NAKITA ni Phylbert na binu-bully na naman ni Ciara si Penelope kinabukasan. Hindi niya pinansin ang mga ito. Wala na siyang pakialam pa. Mas inintindi niya ang mga exam niya.
Pag-uwi niya sa bahay ay sinalubong siya ni Joaquin. Nakabadya ang iritasyon sa mukha nito. "Hindi mo man lang ipinagtanggol ang kaibigan mo sa mga bully na 'yon," akusa nito sa kanya.
Nilampasan niya ito. Ayaw niya itong kausapin kung si Penelope lang ang magiging paksa nila. She was so tired. She wanted to lay in bed and sleep.
Hinawakan nito ang braso niya at pilit siyang pinaharap dito. "Nakita kita kanina. Hinayaan mo lang 'yong mga babaeng 'yon na api-apihin si Penelope. Basta ka na lang umalis at parang wala kang nakita. Paano kung hindi ako dumating? Baka kung ano na ang ginawa ng mga bully na 'yon kay Penelope."
Pumiksi siya. "Kailangan ba, lagi ko siyang tulungan? Bakit ayaw niyang tulungan ang sarili niya? Hindi ba niya kayang gawin ang bagay na iyon? Wala ba siyang bibig para magsalita? Wala ba siyang kamay na makakasampal at makakasabunot? Palagi na lang damsel in distress ang drama niya. Huwag kang mainis sa akin na parang ang laki-laki ng kasalanan ko dahil lang hindi ko siya ipinagtanggol kina Ciara. Kasalanan niya!"
Halatang nagulat ito sa outburst niya. Hindi siya kailanman nakipag-usap nang ganoon dito. Natutop niya ang kanyang noo. She lost her cool. Nagsisisi siya sa pagtataas niya ng boses sa kanyang kuya. She loved Joaquin so much. Noong dumating siya, walang alinlangan na tinanggap at minahal siya nito. Kahit na pareho nilang alam na hindi sila magkadugo, totoong magkapatid ang turingan nila.
She would do everything for him. Poprotektahan niya ito hanggang sa makakaya niya. Hindi niya hahayaan na masaktan ito ng kahit sino. Hanggang sa kaya niyang itago ang nalaman niya tungkol kina Jace at Penelope, itatago niya.
"I'm sorry," aniya sa munting tinig. "I'm not feeling well, Kuya."
Niyakap siya nito. "No, I'm sorry. You're right, princess. I'm sorry."
Bahagya siyang nasiyahan dahil hindi naman pala mas importante kaysa sa kanya si Penelope para dito. She would always be his little darling princess.
Hinaplos nito ang buhok niya. "You look so pale. Gusto mong dalhin kita sa doktor ngayon?"
"Vampire na ako, eh, kaya pale ako," nakangiting sabi niya. Iyon ang unang joke na pinakawalan niya mula nang makita niyang hinagkan ni Jace si Penelope.
Natatawang pinisil nito ang ilong niya. "Seriously, I think you need to see a doctor."
"Tomorrow," pangako niya. "May exams pa ako bukas kaya kailangan kong mag-review. Sa—"
Natigil siya sa pagsasalita nang papasukin ng isang kawaksi si Jace. She missed him. Ang unang nais niyang gawin ay takbuhin ito at yakapin nang mahigpit. Nais niyang pupugin ng halik ang buong mukha nito. Ngunit hindi niya lubos na makalimutan ang eksenang nasaksihan niya sa likod ng graduate school building. Naikuyom niya ang kanyang mga kamay at hindi umalis sa kinatatayuan.
"Hey!" masiglang bati ni Joaquin sa matalik nitong kaibigan.
"H-hi," tila nag-aalangang ganting-bati ni Jace.
Nagsalubong ang mga kilay ni Joaquin habang nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila. Nagtataka marahil ito sa reaksiyon niya. She would usually leap into his arms the moment she saw him.
"Nag-away ba kayong dalawa?"
"No," mabilis na sagot niya. Pinilit niya ang kanyang sarili na ngumiti. Nilapitan niya si Jace at hinagkan ito sa pisngi. Mariin niyang naipikit ang kanyang mga mata. Nais niyang umiyak. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili, niyakap niya ito nang mahigpit. She loved him so much. He was hers. Bakit kailangang makita niya ang hindi niya dapat makita?
Naramdaman niya ang tensiyon sa katawan nito. "Uhm... I'm here to talk to you, Joax."
Binundol si Phylbert ng matinding kaba. Alam na niya kung ano ang sasabihin nito kay Joaquin. "No!" naibulalas niya habang nanlalaki ang mga mata. Hindi siya papayag sa gusto nito. Hinila niya ito patungo sa itaas, sila ang mag-uusap sa kanyang silid.
Pinigilan ni Jace ang kamay niya. "Phylb—"
"No!" aniya sa marahas at mariin na tinig. Pilit niya itong hinila. "No! Tayo ang mag-uusap. Let's go to my room."
"Phylbert," saway ni Joaquin sa kanya na tila siya isang tipikal na brat.
Ipinadyak niya ang kanyang isang paa upang ipakitang ganoon nga siya. "Ilang araw ko na siyang hindi nakikita. I miss him so much. Give us half an hour and he's all yours. Pagbigyan mo muna ako, Kuya."
Umiling si Joaquin. "Okay. Jace, kausapin mo muna 'yang brat kong kapatid. Nasa kuwarto lang ako. Puntahan mo na lang ako kapag tapos ka na sa kanya." Tatalikod na sana ito ngunit tila may biglang naalala. "Don't close the door, Phylbie. No hanky-panky," seryosong babala nito.
Napalabi siya. "Unfair! You make out with Pen all the time." Pagkasabi niyon ay tumingin siya kay Jace. Tumiim-bagang ito. Hindi iyon napansin ng kuya niya. Bahagyang namula ang pisngi ni Joaquin. Totoo naman ang sinabi niya. Ilang beses na niyang nahuli ang dalawa sa intimate moments ng mga ito.
It was bitchy and childish to say that in front of Jace, but she was too angry to feel guilty. Si Jace na ang humila sa kanya patungo sa kanyang kuwarto.
3RPj