HINDI iyon ang unang pagkakataon na nakita ni Phylbert na magkasama sina Jace at Penelope. Madalas, tuwing araw ng Sabado ay nakikita niya ang mga ito sa likod ng graduate school building. Palaging nakatawa si Jace na ikinatutuwa rin niya. Madalas na nakikisali siya sa katuwaan ng mga ito.
May mga pagkakataon na kakaiba ang nararamdaman niya kapag kasama niya ang dalawa. Tila may nararamdaman siyang tensiyon ngunit hindi naman niya alam kung saan nanggagaling iyon. May mga pagkakataon na tila iniiwasan siya ni Penelope. Napansin din niya ang pagiging malamig ni Jace sa kanya.
Ayaw niyang pag-isipan ng kakaiba ang mga ito. Ayaw ni Phylbert pagselosan si Penelope. Alam niyang hindi nito magugustuhan sa ibang lebel si Jace. Jace was hers and Penelope was fully aware of that. Hindi siya sasaktan ng kaibigan niya at lalong hindi sasaktan ni Jace si Joaquin.
Tuluyang nabura ang munting pagdududa sa puso at isipan niya nang i-announce ng kapatid niya na sinagot na ito ni Penelope. Pag-uwi nito galing ng romantic date nito kasama ang kanyang kaibigan ay binulabog sila nito at pilit na pinabangon sa higaan. Masayang-masaya siya para kina Joaquin at Penelope. Masaya siya dahil hindi masukat ang kaligayahan ng kanyang kapatid. Ganoon din ang mommy at daddy nila. Naglabas pa ng champagne si Daddy Hiram para makapag-celebrate sila. Noon lang nakita ng mag-asawa na ganoon kasaya ang unica hijo ng mga ito.
Kinabukasan ay niyakap kaagad niya si Penelope nang makita niya ito. "I'm so happy for you! You're the second luckiest girl in the whole world! I'm the first." she gushed. "My brother loves you so much."
Nginitian siya nito. "Alam ko, Phyl."
"You'll be happy with him. Hindi ka magsisisi kailanman. May pangit na history ang kapatid ko sa mga babae pero maniwala ka sa 'kin kapag sinabi kong mahal na mahal ka niya. You are his first love. Don't break his heart, I beg you."
Nabura ang ngiti sa mga labi nito. Her eyes became worried. "Phylbe—"
"I know you wouldn't," aniya bago pa man ito matapos sa sasabihin nito. "You love him, too."
Tumango ito at ngumiti na tila alanganin. Hindi na niya gaanong inisip kung bakit ganoon ang reaksiyon ni Penelope, kung bakit tila masyado itong nag-aalala. Nag-aalala nga marahil ito. Unang nobyo nito si Joaquin. Iniisip marahil nito na baka hindi ito makasabay sa kapatid niya. Baka nag-aalala ito na baka hindi ito maging sapat. She had always been insecure about herself and she hated that. She was lovely inside and out. Kaya nga napamahal pati si Joaquin dito.
Niyakap niya itong muli. "You're my sister na! Ang saya, 'di ba?"
BINISITA ni Phylbert si Jace sa opisina nito isang hapon. Hindi nabura ang kanyang matamis na ngiti kahit na lukot na lukot ang mukha nito. Kahit na paano siya nito sungitan, hindi siya basta na lang tatalikod at aalis doon. She had missed him. Kahit na pangit ang mood nito, mananatili siya roon.
"What are you doing here?" hindi nakatingin sa kanya na tanong nito. Abalang-abala ito sa laptop nito. Salubong na salubong ang mga kilay nito. Inisip na lang niya na hindi naging maganda ang araw nito sa opisina. Hindi naman siguro dahil naroon siya kaya nasira ang araw nito.
Hindi sila madalas na magkita nitong mga nakaraang araw. Kapag tinatawagan niya ito ay tila iritado ito palagi sa kanya. Hindi niya malaman kung bakit. Hindi naman siya nangungulit—hindi gaano.
"Binibisita ka," tugon niya. "Na-miss kita, eh."
"May trabaho ako," malamig na sabi nito.
Nasaktan si Phylbert sa naging tugon ni Jace. Hindi siya sanay na binabale-wala at hindi pinapansin. Ngunit pilit niyang binura iyon sa kanyang sistema. Hindi niya nais na makaramdam ng kahit anong negatibo kapag kaharap niya si Jace. Masaya siya na nakikita ito. Kahit na ano pa ang mood nito, masaya pa rin siya.
Napasulyap si Phylbert sa wall clock. "Kalahating oras na lang bago mag-alas-singko. Uwian mo na," masiglang sabi niya.
Marahas itong bumuntong-hininga. "Mag-o-overtime ako."
She pouted. "'Not buying it."
"What do you want, Phylbert?"
Mas lumuwang ang kanyang ngiti. Hindi nito alam ang sagot sa tanong nito? Dapat ay matagal na nitong alam. "You. I will always want you, Jace. Forever. Always." Nilapitan niya ito at bago pa man ito makagalaw ay naipaikot na niya ang mga braso niya sa leeg nito. Hinagkan niya ang pisngi nito. "I'll wait for thirty minutes. I'll behave, I promise. I'll stay in one corner. I will not move or talk. Pero manonood tayo ng sine, ha?"
"Phylbert," reklamo nito. Nawala na ang pagkakakunot ng noo nito. Hindi talaga nito matanggihan ang charm niya, lalo na kapag naglalambing na siya.
"Sige na, please?" malambing na pakiusap niya. "Hindi na kita nakikita nitong mga nakaraang araw. Palagi ka na lang busy. Sige na. Sige na."
Muli itong bumuntong-hininga. "Maupo ka sa isang tabi at manahimik."
Hinagkan uli niya ito sa pisngi. "Yey!" Naupo siya sa couch at pinilit ang sarili na manahimik at huwag mangulit. Pinanood niya si Jace habang nagtatrabaho ito. Pakiramdam niya ay nag-e-expand ang kanyang dibdib habang nakatutok ang mga mata niya rito. Halos hindi niya ma-contain ang nararamdaman niyang pag-ibig para sa lalaki. She would never love another man.
Halos hindi namalayan ni Phylbert ang paglipas nang treinta minuto. Hinintay niyang maiayos ni Jace ang mga gamit nito bago niya ito nilapitan. Pagtayo nito sa swivel chair ay kaagad niya itong niyakap.
"Miss na miss na miss kita," aniya habang nakabaon ang kanyang mukha sa dibdib nito. She deeply inhaled. Hindi niya pagsasawaang amuyin ang bango nito.
Nagdiwang ang puso niya nang pumaikot ang isang braso nito sa kanya. "'Wag kang OA. Kung umasta ka, parang isang dekada tayong hindi nagkita."
Napalabi siya habang nakatingala rito. "Eh, sa na-miss talaga kita, eh. Ano ang magagawa mo? Hindi mo naman kontrolado ang feelings ko."
Umiling ito. Tila hindi nito alam ang sasabihin at gagawin sa kanya.
Hinagkan niya ang baba nito. "Ganito talaga kapag mahal mo ang isang tao. Kahit na ilang araw mo lang hindi nakita, it feels like forever na. OA na kung OA. Honest naman ako."
Pinisil nito ang ilong niya. "Nakakarami ka na, Phylbie. Sino ang may sabi sa 'yong puwede kang humalik nang humalik?"
Nginisihan niya ito. "I can't help myself. You're so gorgeous."
"Let's go before you devour me. Ayokong manood ng Tagalog romantic movie, Phylbert."
"Pa-kiss muna uli," nakangising hiling niya.
Inalis nito ang mga braso niyang nakapulupot dito at dumistansiya. Dinampot nito ang coat nito. "Tara na. Kung ano-anong kalokohan ang naiisip mo."
Napanguso siya. "Dahil pakipot ka, panonoorin natin ang Hanggang sa Matapos ang Walang Hanggan. At ha-harass-in kita sa loob ng sinehan. 'Kala mo may kawala ka sa akin. Excited na ako!"
Umiiling-iling at nangingiting iginiya siya nito palabas ng opisina. "Luka-luka ka talagang babae ka."
"Lokang-loka sa pag-ibig sa 'yo. Kitam, nawala ang pangit mong mood dahil sa paglalambing ko? Hindi mo ako matiis, 'no? You love me."
"Pasalamat ka, tama ka."
Namilog ang kanyang mga mata. "Aminado ka nang mahal mo ako?"
Pinindot nito ang ilong niya. "Tama ka na kaya mong ibahin ang mood ko."
"Hmp! Kunwari ka pa." Alam niya na mahal siya nito. Hihintayin niyang aminin nito iyon sa sarili.
erif93R�v�