ng mata mo? Iniisip mong hindi ko napapansin? Na lagi kang naka-focus sa mga mata ko?"
Napalunok na naman ako. Nahalata pala niya laging bumabalik sa mga mata niya ang titig ko. Marahan akong tumango. "Twice kong nakita...'yung liwanag—sa cafeteria bago ako nag-faint na sa clinic na nagkamalay...at sa room ko, kahapon..."
"May nakita ka pa bang iba sa video?"
"Usok," halos wala nang tunog na sagot ko. "Na hindi halos visible..."
"Now tell me, wala pa ba tayong dapat pag-usapan?"
Hindi ako umimik. Ibinaba ko lang ang tingin sa phone ko. Hindi ko gustong sumama sa kanya. Hindi ko naman talaga siya kilala. Si Lauon ang mas nakakausap ko kaysa kay Dom. Hindi ko rin kilala ang mga friends niya. I didn't feel safe going anywhere with him.
"Okay..." sa huli ay sabi ko. Nagdesisyon na ako agad. May paraan naman na makapag-usap kaming magiging comfortable ako. "Sasabay ako sa sundo mo," sabi ko. "Pero sa bahay tayo mag-usap after kong daanan si Mart."
Tumango siya. Wala naman palang balak ipilit kung saan man ang place na gusto niyang mag-usap kami.
Katahimikan na ang kasunod noon. Katahimikan na binasag nang may narinig akong rock music. Saka ko naalala na nasa tainga ko pa ang isang earphone. "Ikaw na lang ang makinig. Mas ingay kaysa music ang dating sa akin ng ganyang tunog."
Hindi niya kinuha ang earphone. Mellow song na ang narinig ko mayamaya—old song na nakaka-relax.
Napatingin ako kay Dom.
"Better?"
Hindi ko alam bakit napangiti ako. Naging tahimik na kami pareho—nakatutok ang atensiyon sa kanya-kanyang phone na nasa ilalim ng mesa, nakikinig sa iisang kanta.
Kumilos lang kami pareho nang dumating si Leorelle, nakaangat ang kilay at halatang inis. Hanap yata siya nang hanap kay Dom at hindi ini-expect na sa favorite spot ko sa library nag-stay.
Hindi ko na lang pinansin ang deadly stare niya bago hinila si Dom palayo. Si Dom na busy sa phone habang nakakapit si Leorelle sa braso.
Nag-vibrate ang cell phone ko. Si Dom ang nag-text.
Exit gate later?
Sabay lang ng pag-angat ko ng tingin ang paglingon ni Dom sa akin. Hindi na ako sumagot sa text. Ngumiti lang ako nang magtama ang mga mata namin.
BINABASA MO ANG
15 (Published)
Fantasi**NEW RELEASE** March 7, 2018. UNEDITED VERSION. For Reb Fiction imprint. Fantasy. Teen Fiction. Naniniwala ka ba sa red string of fate na nagko-connect sa mga taong destined na mag-meet? Paano kung magising ka isang umaga na may chance kang m...