NANG marinig ni Phylbert ang pamilyar na tunog ng alarm clock mula sa cell phone niya ay naupo siya sa upuang kawayan at kinalkal ang kanyang bag. She turned the alarm off. Inabutan siya ni Jace ng isang bottled water at naupo sa tabi niya.
Sa halos tatlong araw na magkasama sila, memoryado na yata nito ang pag-inom niya ng gamot kahit na walang alarm.
"You take these food supplements religiously," puna nito habang inaabot ang medicine canister na palagi niyang dala-dala.
Nagkibit-balikat na lang siya. Ayaw niyang magsalita gaano dahil ayaw niyang tumahi ng mga kasinungalingan. Karamihan naman talaga sa mga iniinom niya ay food supplements. Ayaw ni JC na magkaroon siya ng relapse. It would kill him this time, he said. Siya man ay ayaw nang balikan ang kabanatang iyon ng kanyang buhay.
Minsan, itinatanong niya sa kanyang sarili kung ano pa ang saysay ng pagtatago ng pagkakasakit niya kay Jace. Tapos naman na ang kabanatang iyon sa kanyang buhay. She was well. Hindi na niya kailangang mag-alala na baka kaawaan siya nito nang husto. Hindi naman na niya hinahangad na mahalin rin siya nito. Natatakot ba siyang magalit ito sa kanya?
"Huwag mo akong titigan nang ganyan at iba ang naiisip ko, Phylbert Anne."
Natawa siya sa sinabi nito. He looked uncomfortable but she knew he would behave like a perfect gentleman. Ang totoo, siya man ay hindi kumportable na nasa iisang cottage silang dalawa at walang ibang kasama. Ilang libong beses na ba niyang na-imagine noon ang mga ganoong scenario? Maraming beses niyang hinangad na masolo ito.
Sumandal siya sa upuan. She sighed dreamily. "You were my first love," halos wala sa loob na naiusal niya.
"As you were my first love."
Sinulyapan niya ito, may amused na ngiting naglalaro sa kanyang mga labi. "You're lying."
"I'm not."
"It was Penelope."
Umiling ito. "No. It's you."
"Hindi puwedeng ako. Siguro, ibang babae bago ako dumating sa buhay n'yo. You were fifteen when we first met. Kuya already had two girlfriends at the time. Palagi kang iritado sa akin. Siguro, math teacher mo no'ng elementary ang first love mo o naging kaklase mo. Huwag mo akong lokohin, Jace, ha." Naaalala niya na palagi siya nitong itinataboy noon tuwing lalapit siya. Ngunit dahil makulit siya at nais niyang palagi itong nakikita, palagi siyang nakabuntot dito. Palagi niya itong sinusundan kahit na saan ito magpunta.
"Hindi kita niloloko. Nagsasabi ako nang totoo sa 'yo. Hindi ko siyempre alam noong mga panahong iyon na ikaw ang first love ko. Ang alam ko lang, hindi ako nagkaroon ng interes sa ibang babae noon. Hindi ko maalala kung maganda ang math teacher ko noong elementary pero naaalala kong maganda at sexy ang Chemistry teacher namin n Joax noong high school. Joaquin and the other boys had a huge crush on her. Pero hindi ako. Hindi ako humanga sa mga kaklase kong babae. Wala akong ibang interes noon kundi ang magkaroon ng magandang grades para matuwa sa akin si Papa at para hindi ko na gaanong isipin ang paglalasing ni Mama."
Umisod siya palapit dito at hinawakan ang kamay nito. Inihilig niya ang kanyang ulo sa balikat nito. Alam niya na hindi naging madali ang lumaki kasama ang mga magulang nito. Naging perfectionist ito para mapaluguran si Tito Lyle. Hindi nito alam ang gagawin sa mama nitong mas nais magpakalango sa alak kaysa alagaan ito. Alam rin niya na may sama ito ng loob sa papa nito.
"Ganoon lang ako hanggang sa dumating ka sa buhay ko. You were so cute and adorable. Noong una, akala ko ay kapareho lang ng nararamdaman sa 'yo ni Joaquin ang naramdaman ko. I remember Joax couldn't stop talking about you. He was so thrilled to have a younger sister. Kahit na hindi ka na raw baby, ikaw pa rin ang baby sister niya na matagal na niyang ipinagdarasal. Nang tumagal, iba na. My heart would beat faster whenever you smiled. I would always be excited to see you."