"ANG SABI ni Kuya, hindi na rin kayo masyadong nagkikita. Kapag niyayaya ka raw niyang lumabas, palagi kang may dahilan para tumanggi," ani Phylbert kay Jace bago siya sumubo ng katakam-takam na dinuguan. Nasa isang eat all you can na restaurant sila. Siya ang may ideya na kumain doon dahil na-miss niya ang dinuguan at puto roon.
Nanood sila ng isang comedy film at mas natuwa siyang marinig ang tawa ni Jace kaysa sa pelikula mismo. Mas maganda na ang mood nito paglabas nila ng sinehan. Baka kaya masungit ito ay dahil sa sobrang kaabalahan sa trabaho at pag-aaral. He needed a break. Maaari siguro niyang kausapin si Tito Lyle tungkol sa bagay na iyon. He always listened to her.
"Abala lang talaga ako nitong mga nakaraang araw," tugon nito. Mukhang nasisiyahan naman ito sa mga pagkain. Kung minsan kasi ay medyo maselan ito sa pagkain. "Bukod pa sa alam kong mas gusto niyang kasama si Penelope. Bago pa lang ang relasyon nila kaya hindi nakapagtataka na ayaw siyang lubayan ng kapatid mo."
Tumango-tango siya. Kumutsara siya ng dinuguan at isinubo iyon. 'Sarap. "Tama. Kahit ako hindi ko na makasama nang madalas si Pen at si Kuya. Sila palagi ang magkasama. Minsan nga, gusto kong magselos kay Pen kasi siya na lang ang palaging nilalambing ni Kuya." Sumubo uli siya. Napatingin siya kay Jace nang bigla itong tumawa. "Bakit?" nagtatakang tanong niya. Wala naman siyang sinabing joke upang matawa ito nang ganoon.
He pressed his lips together. Pilit nitong pinipigil ang tawa nito ngunit hindi ito gaanong nagtagumpay. His eyes were dancing in mirth. "Ngiti ka," tumatawang hiling nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya.
He laughed. "Sige na, ngiti ka na. I love your smile."
Napangiti siya dahil sa sinabi ni Jace. Kaligayahan niyang sundin ang lahat ng kahilingan nito. He loved her smile! Ngayon lamang nito sinabi sa kanya ang bagay na iyon.
Tumawa si Jace nang malakas. Nakuha na nito ang atensiyon ng mga ibang kumakain. Nabura ang kanyang ngiti at muling nagsalubong ang mga kilay niya. Ano ba ang pinagtatawanan nito?
"Your teeth," he said, between laughs.
Nagkukumahog na kinuha niya ang compact mirror sa bag at tiningnan ang kanyang ngipin. Nangingitim iyon dahil sa dinuguan. Sa halip na mapahiya ay ngumisi pa siya para mas makita ni Jace ang nangingitim na ngipin niya. "'Ganda ko pa rin kahit mabulok ang lahat ng ngipin ko."
Dinampot nito ang puto at isinubo sa kanya. "Kadiri kaya," anito habang tumatawa pa rin.
Nginuya niya ang puto. "Tumigil ka sa katatawa, kumain ka na. Ubusin mo lahat ng pagkain sa plato mo. Ayokong may matitira diyan. Tandaan mo, maraming mga taong nagugutom at hindi nakakakain."
Pinisil nito ang ilong niya. "Opo. Ikaw rin, kain nang kain."
Magana siyang kumain. Masaya siyang kasama niya si Jace at mukhang masaya rin naman ito na kasama siya. Hindi siya kagaya ng ibang mga babae na halos hindi ginagalaw ang pagkain sa harap ng mga ito dahil masyadong conscious sa figure. Hindi siya tabain at palagi siyang maganang kumain. Aminado siyang matakaw siya at minsan ay mas marami pa siyang nakakain kaysa kay Joaquin. Siya ang tagaubos ng pagkain sa mesa. Hindi siya nagsasayang ng pagkain dahil naranasan na niya kung paano ang magutom nang matindi.
Hindi nawala ang magandang mood nila hanggang sa matapos silang maghapunan. Busog na busog si Phylbert. Iyon marahil ang dahilan kung bakit nakatulog siya sa sasakyan. Pakiramdam din niya ay pagod na pagod siya. Nagising siya nang maramdamang may humahaplos sa kanyang pisngi. Kaagad siyang napangiti nang mamulatan niya ang guwapong mukha ni Jace.
"Hi," bati niya sa namamaos na tinig.
Masuyo siya nitong nginitian. "You're home. Sige na, baka hinihintay ka na nina Tita Bianca."
"Karga," malambing na hiling niya.
"Phylbie, mabigat ka."
"Sige na. Pagod na 'ko, eh." Hindi siya nagsisinungaling. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang pagod na nararamdaman niya. Tila hindi kakayanin ng mga binti niya ang paglakad. "Please, darling honey?"
Hinaplos nito ang buhok niya. "Okay. Palagi mo talagang nakukuha ang gusto mo."
Ngiti lang ang naging tugon niya. Ipinaikot niya ang kanyang mga braso sa leeg ni Jace pagkakarga nito sa kanya. Ibinaon niya ang mukha sa dibdib nito at sinamyo ang bango nito.
"I love you," bulong niya.
Hinagkan ni Jace ang ulo niya. "Thank you."
Napalabi siya. "You're supposed to say 'I love you, too.'"
Tumawa ito. Kinarga siya nito hanggang sa silid niya. He even tucked her into bed and kissed her forehead. Nilabanan niya ang antok ngunit hindi siya nagtagumpay. She was the happiest girl in the whole world because she was in love with the most amazing man in the universe.
"'WAG MONG kalilimutan 'yong party ni Mommy sa Sabado, ha," ani Phylbert kay Penelope habang palabas sila sa huling klase nila nang araw na iyon.
"Kailangan ba talagang naroon ako?" nakangiwi nitong tanong.
"Of course, Pen! Hindi puwedeng wala ka roon. Sige ka, pagkakaguluhan doon ang kuya ko. Baka mawalan ka ng lovable na boyfriend."
Tumawa ito. "Hindi naman siguro basta na lang babaling si Joaquin sa ibang babae dahil lang wala ako ro'n. Alam mo namang hindi ako gaanong kumportable sa mga ganyang pagtitipon."
"Tama ka. Pasalamat ka patay na patay talaga ang kapatid ko sa 'yo. Basta dapat nandoon ka. Mas charity event 'yon kaysa sa sosyalan na party." Magkakaroon ng benefit auction at lahat ng malilikom nila ay mapupunta sa charity. Mula nang pakasalan ni Mommy Bianca si Daddy Hiram ay naging abala na ito sa pagtulong sa kapwa.
"As if naman na may maitutulong ako. Wala naman akong malaking pera."
Napangiti siya nang makahulugan. "Trust me, may maitutulong ka. Basta, magpapaganda tayo sa araw na 'yon. Ako na ang bahala sa 'yo. You don't have to worry about your dress and shoes, I have it covered already. Ibinilin ka na ng kuya ko sa 'kin." Kasalukuyang nasa Greece si Joaquin para sa isang trabaho. May dadaluhan din itong photo exhibit ng isang kaibigan nito.
"Aabot ba talaga siya sa party?"
Tumango siya. "Aabot daw siya. Nami-miss mo na siya, ano?"
Ngumiti lang ito.
"Ako, nami-miss ko na si Jace. Hindi na naman siya gaanong nagpapakita."
Tumahimik lang si Penelope at walang sinabing anuman. Ganoon ito tuwing nababanggit niya si Jace. May pakiramdam siya na hindi ito kumportable pero wala naman siyang maisip na dahilan kung bakit ito ganoon. Hindi na lang niya masyadong iniisip ang bagay na iyon at wala naman yatang saysay. Kung ano-ano lang siguro ang napapansin niya.
so-3RQ
BINABASA MO ANG
My Darling Brat COMPLETED (Published by PHR)
Roman d'amourMy Darling Brat By Belle Feliz